CHAPTER 7

813 5 2
                                    

"Ate Tin, may problema ba kayo ni Kuya?" nag-aalalang tanong ni Fretzie sa kanya isang umagang nakasakay sila ng taxi. Nagbibiyahe na sila patungong eskwela.

"Wala, bakit mo naman naitanong?"

"Wala lang. Para kasing masyado kayong civil sa isa't isa ngayon eh. Tsaka hindi ka na rin pumapayag na ihatid-sundo ka niya. Hindi ako sanay."

Matalino rin talaga ito katulad ng kapatid. Magaling makiramdam. Totoong civil na lang ang pakikitungo nila ni Slater sa isa't isa pagkatapos ng nangyari. Dahil nasa poder pa rin siya ng mga ito, pinipilit na lang niya ang sarili na umastang parang walang nangyari. Nakakahiya naman kasi at baka mag-alala pa ang parents ng mga ito at mag-usisa. She couldn't afford another humiliation if ever. Bagamat nag-aalok pa rin si Slater na ihatid sila ni Fretzie, idinadahilan nalang niya na ito rin ang inaalala niya dahil masyado na itong naaabala. At isa pa, alam naman niyang nag-aalok lang ito para hindi na magtanong ang kapatid nito.

Pinilit niya ang ngumiti nang lumingon dito. "Konting misunderstanding lang 'to."

"Sure ka, Ate?"

"Yup, don't worry."

Kusang sumilay ang ngiti sa labi ni Tin nang pagbaba niya sa sala ay ang maaliwalas na mukha ni Jerico ang sumalubong sa kanya. "Hello, Princess!"

"Wow dude, ang aga mong naligaw?" Bagamat may pinagdadaanan siyang problema, totoong sigla naman ang nasa boses niya nang magsalita.

Nasaktan at nalulungkot man siya sa ginawa ni Slater sa kanya, malaki pa rin ang pasasalamat niya na may isang Jerico na laging nandiyan para sa kanya. Ito ang nagmistulang shock absorber niya na nagpapasaya sa kanya sa panahong sobrang lugmok siya. Perfect timing nga ito dahil kinabukasan din pagkatapos ng nangyari sa kanila ni Slater, saka naman ito biglang sumulpot. Nang mapuna nitong matamlay siya, idinahilan na lang niyang masama lang ang pakiramdam niya. Masama man ang loob niya kay Slater, hindi naman dahilan 'yun para ikwento dito ang ginawa sa kanya ng kaibigan nila. Over-protective kasi si Jerico sa kanya at natitiyak niyang aawayin nito si Slater kapag nalaman ang nangyari. Silang dalawa ni Slater ang may problema, kaya hindi ito dapat madamay.

"Alam mo naman, daig pa ng maaga ang masikap!"

Natawa siya sa sinabi nito. "Adik! Maagap 'yun, hindi maaga!"

Napakamot ito sa ulo. "Pareho na rin 'yun."

Nagkibit-balikat na lang siya. "Bakit ba ang aga mo?"

"Imbitahan ko sana ang prinsesa ko na gumala eh. Alam mo naman, sinusulit ko lang ang mga panahong maluwang ang schedule ko."

"Prinsesa mo talaga? Ano ka, frog prince?"

Tulad ng nakasanayan nito, pinisil nito ang ilong niya. "Ang guwapo naman ng frog prince mo kung ganun."

Tinampal niya ang noo nito. "Kapal, kapal, kapal."

Ang eksenang iyon ang dinatnan ng kakagising lang na si Slater. "Jerico? What are you doing here?" walang siglang tanong nito saka nagpalipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa.

"Wala bro, niyayaya ko lang ang princess ko na gumala." Inakbayan siya nito. "Bihis ka na dali."

"Pumayag na ba ako?" nakangiting tanong niya kay Jerico.

"Matatanggihan mo ba naman ako?"

"Ang aga-aga pa bro. Ni hindi pa nga yata nag-aalmusal yan. Tama ba ako, Tin-Tin?"

Hindi niya pinansin ang sinabi ni Slater. "Sige, Jerico. Hintayin mo 'ko, bihis lang ako. Naku, pasalamat ka malakas ka sa'kin."

Natawa si Jerico. "Salamat."

Ni hindi niya sinulyapan man lang ang nadaanang si Slater nang tinungo niya ang hagdan.

Nagsusuklay na lang ng buhok si Tin nang biglang pumasok sa kwarto niya si Slater.

"Hindi ka ba marunong kumatok?" asik niya dito saka ito tinapunan ng matalim na tingin. Salubong din ang kilay nito.

"Bakit ba atat na atat kang sumama kay Jerico? Araw-araw naman kayong nagkikita pero kung makaasta ka parang ang tagal na ninyong hindi lumalabas."

"Wala kang pakialam!"

Nang muling magsalita ito ay mahinahon na ang tinig nito. "Bakit ka ba nagagalit? Concern lang naman ako sa'yo. Baka mamaya kung ano pa ang isipin nun."

Nagpanting ang tenga niya sa narinig. "Salamat na lang pero hindi ko kailangan ang concern na sinasabi mo. Dahil kumpara sa inyong dalawa, mas harmless si Jerico."

Muling nagsalubong ang kilay nito. Marahas na hinawakan siya nito sa magkabilang balikat saka siya isinandal sa pader. "Ano'ng ibig mong sabihin?" Bakas ang iritasyon sa tinig nito.

Nasisindak man siya sa uri ng tingin nito ay hindi pa rin niya ipinahalata iyon. "Alam mo ang sinasabi ko."

Sa sinabi ay lumambong ang mga mata nito. Nang mapunang unti-unting bumababa ang mukha nito sa kanya ay buong pwersang itinulak niya ito palayo.

"Huwag na huwag ka nang magtangkang gawin ulit ang ginawa mo noon dahil baka ma-misinterpret na naman kita, nakakahiya naman sa'yo. Now, if you'll excuse me, hinihintay na ako ni Jerico!"

Iniwan na niyang natitigilan ito.

Good job, Tin!

Marahas na pinunasan muna niya ang luhang pumatak na kanina pa niya pinipigilan bago siya tuluyang bumaba.

"Damn!" mahina ngunit mariing sambit ni Slater nang makalabas na ng kwarto si Tin.

Hindi na siya nagtangkang bumaba ulit dahil ayaw na niyang masaksihan kung gaano katamis ang ngiti ni Tin na alam niyang kay Jerico na lang nakalaan ngayon.

Nanghihinang naupo siya sa kama nang maisip na baka hindi na dumating ang panahon na siya naman ang paglaanan ng isang matamis na ngiti ng babaeng pinakamamahal niya.

"I miss you, Tin. I miss us. Terribly." Naihilamos na lang niya ang dalawang kamay sa mukha.

ONLY ME AND YOUTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon