Zhyna's Point of View
Malakas na tawanan at kantahan ang nangingibabaw sa gabi namin.
Ang isa kong kasamahan ang siyang naggigitara habang ang iba naman sa amin ang kumakanta.
Nang matapos ang isang kanta ay kumanta muli ng isa pa. Mahina lamang akong kumakanta sa tabi nila at nakikisabay sa mga parte ng kanta na alam ko kahit minsan ay nalilito ako at nahuhuli pa.
"Oh kay sarap sa ilalim ng kalawakan. Kapag kapiling kang tumitig sa kawalan. Saksi ang buwan at bituin sa pagmamahalan nating dalawa... nating dalawa..." sabay-sabay na umpisa ng lahat sa kanta.
Sumasabay ang ganda ng pakiramdam ko sa ganda ng mga boses na nangingibabaw sa gabing ito. Sumasabay pa rito ang pakikisama ng dagat na tila kumakanta rin dahil sa ingay ng alon na nagmumula rito.
Napakasarap sa pakiramdam na tila inaalon ako sa duyan. Ito na ata ang pinakamasayang pakiramdam na naramdaman ko sa buong buhay ko. Minsan ko pang sinulyapan ang madilim na kalangitan na sadyang hindi ako nabibigong pamanghain sa angkin nilang ganda. Sandamakmak na mga bituin ang tila nagiging silungan namin. Ang sarap mag-star gazing. Napakaganda talaga nila.
"Tanaw pa rin kita, sinta. Kay layo ma'y nagniningning, mistula kang tala. Sa tuwing nakakasama ka lumiliwanag ang daan sa kislap ng 'yong mga mata..." Si Christian ang kumanta sa pangalawang stanza. Napakasarap sa tainga ng boses niya. Napakalambing.
"Pag ikaw ang kasabay, puso'y napapalagay. Gabi'y tumatamis tuwing hawak ko ang 'yong kamay..." Sinundan naman ni Cheena. Mas lalo akong namangha sa boses niya, hindi ko inaakala na may ganito siyang kagandang boses na ang sarap pakinggan. Napapasigaw tuloy kami dahil sa boses niya.
Nakita kong naglalakad si Diana at Dave papunta sa lugar namin at masaya ring nakipagkantahan. Ang loko-lokong Dave kaunti na lang ay mapuputulan na ng ugat sa leeg dahil sa lakas ng boses sa pagkanta. Ang iilan sa amin ay nagsisitawanan habang tinitingnan siya. Panay ang paghampas ni Diana sa braso niya dahil sa hindi mapigilang pagtawa at dahil na rin sa ginagawa niyang kabaliwan.
"Oh kay sarap sa ilalim ng kalawakan. Kapag kapiling kang tumitig sa kawalan. Saksi ang buwan at bituin sa pagmamahalan nating dalawa... nating dalawa..."
Pagdating sa chorus hindi na maiwasan ng bawat isa ang makisabay sa kanta.
Habang nagkakaroon ng nakaka-relax na tugtugin, lahat kami ay naagaw ang atensyon ng lalaking naglalakad sa gawi namin. Naka-short siya ng maong at puting v-neck shirt naman sa pang-itaas na may tatak sa kaliwang dibdib na Lee habang nakasuot ng sandals for men. Naroroon pa rin sa kaniya ang napakagwapong dating dahil sa kaniyang mahabang buhok. May dala siyang isang boquet ng red roses at maliit na paper bag na mukhang branded sa kabila ng kaniyang kamay. Minsan pa niyang sinulyapan ang madilim na dagat upang iwasan ang tingin ng lahat.
"Tanaw pa rin kita, sinta. Kay layo ma'y nagniningning, mistula kang tala sa tuwing nakakasama ka lumiliwanag ang daan sa kislap ng 'yong mga mata..." Kinanta ng mga kasamahan ko ang parte na ito na nagbigay sa akin ng kakaibang pakiramdam nang magtama ang aming mga mata ni Zintony sa isa't isa.
Ramdam ko na ang lahat ay nakatingin na rin kay Zintony pero hindi pa rin nawawala sa kanila ang pagkanta ngunit kung kanina ay napakalakas ng kanilang mga boses ngayon naman ay humina at tila naging malambing.
"Oh kay sarap sa ilalim ng kalawakan. Kapag kapiling kang tumitig sa kawalan. Saksi ang buwan at bituin sa pagmamahalan nating dalawa... nating dalawa..."
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Halo-halong emosyon. Gusto kong ngumiti ngunit gusto ko rin pigilan. Gusto ko siyang salubungin sa paglalakad ngunit gusto ko rin na hintayin siya na makapunta sa aking harapan at ibigay sa'kin ang kaniyang mga regalo. Pero sa huli ay hinintay ko siyang makalapit sa akin.
BINABASA MO ANG
Someone Holds Me (Part 1 of Someone Trilogy)
RomansCOMPLETED | Mag-isa lang sa buhay si Zhyna Xyrille Montejo kaya sanay na siyang makaramdam ng lungkot, masaktan at umiyak nang mag-isa. Kumbaga, bugbog na siya sa hampas ng alon ng buhay. Pero dahil independent siyang babae, pinipilit pa rin niyang...