Wala na si lola.
Ang buong mansyon ay nabalot ng kalungkutan at paghihinagpis ng araw na iyon.
Ako man ay nalulungkot. Hindi ko man lamang siya nakausap sa huling pagkakataon. Nagagalit ako sa sarili ko dahil hindi ko sila nakamusta o nadalaw man lang. Nawalan ako ng panahon sa mga taong kumupkop at tumulong sa akin. Napakawala kong kwenta.
Mula sa bulwagan ng Mansyon ay natanaw ko ang maayos na pagkakalagak ng labi ni lola. Pinuno iyon ng kulay pink at puting mga rosas. Kung pagmamasdan ay para lamang nahihimbing si lola sa gitna ng isang hardin.
Hindi parin ako makapaniwala.
Sunud-sunod din ang pagdating ng mga kilalang tao upang magpaabot ng kanilang pakikiramay sa Pamilyang Ho. Napakaraming bulaklak ang nakahilera sa bukana ng bulwagan. Napakaraming tao.
"Rainy Riz."
Agad akong napabaling sa pamilyar na boses na iyon. Si Donna. Kasama nito si Vince.
Humalik siya sa aking pisnge. Ang totoo ay hindi ko iyon inaasahan. "Nakikiramay ako." Malungkot niyang saad.
Alam ni Donna na hindi ako parte ng Pamilyang Ho. Kung tutuusin ay wala akong karapatang mapasama doon dahil kapatid lamang ako ni kuya Summer. "Salamat." Tumango ako sa kanya gayun din kay Vince.
"Si Grae? Nasaan si Grae?" Tanong nito.
Si Grae?
Si Grae. Nag-aalala ako sa kanya dahil hindi siya lumalabas ng kanyang silid. Lagi itong nagkukulong at hindi lumalabas upang humarap sa mga bisita.
"Donna."
Sabay kaming napabaling sa paglapit ni Tita Margarette. Agad naman siyang sinalubong ni Donna. Yumakap ito sa ginang.
"Nakikiramay po ako sa inyo, Tita."
"Salamat, hija." Maikling tugon nito. Bakas ang lungkot sa kanyang mukha. "Alam mo bang kanina pa kita hinihintay?"
"Bakit po?"
"Puntahan mo si Grae sa kwarto niya. Nag-aalala na talaga ako sa kanya."
"Hindi parin po ba siya kumakain?"
Malungkot na tumango si tita Margarette. "Ganyang ganyan siya noong mawala ang kakambal niya. Alam kong ikaw lamang ang makakapagpabalik ng sigla niya."
Oo, dahil siya ang girlfriend ni Grae. Pakiramdam ko ay kinurot ang aking puso. Wala man lamang akong magawa.
"Ihahatid kita sa kwarto niya." Agad namang tumango si Donna. "Riz, maiwan na muna namin kayo ha." Masuyong paalam ni tita Margarette.
"Sige po." Tugon ko sa Ginang.
Sinundan ko sila ng tingin hanggang sa makalabas sila ng bulwagang iyon.
"Kanina ko lang nalaman na kuya mo pala ang napangasawa ni Anika." Si Vince.
Binalingan ko siya. "Siya nga. Maupo muna tayo." Anyaya ko sa kanya.
Naghanap kami ng mapupwestuhan pero napakaraming tao ang nanduruon.
"Gusto mo bang sa labas na lang tayo?"
"Sige."
Naupo kami sa bakanteng mesa na nasa bandang gilid ng bakuran. May mga mesa at upuan na nakahilera doon para sa mga bisita.
"Kamusta ka?" Tanong nito.
"Ako? Okay naman ako." Okay nga ba ako? Dahan dahan akong nag-angat ng tingin sa itaas ng Mansyon. Sa bintana ng kwarto ni Grae. Bukas na ang ilaw doon. Ano na kayang nangyayari?
BINABASA MO ANG
WHEN THE SUN KISSED THE RAIN (Completed)
RomansaIsang cute na love story ng isang ordinary teenage girl na maiinlove sa isang easy go lucky guy na ubod ng sama ng ugali. Bangayang aso't pusa na mauuwi sa pagsasama sa iisang bubong. Pero paano kung mainlove si easy go lucky guy sa makulit at kwela...