Chapter Thirty-One
MABAHO, marumi, maingay, nagkalat ang mga naka-istambay, kaliwa't kanan ang mga batang marurusing at naglalaro sa kalye. Iyon ang tanawing bumungad kay Evita nang puntahan ang address na nakasulat sa report. Pinilit niyang itago ang disgusto sa mukha nang umibis sa sasakyan matapos siyang pagbuksan ng kanyang driver. May kasama rin siyang lady bodyguard at ito na lamang ang isinama niya sa pagpasok sa maruming eskinitang iyon. Pinaiwan na niya ang driver sa sasakyan dahil baka pagbalik nila ay wala na ang ilang parte ng kotse.
"Mga magagandang binibini, saan ba ang punta ninyo?" isang lalaking tadtad ng tattoo ang lumapit sa kanila.
Parang gustong tumakbo ni Evita ng mga sandaling iyon. The man is like an escapee from prison. O kung hindi man ay malamang na bagong laya ito ng kulungan.
"Magno, nangha-harass ka na naman," wika ng isang lalaki. Na bagaman hindi pa naman mukhang ganoon katanda ay puti na halos ang lahat ng buhok.
Napakamot sa ulo ang tinukoy na Magno.
"Ito namang si Mang Kanor. Para nagtatanong lang, eh."
"Mukhang bisita nina Sachi ang mga 'yan."
Sumulyap sa kanila ang lalaking pulos tattoo. Pinahapyawan sila ng tingin ng kanyang bodyguard.
"Paano niyo namang nasabi?"
"Hindi ba kitang-kita ang ebidensya? Kamukha ni guwapa."
"Guwapa?" kumunot ang noo ni Magno. Pagkuwa'y biglang napapitik. "Ah! Siyanga, ano? Kaya pala kainam na dalaga, may pinagmanahan."
Sinong guwapa--at dalaga? saloob-loob ni Evita. Nang mapag-isip-isip niya kung sino ang posibleng tinutukoy ng mga ito ay mariing nagdikit ang kanyang mga labi. Hindi malayong nakarating na roon ang kanyang anak.
Lalo siyang naging determinado na makita at makausap si Nathalia. Para kung hindi man niya mapilit na lumayo si Sachi kay Julianna, si Nathalia ang kakausapin niya para utusan ang anak nitong lumayo sa anak niya.
"Ahm, saan ho ba rito ang way papunta kina Nathalia?"
"Sabi ko na nga ba at tama ako," tila proud na sabi ni Mang Kanor. "Siyanga ho pala, ako ang barangay captain dito. Ako si Kanor. Pasasamahan ko na lamang kayo sa anak kong si Lito at baka magkaligaw-ligaw pa kayo papunta sa bahay nina Sachi. Medyo masikot kasi ang daan papunta sa kanila."
"Salamat po."
"Lito, parine ka nga saglit."
Mula sa loob ng isang bahay na may maliit na tindahan ay lumabas ang isang batang lalaki na hula ni Evita ay magsasampung taong gulang. Medyo patpatin bagaman kumpara sa ibang bata ay malinis ang kasuotan.
"Bakit po, 'Tay?"
"Samahan mo nga itong magagandang miss kina Aling Naty."
"Kina Kuya Sachi?"
"Huo."
Bahagyang nalukot ang mukha ng bata. "Huwag niyong ililipat 'yong pinapanood ko, ha? Babalik ako kaagad."
"Oo, bilisan mo at nabibilad na itong magagandang miss dito sa labas. Magpalit ka ng tsinelas at baka matapilok ka riyan sa tsinelas kong suot-suot mo."
Kaagad namang nagpalit ng tsinelas ang bata.
"Tara po," sabi nito na nagpatiuna na sa kanila sa paglalakad.
"Salamat ho, Mang Kanor," ani Evita bago tumalikod kasama ang bodyguard at sumunod sa batang nauuna na sa kanila.
"Pagkagaganda ng mga nagiging bisita nitong si Sachi," narinig niyang sabi ng barangay captain.
BINABASA MO ANG
The Heiress and the Manwhore
RomansaIn a society divided by power, wealth, and social standing, two unlikely souls collide. Sachi had nothing, not even a good name. He used to be a male escort, a prostitute, skilled at fulfilling his clients' most private desires. He has long accepted...