Rehearsal

5.2K 115 35
                                    

INT. TEATRO UMA – NIGHT

Umiiyak ang mag-asawang Michael, 45, at Joan, 40, sa tapat ng pinto ng Teatro Uma. Nagkalat ang bote ng Red Horse sa sahig. Nakasandal si Michael sa pader, lasing, hawak ang isang bote. Nakahiga naman si Joan sa sahig, lasing din, basa ang damit dahil may natapon sa kanyang beer. Smudge na ang kanyang makeup at may bakas ng eyeliner sa pisngi.


MICHAEL: 'Tang 'na talaga! Di patas! Di patas!

JOAN: Isipin mo 'yon? Thirteen years na tayo, pero wala lang ba sa San Juan 'yon? Mas pinili nila 'yong bagong mall sa San Sebastian kahit mas malayo. Wala man lang suporta. Iniwan tayo sa ere! Samantalang tayo, nandito t'wing may play, may pa-movie gimik ang mayor t'wing piyesta!

MICHAEL: Pipiliin talaga nila ang mas bago. Kahit anong aruga mo sa kanila, anong suporta mo sa kanila, mas gugustuhin nila ang mas bago. Mga puta.


Babangon si Joan at gagapang papunta kay Michael, dala-dala ang cell phone.


JOAN: Ano kaya, hon? Try natin 'to?


Ipapakita ni Joan ang cell phone na may nakasulat: Summon a Demon and Make Your Wish Come True.


JOAN: 'Lam mo, sobrang desperado ko na bawiin 'to, nag-search ako niyan.

MICHAEL: Nababaliw ka na.

JOAN: Paanong hindi ako mababaliw? Dito natin pinundar lahat ng pera natin. Magkano na lang natitira sa 'tin?!

MICHAEL: Hindi 'yon ang ibig kong sabihin. Nababaliw ka na kasi . . . hindi naman totoo ang mga demonyo!


Hahalakhak silang dalawa, at aalingawngaw ito sa buong teatro. Sasandal sa pader si Joan, katabi ni Michael, at iinom mula sa beer.


MICHAEL: Sige. Tutal, lahat sinabihan na tayo ng baliw dahil ayaw natin 'to ipasara. Subukan natin 'to at panindigan na lang. Ano pa bang mawawala, e, nawala na sa 'tin lahat? Kung may lumitaw na demonyo, alay na lang natin 'yong buhay ng nagpagawa ng mall.

JOAN: Ayaw mo pati yung mga taga-San Juan na mismo?

MICHAEL: E di, sino na lang customer natin?


Tatawa ulit ang dalawa, mahina muna tapos malakas. Saka sila tatayo at lasing na maglalakad papunta sa main theater.

Magbabasag si Joan ng bote, at gamit ang bubog, susugatan ng dalawa ang kanilang mga sarili. Magpapahid sila ng dugo sa sahig at bubuo ng isang malaking bituin na pinalilibutan ng isang bilog.


JOAN: Okay na ba 'to? Baka tsiyanak ang lumabas sa size.

MICHAEL: Mauubsan tayo ng dugo. Okay na 'yan. Halata pa rin naman. Ano, asan na kayo, mga tang'nang demonyo! Labas! Awoooooo!


Tatawa ang dalawa at aalingawngaw ulit ito sa buong teatro.


JOAN: Gago, demonyo kasi, di naman werewolf. Dapat ganito—o, demon, demon, wherefore art thou, demon? Deny thy father and refuse thy name. Or if thou wilt not, be but sworn my love!


Habang sinasabi ito ni Joan, aakto rin siya na kunwari'y si Juliet.


MICHAEL: Naalala mo 'yon? No'ng nag-Romeo and Juliet tayo? Doon talaga ako tinamaan sa 'yo, e.

JOAN: Kaya nga nag-invest tayo rito.

MICHAEL: Ano, sa'n na kayo, mga hayop!


Magbabato ng bote si Michael sa gitna ng teatro. Matatawa lang si Joan habang naririnig nilang mababasag ang boteng binato niya.


JOAN: Labas! Mga duwag! Tuparin n'yo hiling namin! Sayang dugo, o! Pinang-blood drive ko na lang sana 'to!

MICHAEL: Labaaaaaas!


Patuloy lang sila sisigaw at tatawa at magbabasag ng bote hanggang sa makakatulog sila sa gitna ng iginuhit nila, di alintana ang mantsa ng sarili nilang dugo sa kanilang mga damit.

Last Full ShowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon