by: elsipi-are
Limang araw matapos ang pangyayari sa girls restroom ay nakakaramdam pa din ako ng di-maipaliwanag na bagay.
Madalas ay ayokong nag-iisa pagpunta sa cr ng school, sa loob ng kwarto ko o miski sa paglalakad lang sa hallway.
Hindi ko alam pero nananaig pa din ang takot ko tuwing nag-iisa ako.
Kahit saan ako magpunta ay ramdam ko ang mga matang nagmamasid saakin na wari ay pinag-aaralan ang bawat kilos na ginagawa ko.
May mga araw pa nga na hanggang sa panaginip ko ay dinadalaw ako ng di maipaliwanag na bagay na iyon.
Ligaw na kaluluwa, aswang, engkanto, multo, mga lamang lupa na hindi karaniwang nakikita ng tao o isang malawak na imahinasyon lamang at gawa-gawa lamang ng aking isipan.
Alin man sa mga yan ang dahilan ng takot na nararamdaman ko ngayon ay nakakasigurado ako na hindi maganda ang maidudulot nito saakin. Kaya nga kung maaari lang ay gusto ko na agad matapos at matigil na ito.
Araw ng Martes ngayon at naisipan kong umuwi agad sa bahay namin matapos ang klase ko ng hapon.
Nakadating ako sa bahay namin ng pasado ala-singko na.
Nandoon lamang ako nakaupo sa upuang nakapwesto sa tapat ng bintana ng kwarto ko at tahimik na pinagmamasdan ang cellphone ko.
Nag-aantay ako ng text mula kay Drik na alam ko naman na impossibleng mangyari.
"Malapit na pa lang magdilim. Hay, mas pasok nanaman bukas." isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko.
"Kelan ba matatapos ang lahat ng ito?"
Patuloy pa din ako sa pagtitig ng biglang nagvibrate yung cellphone ko.
*vibrates
Jaden Desk: Malungkot ka pa din ba?
Nagtataka ako sa biglaang pagtext saakin ni Jaden kaya agad ko syang sinagot sa text nya.
Lyka Samontejo: Pano mo nalaman?
Jaden Desk: Lagi kita nakikita na malungkot. Siya ba ang dahilan?
Lyka Samontejo: Lagi mo kong nakikita? Bakit hindi mo ako nilalapitan kung nakikita mo naman pala ako?
Oo, tama ka sya nga ang dahilan. Si Drik.
Jaden Desk: Gusto kitang lapitan pero may pumipigil sakin.
Lyka Samontejo: Pumipigil? Sino?
Jaden Desk: Ang sarili ko.
Lyka Samontejo: Bakit?
Jaden Desk: Hindi ko pa pwedeng sabihin. Malalaman mo din balang araw.
Lyka Samontejo: Alam mo minsan hindi kita maintindihan. Para kasing may sikreto ka na tinatago kaya hindi ka nagpapakita sakin.
Jaden Desk: Alam mo lahat ng tao ay may kanya-kanyang sikretong itinatago. At minsan, kailangan tayong maglihim para na din sa ikakatahimik ng lahat.
Pagkatapos ko mabasa yung text ni Jaden ay di ko na nagawa pang magreply sakanya.
Sa dami ng gumugulo sa isipan ko ngayon ay ayoko ng idagdag pa sya sa mga yun at mas mabuting huwag ko na lamang alamin kung ano man yung sinisikreto nya saakin.