“Nakakapagod,” saad ni Spencer sa kawalan. “Nakakapagod rin pala.”
Ang gamot sa araw na nakakapagod para kay Spencer ay ang tumambay at magmuni-muni rito sa Ayala Triangle Gardens. Bukod kasi sa nakaaaliw na mga ilaw, ‘di magkamayaw na mga tao at musika sa paligid ay isang tao ang inimpluwensiyahan siya sa ganitong gawain— ang papa niya na lagi siyang pinapasyal sa mga parke.
“Siguro, hindi mo naman ako iju-judge ‘no?” tanong ni Spencer sa katabi, itinabingi niya pa ng kaunti ang kanyang ulo sa katabi pero dahil sa malaki ang puno ay ‘di niya ito gaanong natanaw.
“Sa bagay, hindi naman tayo magkakilala saka mukhang wala ka namang pakialam sa mga bagay-bagay sa paligid mo,” malumanay niyang sabi habang pinagmamasdan ang mga taong naglalakad sa malayo.
Inililibot niya ang mga mata niya sa paligid na akala mo may kung sino o anong hinahanap pero wala.
Nagmamasid lang siya.
“Nami-miss ko na ‘yung dating buhay ko,” aniya at isinandal pang maigi ang kanyang ulo. “I mean, hindi naman kasi ako taga-Makati talaga. Nakakapanibago... noong una pero ngayon nakakasabay naman na ‘ko sa buhay rito.”
Sa kanyang pagninilay ay pumasok sa isip niya ang alaala ng mga kahapong nais niyang balikan.
Masayang humihiyaw at tumatalon sa tuwa si Spencer at ang mga kakampi niya sa laro. Nanalo kasi sa baseball match. Bakit naman grabe sila kung matuwa? Halos magtatalon at magbanggaan pa ng mga dibdib. S’yempre, makakalibre na naman sila ng mami at ice tubig. ‘Yon lang masaya na sila. Sa t‘wing maglalaro sila ay gano’n, ang matatalo ang siyang manlilibre at paborito nilang kainin ang mami saka malamig na tubig na maiinom ay ayos na. Minsan naman hanggang ice tubig at chichirya lang sila kapag walang budget o kinulang ang baon dahil sa bayarin sa school o project.
“Peng, totoo ba ‘yong lilipat ka na raw ng school?” tanong ng kaibigan ni Spencer.
Nandito sila ngayon sa paboritong kainan na pinupuntahan nila matapos maglaro ng baseball. Oras na para punan ang mga nagugutom nilang tiyan. Nakapapagod din kasing maglaro kaya deserve nilang mabusog matapos ang nakapapagod na araw.
“Huh? Sa’n n‘yo naman nalaman ‘yan?” tanong ng isa na mukhang walang alam sa pinag-uusapan.
Naglakad sila papunta sa bakanteng lamesa habang dala-dala ang isang tray na lamang apat na mangkok na punong-puno ng mami na may itlog.
“Peng, totoo ba ‘yon, p’re?" tanong pa ng isa na nagsimula na ring usisain si Spencer. Ipinagpatuloy nila ang pagkain nang matagalan sila sa tugon na hinihintay mula sa kaibigang si Spencer.
“Sa totoo lang mga pare ayoko talaga,” ani Spencer saka ibinaba ang kutsara. Hihigop pa sana siya ng sabaw kaso mas minabuti niyang sagutin ang mga tanong ng kaibigan. “Kaya lang ayaw kong mahiwalay kay mama baka mamaya mapasama pa siya do’n sa kinakasama n‘yang lalaki, mahirap na.”
Ipinagpatuloy ng binata ang pagkain sa mami habang ang tatlong kaibigan ay pinapanood lang siya. Nagtinginan pa ang tatlo at napakibit-balikat na lang.
“Sa bagay, balita ‘ko sa CSA ka mag-aaral ng senior high? Nakuwento mo sa‘min dati na dream school ng papa mo ‘yon,” sabi pa ng isa na ipinagpatuloy na rin ang pagkain. “Gusto mo rin ‘ka mo ro’n ‘di ba?”
“Oo rin,” ani Spencer matapos uminom ng tubig. Nanahimik na siya pagkatapos sumagot. Wala na siyang balak pang sagutin ang mga tanong sa kanya pero hindi naman na nagtanong pa ang mga kasama niya matapos maramdaman na parang hindi na nagiging komportable ang kaibigan.
“Pag-isipan mo p're, sayang din ‘yon.” Huling banggit ng isa sa mga kasama niya at hindi na muling umimik pa.
