Sorry....
"Ang tanga mo kase eh!" sita ko sa aking sarili. Halos sampung minuto na mula ng matapos ang isa kong klase at vacant ko ng dalawang oras.
Hindi ko magawang umuwi sa bahay para magpahinga o lumabas ng paaralan para magpalipas ng oras dahil dalawang araw na akong binabagabag ng aking konsensya.
Pagkatapos kong umiyak sa janitor's closet nung nakaraang araw ay tinupad niya ang kanyang pangako. Ni anino niya ay hindi ko man lang naaninag nang lumabas ako. Maliban sa isang panyo na itinali niya sa seradura ng pinto ay wala man lang bakas na magpapatunay na naroon siya sa labas at dinamayan ako sa aking pighati.
Those fucking two days were suffocating.
Hindi ako nakatulog ng maayos. Pabalik balik sa utak ko ang mga sinabi niya.
Higit sa lahat ay nilalamon ako ng aking konsensya. Naging masyado akong marahas. Huli na ng aking mapagtanto na ginawan niya pa nga ako ng pabor.
"Kundi ka ba naman tanga, Chaese Andrea," nanggigigil kong bulong sa aking sarili.
Simula din noon ay hindi ko pa siya nakikita sa kahit anumang klase na magkatulad kami. Kahit si Lantis ay hindi ko pa din nakikita. Parang nilalamon ako ng mga boses na kumukuliglig sa utak ko. Hindi naman siguro siya lumiliban sa klase para lang iwasan ako.
Kahapon ay nakita ko siyang kasama ang kanyang kambal sa gitna ng quadrangle. Gusto ko sana siyang lapitan ngunit parang napakainit ng ulo niya. Isa pa, nakasimangot din si Ulap. Baka nag away sila.
Kanina ay nakita ko naman na kasama niya si Dee papunta sa gawi kung saan naroroon ang kanilang tambayan.
Kaya pala sinabihan ako dati nila Ulap na bawal ako dun dahil sila lang daw ang maaring tumambay dun.
Share holder ng paaralan ang kani-kanilang pamilya at isa iyon sa mga benipisyong natanggap nila. Dati daw kase ay may babaeng nagtangkang lumapit kay Lexo na muntik ng ikinapahamak ng huli. Kaya siguro parang ilag siya sa mga babae. Nagbantang magpullout ang pamilya nila kung hindi sila mabibigyan ng space kung saan pwede silang tumambay na hindi sila mapapahamak.
Nang makita ko siya kanina, gusto ko sanang tumakbo at lapitan siya pero hindi ko magawa.
Aminin mo na, nahihiya ka. Gaga ka kase. Sigaw ng boses sa utak ko.
Nagka eyebags na ko dahil dalawang gabi na akong hindi nakakatulog ng maayos, idagdag pa ang sipon at sakit ng ulo ko, dala na rin marahil ng pag iyak ko ng sobra nung nakaraan.
Humakbang ako ng kaunti para silipin kung sino ang mga tao sa tambayan. Ang nahagip lang ng tingin ko kanina ay ang kambal, si Julio, Milan, Aedree at Dakota.
Nakagat ko ang pang ibaba kong labi. Pupuntahan ko ba siya?
"Pero nakakahiya..." bulong ko. Napabuntong hininga ako bago nagbaba ng tingin sa sahig.
"Ayan kase Chaese e!" Nagpapadyak ako sa sahig sa sobrang inis.
Hindi matatahimik ang kalooban ko hanggat hindi ako nakakahingi ng paumanhin sa kanya.
"Ano ka-ay kabayo!!!!" napasigaw ako bigla ng may humawak sa balikat ko. Habang sapo sapo ang didbdib, muntik ko nang namura ng malutong ang bunso nila sa sobrang inis.
Nagpeace sign pa si Lexo kase na tuwang tuwa sa nangyari.
"Hala ka ate Chaese. Magkakaguliti ka. Kanina ka pa dyan naninilip!" nakakaloko niyang ngiti.
Napahinga ako ng marahan pagkatapos kalmahin ang sarili. Inirapan ko siya agad sa sobrang gigil.
Manang mana tong si Lexo kay Ulap, isa ding abnormal.