Pangako...
"Ouchhh... " napadaing ako ng bahagya pagkatapos kong humiga ng patagilid sa kama. Katatapos ko lang maglinis ng katawan at handa na sanang matulog ng may sunod sunod na katok na pumailanlang sa aking silid.
Nagpakawala ako ng buntong hininga.
I've had a very long day. Sana naman, makapagpahinga na din ako.
"Andyan na..." sagot ko habang humahakbang ng mabagal para buksan ang pinto ng aking kwarto. Kasambahay na naman siguro. Ganyan sila e, panay silip samin simula nung magkasakit ako. Natakot yata sila Papa na maulit ulit yung nangyari nung nakaraan.
Bakit na naman kaya? Sabi ko naman na matutulog na sana ako e. Ang sakit sakit pa naman ng balakang ko ngayon.
"Bak-"
Napanganga ako ng tumambad sa akin ang nakasimangot na mukha ni Chase. Inip na inip ang itsura niya at magkasalubong ang kilay. Pero kahit anong simangot niya ay siya namang pagbayo ng puso ko sa aking dibdib pagkakita sa kanya.
His presence always gets through me. Mata niya pa lang, nakakapanginig na. Nakagat ko ang aking labi. Parang antagal ko na siyang hindi nakikita.
"Chase," bulong ko. Ang fresh niyang tignan. Basa pa ang buhok at halatang bagong ligo. Nakasuot lang siya ng itim na sweatpants at black shirt. At suot na naman niya ang isa sa mga pambahay naming tsinelas. Alam na din agad niya kung alin ang sakin e.
Napalunok ako. Mukhang mainit ang ulo.
"Kilala mo pa pala ako? Parang walang boyfriend ah walang para-paramdam?" bungad niya. Namumula ang kanyang pisngi na halatang naiinitan.
"Naiinis ka ba?..." kunot-noo kong tanong. Binuksan ko ang pintuan para makapasok siya. Medyo pinagpapawisan na din siya e.
Hindi lang ito ang unang beses na umakyat siya sa kwarto ko. Dahil siguro sanay na sila Tita Monica sa magpipinsan ay may tiwala sila sa mga ito.
Ilang beses na din ba akong inakyat ni Chase para gisingin sa tuwing tinatanghali ako?
Nung minsan nga halos hatakin na ko sa kama dahil malelate na ko sa isa kong klase. Minsan pa ay dinadamay niya ng gising si ate kaya ayun, nilalock na yung pintuan niya.
Sabi ni Chase pinapagising daw ng kuya niya. Minsan naman, si Milan mismo ang andito at dinadamay ako sa pagsundo kapag hindi pwede si Chase.
Agad naman siyang sumunod dahil nadidinig ko siyang bubulong bulong. Typical him. After all those months, I've learned to be comfortable with Chase.
"Hindi ako naiinis. Natutuwa nga ako sayo di ba? Kita mo yung smile ko? Parang may makukurot talaga ako e..."
Natawa ako sa sinabi niya. Nag iinarte na naman. Paglingon ko ay muntik pa kong napahalakhak dahil nakapamaywang pa siya habang tila hinihintay na mapansin ko ang pagdadrama niya sa harap ko.
Silang magpipinsan, ang hilig magdrama. Ngayon ko nakikita ang pagkakapareho nila ni Ulap. Kung dati akala ko ay si Chase yung pinakaseryoso, unti unting nalusaw ang ganung imahe niya sa aking isipan simula ng magpapadyak siya sa harap ko ng minsan ng hindi ako pumayag na magbike kami.
Ang cute cute. I'm seeing different sides of him.
Umupo ulit ako sa kama. Hindi ko na pinagkaabalahan pang magpalit ng damit dahil disente namang tignan ang pajama ko. Balot na balot pa nga ako nito.