Napailing na lang si Spencer at muling kumain pero hindi mawala sa isip niya ang mga sinabi ng mga kaibigan hanggang sa matapos silang kumain at makauwi ng bahay.
“Naalala ko pa no’ng time na nakikipag-away pa ako kay Mama dahil dito niya na raw ako pag-aaralin,” pagpapatuloy ni Spencer.
“Lilipat na tayo at sasama ka sa ‘min. Sasama na ‘ko kay Wennard,” sambit ni Guianna, mama ni Spencer na kabubukas lang ng pinto matapos ang maraming pagkatok ng ina. Nasa pintuan ng kwarto ni Spencer ang dalawa nang magsimula ang argumento.
“Sa’n n‘yo ‘ko dadalhin? Sa Makati? Sa bahay no’ng lalaking ‘yon? Tapos itong bahay natin? Itong bahay ni Papa, iiwanan na lang natin? Gano’n-gano’n na lang ba ‘yon, ma!?” galit na tugon ni Spencer. Marahil ay kanina n‘ya pa kinikimkim ang galit na ‘yon kaya naman ayaw n‘ya na lang din pagbuksan ng pinto ang mama niya sa mga oras na ‘yon dahil iniiwasan niya na masigawan at makipag-away sa mama niya.
“Anak, intindihin mo naman ako.” Nanginginig na ang boses ni Guianna na animo‘y nawawalan na ng lakas para ibuka pa ang bibig.
“Intindihin!? Bakit ‘ma? Ako ba inintindi n‘yo? Inisip n‘yo ba ‘yong mararamdaman ko? O ang mararamdaman ni papa?” sagot ni Peng na hindi pa rin humuhupa ang galit. Para itong baha na ayaw bumaba at patuloy ang pag-angat dulot nang malakas at walang humpay na pag-ulan.
“Mahal ko si Wen, hindi ka ba masaya para sa ‘kin? Para sa ‘yo rin naman ‘to, Peng.” Pilit ipinapaunawa ni Guianna sa anak ang bagay na ‘yon pero sarado pa rin ang puso at isip ni Spencer para sa usaping tungkol dito.
“Para sa ‘kin, ‘ma o para sa ‘yo?” tanong ni Peng dahilan para mapatulala at mawalan ng kibo ang kanyang mama.
“Peng... anak,” ani Guianna na pilit pinipigilan ang luhang namumuo sa kanyang mga mata.
“Ginagawa mo lang ‘to, ‘ma para sa ‘yo! Para sa ‘yo lang!” sigaw ni Peng na nagpaiyak sa kanyang mama.
Pinagmasdan niya kung gaano nasasaktan ang mama niya sa mga sinasabi nila. Hindi lang naman ang mama niya ang nasasaktan dahil kung nasasaktan ang mama niya ay mas doble ang sakit na nararamdaman niya.
“Buti sana kung siya talaga ang magpapaaral sa ‘kin kaso hindi. ‘Yung mayabang na epal na Wennard na ‘yun pa! ‘Yung lalaking ipinalit ng mama ko kay papa!”
“Pag-aaralin kita sa magandang school, ‘nak sa Makati...” ani Guianna matapos punasan at pigilan ang pagluha. “...sa private school, sa Colegio San Agustin. Maganda ro’n ‘nak! Tapos, susuportahan kita sa pangarap mong maging athlete. Magiging magaling na baseball player ka someday, tulad ng papa mo. ‘Di ba?”
“At sa’n ka naman kukuha ng pera, ‘ma? Wala tayong gano’ng kalaking pera. Public school pa nga lang, hirap na hirap na tayo ‘di ba? Kailangan ko pang mag-trabaho para may pambaon lang,” sabi ni Spencer na animo‘y pinapangaralan pa ang ina. Sinasabi niya lang naman ang tama dahil gusto niyang matauhan ang ina.
“‘Wag kang mag-alala, ‘nak. Magta-trabaho ako. In fact, bibigyan daw ako ng posisyon ni Wen sa city hall. Gagawin niya akong secretary. Hindi mo na kailangan mag-working student, ‘nak. This time, ako naman. Babawi ako ‘nak, promise ‘yan.” Hinaplos ni Guianna ang buhok ng anak at tiningnan ito sa mga galit na mata. Pilit niyang pinapakalma ang anak sa pamamagitan ng pagtitig sa mga mata nito.
BINABASA MO ANG
Snicker & Tears
Teen FictionPEARL OF THE ORIENT #1 Aside from being cherophobic and Schadenfreude person, Sierra Ponce is suffering from Seasonal Affective Disorder (SAD) for a long time now. Thus, she has become scared of feeling sheer bliss for she thinks that every time she...