UNA

17.7K 221 1
                                    

Ang kwentong ito'y kathang-isip lamang ng may akda. Anumang pagkakahintulad sa mga pangalan, karakter, lugar, pangyayari at iba pa ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.

Patuloy ang pagpapalitan ng mga putok ng baril ng mga sundalo sa mga teroristang grupo. Isa sa mga sundalong naroon ay si Richard na unang beses madestino sa Maguindanao, hindi ito nagdalawang isip na magbonluntaryo ng mangailangan ang kasundaluhan ng mga dagdag na sundalo para tulungan ang mga kabaro nila sa isang buwan ng hindi matapos-tapos na giyera. Nasa batas militar na rin ang lugar ng dahil sa nasabing giyera. Marami na rin sa mga terorista ang mga nasawi, gayun din sa mga kasundaluhan.

"Mga bok hindi lang para sa atin ang laban na ito kungdi pati na rin para sa Pilipinas. Kaya anuman mangyari sa atin ay ang nasa itaas na ang bahala." pagbibigay ng lakas ng loob ni Major Manlangit na nangunguna sa kanila. Matapos nga nun ay wala ng ibang maririnig sa lugar kungdi ang palitan ng putok ng mga baril at mga pagsabog ng mga bomba sa magkabilang panig.

Sa ilang minutong pakikipalitan ng putok ni Richard sa mga terorista ay parang araw sa kanya ang katumbas nito. Inihanda na rin niya ang sarili sa pagkitil ng buhay ng ibang tao dahil kung hindi ito ang kikitil sa buhay ng kalaban ay siya ang kikitilan ng mga ito.

"Bok unang beses mo ba?" sabi ng tumabing kabaro nito na kagaya niya'y unang beses rin sumabak sa totoong giyera. Tango lang ang naging sagot ni Richard atsaka nito nakita ang pangalang Velasco ng kapwa nitong sundalo sa unipormeng suot nito.

"Manalo ka pala at huhulaan ko kamag-anak mo si Heneral Manalo ano?" sabi pa ni Velasco ng makita naman nito ang pangalan sa uniporme ni Richard. Gaya kanina ay tango lang ang naging sagot ni Richard sabay paputok nito sa armas na hawak nito sa mga kalaban at dalawa sa mga ito ang tinamaan.

"Bok ang galing! Dalawa kaagad ang timamaan mo." puri ni Velasco sa kanya. Pero walang naging reaksyon si Richard sa natanggap na papuri. Samantala si Velasco naman ay bumalik na rin sa pagkikipagpalitan ng mga putok sa mga kalaban. Maging si Velasco ay magaling rin sa pakikipagpalitan ng mga putok sa kalaban. Sa katunayan kahit unang beses pa lang sumabak sa giyera ay isa ito sa mga natira sa mga sundalong kasabay niya isang linggo na ang nakakalipas. Ang iba sa mga kasabayan niya ay nagtamo ng mga tama ng baril at kasalukuyang nasa ospital na. At ang iba ay hindi na umabot ng buhay sa ospital dahil sa dito na mismo sa kinalalagyan nila binawian ng buhay.

"Ilang araw ka na dito bok?" unang salitang binitawan ni Richard mula sa isang oras na nitong pakikipaglaban sa mga terorista.

"Ikapito na bok." maagap na sagot ni Velasco at masaya na nakausap niya si Richard.

"Ang tagal mo na pala, mas magaling ka panigurado kesa sa akin." balik papuri nito kay Velasco. Sa narinig na papuri ni Manalo sa kanya, napangisi si Velasco.

"Hindi naman masyado bok, kung pagalingan lang sa pagpapatumba sa mga kabalan sa pamamagitan ng mga armas ay 'di hamak na mas magaling sa akin si Komandante Manlangit." kwento ni Velasco sa pinuno nila. Sa narinig ni Richard ay napatingin ito sa gawi ni Major Manlangit na nasa may unahan nila. Abala ang Komandante sa pakikipalitan rin ng mga putok sa mga kalaban. At tama ang naikwento ni Velasco tungkol kay Komandante Manlangit, dahil kung si Velasco ay pangpitong araw na niya sa giyera, si Major Manlagit naman ang inatasan ni Heneral Diosdado Manalo na siya rin ama ni Richard na manguna sa pakikipaglaban sa mga terorista na ngayon ay mag-iisang buwan na. Kita ng dalawang mata ng mga kapwa sundalo ang galing ng kanilang Komandante sa pakikipalitan nito ng putok sa mga terorista.

