Zhyna's Point of View
Kinabukasan, mabilis akong tumayo sa aking pagkakahiga at dumiretso sa c.r para maligo.
Nananatili pa rin ako hanggang ngayon sa bahay nina Diana. Matapos ang masayang selebrasyon ng aming pasko noong isang araw. Nakiusap si Diana kung pwede mag-stay pa ako dito ng isa pang gabi kaya ngayon pa lang ako makakauwi sa bahay.
Sa tuwing dito ako sa kwarto niya natutulog, walang pagkakataon ang hindi ko ito pinagmamasdan nang mabuti.
Ang lawak ng kwarto niya. Ang kwarto niya ay kasinglaki lang ng bahay ko kung tutuusin. Nakakamanghang isipin na ang laki ng kama niya at hugis Hello Kitty talaga. Kung anong itsura ni Hello Kitty na nakikita natin sa t.v ay ganoon na ganoon ang hugis ng kama niya, talagang pinasadya niya. Kakasya siguro ang limang tao dito.
Ang mamahaling gold chandelier na kumikintab sa ganda.
Wala ka talagang masasabi sa yaman ng pamilya ni Diana.
Nakakabilib lang dahil hindi sila 'yong tipong mayaman na nagyayabang. Hindi nila ugaling sinasabi na mayaman sila. Sadyang ang mga galaw, pananamit at katangian nila ang kusang nagbibigay sa kanila ng magandang description.
Nakita ko si Tito Ryan na naglalapag ng mga pagkain sa lamesa nang tuluyan akong makababa sa nagsusumigaw nilang mamahaling staircase.
"Ano pong meron tito?" tanong ko habang papalakad papunta sa kanila.
Maraming katulong sina tito dito sa bahay nila pero madalas kapag may selebrasyon sila, ang madalas na magluto ay si Diana at si tito mismo.
Oo, mahilig silang parehong magluto.
"Oh, iha. Good morning. Darating ang mga relatives namin sa side ko at sa side ng mama ni Diana, " tugon naman ni Tito Ryan habang abala sa paglalagay ng pagkain sa lamesa.
Nakakatuwang isipin kahit na wala na ang mommy ni Diana dahil sa sakit na cancer ay nananatili pa rin may koneksyon ang mga kamag-anak nila sa isa't isa.
"Ah, gano'n po ba." Tiningnan ko ang mga nakalapag sa lamesa. Masasarap, dahil amoy pa lang lasap mo na ang lasa.
"Zhy! Aba at gising ka na, ha!" Salubong sa akin ni Diana at nagbeso siya sa akin na may dala-dalang pagkain.
"Ah, Diana. Uuwi na ako. May pasok pa kasi. Tito, mauna na po ako. Salamat po." Kinuha ko na ang bag ko at isinabit sa balikat ko.
Nakakahiya naman kung pati sa mga kamag-anak nila makisawsaw pa ako.
"Hindi ka na muna ba kakain, iha?" tanong sa akin ni tito. Umiling lamang ako para sa pagsagot.
"Pupunta ka ba ulit dito mamaya, Zhy?" tanong naman sa akin ni Diana habang abala sa pagbibitbit ng pagkain sa lamesa.
"Hindi na siguro. Diretso na siguro ako sa bahay atsaka kailangan mong paghandaan ang unang araw mo sa trabaho," masaya kong tugon sa kaniya.
"Mag-ingat ka, iha," sabi ni Tito Ryan.
"Sige po." Atsaka na ako tuluyang lumabas sa kanilang mala-mansyong bahay.
Nang makarating ako sa bahay ko ay agad akong naligo at nagbihis ng uniform ko sa work. Mabilis rin naman akong nakarating sa trabaho ko.
Mabilis din na lumipas ang oras, sa sobrang abala ko ay hindi ko na napansin na malapit na pala ang paglubog ng araw.
Napagdesisyunan kong bisitahin ang puntod ng aking pinakamamahal na lola bago tuluyang umuwi. Nang makarating ako ay inilapag ko agad sa kaniya ang binili kong bulaklak sa kanto. Pinili ko ang pinakamahal na bulaklak dahil minsan lang naman ako makadalaw dito. Nagsindi agad ako ng kandila at umupo sa harap ng kaniyang puntod.
"Hi la, kamusta?" Saglit pa muna akong ngumiti at pinakiramdaman ang ihip ng hangin na sumasalubong sa akin.
Bahagya akong pumikit. "Thank you la, alam kong nandito ka sa tabi ko, pero hayaan niyo po akong samahan ka muna rito."
Binalikan ko ang mga araw na kasama ko pa dito sa mundo ang lola ko. Kung paano niya ipinaramdam sa akin na kailan man hindi ako nag-iisa. Ang lola ko na hindi nagsawang iparamdam sa akin na mahalaga ako. Kahit na pikon na pikon na siya sa kabibigay ng advice sa akin kung paano ko susuyuin ang boyfriend ko mas pinipili pa rin niyang intindihin ako at pasayahin. May hihilingin lang akong pabor sa kaniya wala siyang hindi ibinigay. Napaka-supportive niya pagdating sa mga pangarap ko. Kung tutuusin mas excited pa si lola na maabot ko ang mga pangarap ko kaysa sa akin.
