Chapter Thirty-Six
"GUSTO mo ba ng mansanas?" habang hindi pa tumatawag ng mga pasahero ay tumingin-tingin muna sina Julianna at Sachi ng mga puwede pa nilang baunin sa biyahe.
Napadaan sila sa tindahan ng mga prutas.
"Gusto ko ng mango."
"Parang lipas na ang pamumunga ng mangga, eh."
Napasimangot si Julianna.
"Pero maghanap tayo," mabilis na sabi ni Sachi.
"Baka maiwanan tayo ng bus."
"Hindi 'yan, huwag kang mag-alala."
Mahigpit na hinawakan ni Sachi ang kanyang kamay. Inikot nila ang buong fruit stand maging ang pamilihan ng mga kakanin at pasalubong.
"Mango chips, ayaw mo?" ani Sachi nang madaanan nila ang tindahan ng mga pasalubong na home made chips.
"Ayaw. Gusto ko 'yong tunay na mangga."
"E, galing din naman sa mangga 'yon."
"Ayaw ko nga," napapadyak na siya sa inis.
Natatawang pinisil nito ang dulo ng kanyang ilong.
"Sige na, sige na. Maghahanap na tayo ng mangga."
Ngunit narinig nila ang pagbusina ng bus. Hudyat na aalis na ito.
"Let's go, maiiwan na tayo," natatarantang sabi ni Julianna sa nobyo.
"E, paano 'yong mangga mo?"
"Baka naman meron do'n sa pupuntahan natin, doon na lang tayo maghanap."
"Sigurado ka?"
"Opo. Keysa naman maiwan tayo ng bus, ano?"
Naglakad na sila patungo sa kinaroroonan ng bus. Tawid kalsada iyon mula sa kanila. Sunod-sunod na ang busina ng bus. Nagpalinga-linga muna si Julianna kung may paparating na sasakyan. Nang safe ng tumawid ay hinila niya ang kamay ng nobyo na tila natitigilan.
"Hey, let's go."
"Una ka na."
"Ano?"
"May nakita akong mangga. Go."
"Sachi."
"Sige na, para masabihan mo 'yong konduktor na naririto pa ang asawa mo."
Napangiti siya. Asawa mo. Ang sarap pakinggan.
"Huwag kang magtatagal, ha?"
"Siyempre naman. Hindi kita puwedeng iwan nang matagal dahil mukhang crush ka no'ng driver ng bus. Baka bigla kang itakas, wala na akong pakakasalan."
Tinawanan niya lang ang biro nito. Tumawid na siya ng kalsada. Pagdating niya sa kinaroroonan ng bus ay nilingon niya ang nobyo. Tumakbo iyon sa puwesto ng isang fruit stand. Akalain mo nga naman, kung saan-saan pa sila pumunta eh, meron naman pala sa malapit.
"Kuya, may binibili lang po 'yong asawa ko," aniya sa konduktor.
"Sige, Misis. Pasok ka na. Sa loob mo na lang hintayin ang Mister mo. Kayo na lang ang kulang."
Atubili si Julianna nang tumalikod. Nang muli niyang lingunin ang nobyo ay pabalik na ito ng bus. Ngiting-ngiti pa nitong itinaas ang isang supot na hula niya ay naglalaman ng manggang binili nito. Natuwa siya at parang biglang naglaway na naman sa mangga.
Ngunit ang katuwaan niyang iyon ay kaagad na napalis nang mula sa kung saan ay makita niya ang isang sasakyan na matuling humahagibis at tinutumbok ang kinatatayuan ni Sachi!
BINABASA MO ANG
The Heiress and the Manwhore
RomantikIn a society divided by power, wealth, and social standing, two unlikely souls collide. Sachi had nothing, not even a good name. He used to be a male escort, a prostitute, skilled at fulfilling his clients' most private desires. He has long accepted...