Nagpatuloy ang palitan ng mga putok sa magkabilang panig at dahil sa tagal na rin ng nasabing giyera sa pagitan ng militar at mga terorista. Halata na ang pagod at hirap sa mga sundalo. Lalo pang naging mahirap ang mga sumunod na pakikipaglaban nila dahil sa papalubog na ang araw.

"Men sa tantiya ko malapit na natin magapi ang mga terorista. Kaya konting tiis pa at alam kong mananalo tayo sa laban natin sa kanila." mga salitang binitiwan ni Komandante Manlangit sa kapwa sundalo.

"Sir, yes, Sir!" sabay-sabay na sagot ng mga sundalo sa kanilang Komandante.

Sa kalaliman ng gabi ay nagpatuloy ang mga sundalo sa pakikipaglaban. Mga ingay ng putok ng baril ang maririnig at ang liwanag na mula sa mga ito ang makikita sa madilim na paligid. At gaya nga ng sabi ni Komandante Manlangit ay malapit na nilang magapi ang mga terorista, pero ang mga sumunod na mga pangyayari ang hindi nila inaasahan.

Wala na sa dalawampu ang natirang bilang ng mga terorista. At ang layunin ng mga ito'y malabo na nilang makamit dahil sa kakaunti na lang nilang bilang. Kaya naman wala ng pakialam ang mga ito sa kanilang mga sariling buhay at ang nasa isip na lang ay ang makakitil ng mas maraming sundalo kapalit na sariling buhay. Limang mga terorista ang may suot na mga bomba ang mabilis na tumakbo palapit sa kinaroroonan ng mga sundalo. Handa man ang mga sundalo sa ganitong sitwasyon ay iba parin kapag nasa harap mo na ang ganitong sitwasyon. Sa galing ng pag-asinta ni Komandante Manlangit ay apat kaagad ang mabilis nitong napatumba sa mga teroristang palapit sa kanila. Pero kahit na magaling ang komandante ay hindi nito kayang bumaril ng limang beses na magkakasunud-sunod. Ang ikalimang papalapit sa kanilang kinaroroonan ay napatumba rin nito ngunit malapit na ito sa kanilang kinalalagyan. At nang matumba ang nasabing terorista ay kasunod nitong sumabog ang bombang suot nito. Dala ng mabilis na pag-iisip sa susunod na mangyayaring pagsabog ay kaagad dumapa palayo sa kapwa sundalo ang Komandante. Hindi na nito inisip ang sariling buhay at ang mahalaga ay maging ligtas ang kapwa sundalo nitong malapit sa kanyang kinalalagyan.

Bago ang nangyaring pagsabog ay sinubukan ni Richard ang lumapit ng kaunti sa kilalagyan ng kanilang Komandante para mas matulungan ito sa pakikipaglaban sa mga terorista. Mas malapit kasi ang kinalalagyan ni Komandante Manlangit at ang pwestong iyon ang naisip ni Richard na magandang anggulo para mas makita ng maayos ang mga kalaban at para mapadali ang pagpapatumba sa mga ito. Nang makita nito ang limang teroristang  palapit sa kanila ay natigilan ito. Sunod na nakita na lang ni Richard ang isa-isang pagkatumba ng mga ito ng dahil sa kanilang Komandante. At nakita rin ni Richard ang isang natirang terorista sa lima, na palapit na ng palapit sa kinalalagyan nila at bago pa niya mabaril ito'y sumunod rin na napatumba ito ni Komandante Manlangit. Hindi pa man nakakababawi sa nakitang galing ng kanilang komandante ay nakita na lang ni Richard ang pagdapa ni Komandante Manlagit sa kinaroroonan niya. Kasunod nga nun ay narinig ni Richard ang malakas na pagsabog.

Pag-ibig ng Sundalo Book ITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon