31: Splendid Eyes at Pampanga Eye

65 9 3
                                    

"Sinong takot?" tanong agad ni Sierra pagkababa nila sa Loop Roller Coaster.

"Cheese!" saad ni Spencer na nanlalambot ang mga tuhod. "Wooh!" matinis nitong sabi at iwinilig pa ang ulo na halatang nahihilo.

"Gay." Umiling si Sierra at naunang maglakad. "Let's go." Humarap siya kay Spencer na hindi pa nakaka-recover.

"Teka lang, nahihilo pa 'ko. 'Di ako makahinga." Nakahawak sa dibdib si Spencer habang ang isang kamay ay nakatukod sa tuhod niya. Nakayuko at akala mong tumakbo dahil hingal na hingal.

Nilapitan siya ni Sierra at ang kamay niyang nakatukod sa tuhod ay kinuha. Hinatak siya ni Sierra habang mahigpit na nakahawak sa kamay niya. Parang panandaliang bumagal ang mundo nang maghawak ang kanilang mga kamay. Natulala na si Spencer habang pinagmamasdan ang dalagang nakatalikod at nauuna sa kanya. Ngumiti siya habang sinasabayan ang mga hakbang ng dalagang humahatak sa kanya.

"Cheese! Ang taas!" sabi ni Spencer nang makarating sila ngayon sa susunod na rides na sasakyan nila. Nandito sila ngayon sa Drop Tower at nasa pinakaitaas na sila.

"WAAAH!" hiyaw na naman ni Spencer nang ibaba na sila.

"WAAAH!" Wala siyang humpay sa kahihiyaw at hindi niya namamalayang palihim na tumatawa si Sierra sa kanya. Hindi ipinapakita ng dalaga na natatawa siya at mukhang 'di rin naman makikita ni Spencer dahil nakapikit ang mga mata nito. Takot na takot.

"Cheese! Ayoko na!" Nakababa na sila at si Sierra ay naghahanap na naman ng rides na masasakyan.

Ang Sky Cycle, Sky Race, Kangaroo Jump at Double Deck Carousel ay sinakyan din nila. Sinubukan din nila ang Bumper Boat, Space Shuttle, Wonder Flight at Canoe River.

Sinulit nila ang promo ng Skyranch at sinubukan nila ang lahat ng rides. Walang magawa si Spencer dahil si Sierra lagi ang nasusunod at hindi niya magawang tanggihan.

"Isa pang ride," sabi ni Sierra na nauuna pa rin sa paglalakad.

"Ano?" reklamong tugon ni Spencer na nakasunod lang sa kanya. "Papatayin mo ba 'ko?"

"Halika na," sabi pa ni Sierra at pumunta sa likod ni Spencer para itulak ito. Tinulak niya si Spencer dahilan para mapilitang lumakad ito kahit ayaw.

Ngayo'y mukhang nakita na ni Sierra ang susunod nilang ride.

"Sa matataas at nakakatakot na rides mo naman ako dinadala," nagmamaktol na sabi ng binata. "Nag-e-enjoy ka bang makita kong nagwawala sa takot?"

Huminto si Spencer at humarap sa dalaga.

"Oo, kaya sakay na." Tinulak ni Sierra si Spencer pero nagmatigas si Spencer. Hindi siya nagpatinag.

"Kapag 'di ka sumigaw, makakausap mo 'ko ng matino." Tinanguan ni Sierra ang binata at hinihintay ang pagpayag nito.

"Cheese, e, ang taas-taas kaya!" ninenerbiyos na ani Spencer. "Tino-torture mo ba 'ko?" Hinarap niya muli si Sierra na para bang sinasabi niyang tumigil na pero sa bandang huli ay wala pa rin siyang nagawa at nakita niya na lang ang sarili niyang nakasakay na katabi ng dalaga.

"Ang arte mo. Ferris Wheel lang 'yan, OA." Nasa loob na sila ng Ferris Wheel pero pinagsasabihan pa rin ni Sierra ang lalaki na naduduwag.

"No, it is not just an ordinary Ferris Wheel. Pampanga Eye 'to, the biggest and tallest Ferris Wheel in Philippines." Nakaupo si Spencer sa tabi ni Sierra at kita sa mukha nito ang tensyon.

"Sus, pare-parehas lang 'yan." Walang takot na mababatid sa mukha ni Sierra. "Ano 'yan?" walang buhay na tanong niya nang tingnan si Spencer at ang ginagawa nito. Nakita niya kasi ang earphone niya na hiniram ni Spencer noong nasa bus pa sila.

Snicker & TearsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon