Naniniwala ba kayo sa mga multo? Dati, akala ko cool makakita ng multo… pero hindi pala. Hinding hindi ko makakalimutan ang gabi na nakita ko siya.
Noong bata ako, naririnig ko sa usapan nila mama na merong multo sa bahay namin. Pero hindi ako naniniwala dahil hindi ko naman siya nakikita. Minsan may mga gamit na nawawala na lang bigla kapag nalingat ka. Magpapasukan na nun. Ginagamit namin ni mama ang gunting dahil nagbabalot kami ng mga notebook. Dalawa kami noon na nasa mesa. Pero noong gagamitin na niya ang gunting na nilapag ko sa harapan niya, hinahanap niya ito sa akin. Wala ang gunting na kakalapag ko lang. Nailigpit namin lahat ng notebook na nasa ibabaw ng mesa pero wala ang gunting. Nagsalita na lang bigla si mama,
“Naku, ilabas mo ang gunting. Madami pa kaming babalutin.” Saka niya ako niyayang lumabas muna sa bahay. Pagbalik namin, nandoon na ang gunting sa ibabaw ng mesa.
Hindi lang iisang beses nangyari yun. At sa tuwing nadidinig ko si mama na naghahanap ng gamit, sandok, baso, kuchilyo, walis at kung ano ano pa, alam kong hindi kaming magkakapatid ang kinakausap niya.
Nung colleg na ako, umipat kami ng bahay. Lumipat kami sa isang apartment na merong iisang kwarto kaya kinailangan naming mag-share. Sa kama natutulog si mama, papa at ang bunsong kapatid ko. Kami naman ng dalawa ko pang kapatid, natutulog sa lapag. Katabi ko sa mattress ang isa at yung isang kapatid ko ay nasa paanan namin.
Kasama sa mga nadala namin noong lumipat kami ng bahay ang isang music box na bigay sa akin. Inilagay ito ni mama sa estante niya ng mga figurines. Naka-lock ang estanteng iyon.
Madaling araw noon ng madinig kong tumutugtog ang music box. Babangon sana ako para tingnan ito pero nagsalita si mama. Sabi niya matulog na daw ulit ako at madaling araw na. Nadinig din pala niya ang kusang pagtunog ng music box.
Kinabukasan, kinuha ni mama ang music box at pinalaro ito sa kapatid kong bunso hanggang sa masira. Saka niya ito tinapon.
Isang gabi, nagising ako na nahihirapang huminga. Pagdilat ko, sa paanan ko, nakatayo ang isang babaeng nakaputi na hanggang baywang ang buhok. Nakalutang ang babae sa tapat ng natutulog kong kapatid. Hindi ko nakita ang mukha niya pero sigurado kong nakatitig siya sa akin. Parang burado ang mukha nito, blurred. Nanlamig ang buong katawan ko at walang boses na lumabas a akin nang sinubukan kong sumigaw. Sa sobrang takot ay nagtalukbong na lang ako ng kumot, nagdasal at sinubukang kong gisingin ang kapatid ko. Pero sa hindi mapaliwanag na dahilan, hindi ko maabot ang kapatid ko. Parang ang layo niya sa akin gayong katabi ko lang siya sa mattress. Iyon na yata ang pinakamatagal na minuto ng buhay ko.
Kinaumagahan, ikunuwento ko ang lahat kay mama at sa mga kapatid ko. Tinawanan pa nga ako ng isa kong kapatid. Sabi niya parang multo lang, umiiyak ka.
Hindi nagtagal, yung kapatid kong tumawa sa akin dahil sa multo, siya naman ang nakakita. Naliligo ng mga oras na yun siya. Pagbukas niya ng banyo, nakita daw niyang nakatayo sa loob ang isang babae. Sa sobrang takot niya, nilagnat siya ng gabing yun.
Hindi pa dun natapos ang lahat. Dalawa pa sa mga kapatid ko ang nakakita sa multo. Nang minsang nagse-selfie ang bunso kong kapatid, aksidenteng napasama sa litrato ang babae. Nang tingnan ko ang picture, siya nga yung babaeng nagpakita sa akin. Pinabura agad ni Mama ang litrato sa paniniwalang mamalasin ang magtatabi nito.
Isang beses pa, hinahanap ng bunso namin si mama. Pumunta siya sa kwarto, at salita siya ng salita. Pinapabangon niya si mama dahil nakahiga daw ito sa kama. Paglabas niya ng kwarto, nakasalubong naman niya si Mama sa sala. Nagulat yung kapatid ko dahil inakala niyang si Mama ang babaeng nakahiga. Pagpasok ni mama sa kwarto, wala namang tao.
Hindi naman ang nananakit ang multo sa bahay namin, pero nakakatakot ang pagpapapansin niya.
Nagpagawa kami ng bagong bahay. Bago kami lumipat, sabi ni mama sa multo,
"Wag ka nang sumama,"
Sa awa naman ni Lord, hindi na siya muling nagparamdam sa amin. Pero hanggang ngayon, nasa isip ko pa rin ang tunog ng music box na paborito ng babaeng multo. At habang sinusulat ko ito ay kinikilabutan pa rin ako.
Ang kwentong ito ay hango sa tunay na karanasan ni Carla, isang Tambalanista.Credits:Tambalan/Spookify
BINABASA MO ANG
Wattpad Horror Confessions
HorrorCredits to the owner of these true to life horror experiences. Pwede po kayong mag PM ng mga experiences nyo para ma publish ko po rito