Kakaiba siya sa lahat ng lolang nakilala ko.
Biglang tumulo ang mga luha sa aking pisngi. Tila parang pagbuhos ng ulan na hindi kayang pigilan na huminto ito sa pagpatak, at lalong hindi ko kayang pigilan ang emosiyon na nararamdaman ko lalo na't si lola lang ang makakapagpatahan sa akin.
"Miss na kita, lola, namimiss mo na rin ba ako? Kung oo, pwede ba'ng isama mo nalang ako kung nasaan ka? Pwede bang sumunod na lang ako sa'yo? Sige na, la, nagmamakaawa ako, isama mo na lang ako kung nasaan ka. K-kasi p-pagod na ako, la. P-agod na ako sa paulit-ulit na makaramdam ng lungkot..." Tuluyan akong humagulgol sa harap niya na parang batang paslit.
Ngayon na lang din ako humagulgol ng ganito. Baba-akyat ang mga balikat ko, yung puso ko parang pinipilipit ng doble-doble dahil sa kalungkutan na nararamdaman ko, para akong unti-unting pinapatay ng kalungkutan tila unti-unting kinukuha ang hininga ko.
Bakit ba kailangan niyo akong iwan ng walang dahilan? Bakit ba ang hilig niyong mang-iwan na kahit isang salita wala kayong ibinigay? Basta na lang kayo umalis, basta niyo na lang akong iniwan.
Ang ex-boyfriend ko na si Warren ay umalis nang walang pasabi. Ang lola ko naman ay hindi ipinaalam sa akin na may sakit na pala siya hanggang sa lumala at huli na para malunusan.
Napaka-selfish ng lola ko. Hindi man niya naisip ang mararamdaman ko kapag nawala siya. Hindi man niya naisip kung anong magiging kalagayan ko ngayong wala na siya. Nahihirapan akong gumalaw sa mundong 'to. Nahihirapan akong huminga sa kinalalagyan ko. Pakiramdam ko hindi ito ang mundong nais kong galawan.
Naalala ko na naman ang mga pangyayari. Mga pangyayari na gusto ko nang kalimutan.
"La. Suko na ako," mahinang wika ko sa hangin.
Hindi ko alam kung tama ba ang sinasabi kong suko na ako.
Tila narinig ko ang boses ni lola sa aking isipan nang maalala ko ang kaniyang palaging sinasabi sa akin kapag nanghihina ako.
"Kapag nalulungkot ka, balikan mo lang 'yong nag-iisang rason kung bakit ka nananatiling malakas."
Tama. Hindi tamang sumuko ako. Tama ang sinabi sa akin ni lola. Kailangan ko lang balikan kung bakit hanggang ngayon ay malakas pa rin ako, kung bakit nagpapakatatag pa rin ako pero ganoon na lang kabilis bumagsak ang mga balikat ko nang hindi ko na rin matanto ang dahilan kung bakit ako nananatili at pinipilit na maging malakas at matatag.
Kasalukuyan akong naglalakad ngayon dito sa plasa. Iniwan ko muna sandali ang kotse ko sa gilid ng kalsada. Habang naglalakad ako nakakita ako ng pamilyang sama-samang namamasyal.
Napakasaya ng mga bata. Mayroong kinakain na cotton candy at panay kuha ng mga litrato sa kanila ng kanilang tatay. Masayang pinagmamasdan sila ng kanilang nanay. Nakakatuwang isipin na makikita mo talaga sa kanila ang kaligayahan at pagmamahalan.
Hindi ko na hinayaan pang mainggit ang sarili ko sa kanila. Bago ko sila iwan na masayang nagtatawanan, inisip ko na sana ako na lang yung mga batang 'yon - batang may kumpletong pamilya. Batang may masayang pamilya.
Nang makarating ako sa bahay ko, mabilis kong tinungo ang kwarto ko at inihulog ang sarili ko sa ordinaryong kama ko.
Bumalik sa aking isipan ang mga ngiti ng mga batang nakita ko.
Sana magawa ko rin na maging masaya katulad nila. Masaya sa lahat ng bagay kaso mukhang hindi na ata ako magiging masaya pa.
Pumikit ako dahil sa bigat ng kalooban ko. Naramdaman kong may luhang tumutulo sa gilid ng aking mga mata.
Sana dumating ang araw na masaya na ako. 'Yong saya na kusang mararamdaman. 'Yong hindi ko na kailangan pang ipilit. 'Yong kontento na ako at higit sa lahat kaya ko ng ibigay ang buong tiwala ko dahil masaya na ako.
»»»»» to be continued..
BINABASA MO ANG
Someone Holds Me (Part 1 of Someone Trilogy)
RomansaCOMPLETED | Mag-isa lang sa buhay si Zhyna Xyrille Montejo kaya sanay na siyang makaramdam ng lungkot, masaktan at umiyak nang mag-isa. Kumbaga, bugbog na siya sa hampas ng alon ng buhay. Pero dahil independent siyang babae, pinipilit pa rin niyang...