Chapter 37

48 5 0
                                    

Chapter 37

Hindi ko alam kung bakit naiisip kong posible ang mga imposibleng bagay. Gusto kong kumpirmahin kay Ash ang tungkol sa kuya niya.

Kahit na gusto kong balewalain, naiisip ko pa rin talaga.

Imposibleng si Abrys 'yon. Imposibleng siya ang nakausap ko.

Kaboses lang niya 'yong lalaki. Raven nga ang pangalan no'n. Kaya hindi pwedeng siya.

Tinitigan ko ang gold chain sa aking kamay. Sa kaniya ito. Kay Abrys ito. Siguradong sigurado ako roon dahil ilang beses ko ng nahawakan at natitigan ito nung mga oras na magkarelasyon kami.

Napapikit ako sa sobrang frustration. Bakit ka ba umaasa pa, Marigold?

Ano naman ngayon kung siya 'yong kuya ni Ash? Ano ngayon? Isipin mo ang ginawa niya kay Marineth! Isipin mo ang ginawa niya kay Mariton!

Padabog kong binagsak ang gold chain sa loob ng cabinet at sinara iyon. This is insane. Nagpaparamdam ang mga hindi na dapat magparamdam.

Hindi ko na rin alam ang nangyari sa website ko. Hindi ko siya ino-open kasi nagkaka-mental breakdown ako kada nababasa ko ang mga comments doon. Kaya kahit kuryoso ako kung may iba pa bang reply si Abrys doon, hindi ko na lang pinagtuunan ng pansin.

Tumunog ang phone ko kaya kinuha ko iyon. Nakita ko ang tawag galing kay Ate kaya sinagot ko agad.

"Hello, 'te?"bagot na sabi ko at dahan-dahang umupo sa kama katabi ang tulog na si Brianna.

"Anong balita kay Marineth? Nakakausap nyo na ba?"

Sinabi na siguro ni Maricar ang pagbabago kay Marineth. Ilang araw na siyang normal kung kumilos. Kulang nalang ang pagsasalita niya. Iyon nalang!

"Hindi pa, Ate. Iyon nga ang hinihintay kong mangyari."sagot ko naman.

"Bibisita kami dyan bukas. 'Wag ka na munang pumasok!"

Nangunot ang noo ko. Pwede nga namang hindi ako pumasok basta't makapagpaalam ako kay Paolo at magbibigay ng letter.

"Hindi ako sigurado. Biglaan naman kasi. Dapat kanina nyo pa sinabi para nakapagpaalam ako kay Paolo."sabi ko pa.

Tumawa siya. "Pasensya naman! Subukan mo lang. E'di kung hindi, okay lang. Sigurado naman akong papayagan ka no'n. May gusto 'yon sayo, e." Humalakhak siya.

Nakakapagkwentuhan kami nila Ate kapag may oras. Madalas nilang pag-usapan nila Maricar ay tungkol sa boyfriend nila kaya para hindi ako out of place, kinekwento ko nalang si Paolo.

Kahit naman hindi nila sabihin, alam kong iniisip nilang hindi pa rin ako nakaka move on kay Abrys.

Hindi ko alam kung kailangan pa ba no'n. Nung oras na mangyari ang lahat three years ago, tinanggi ko na sa sarili kong minahal ko siya. Wala na akong nararamdaman sa kaniya kundi galit. Wala na ang malalim na pagmamahal ko. Hindi na kailangang mag move on pa kasi wala na akong nararamdaman.

"Hindi naman, Ate. Ibang usapan kapag trabaho 'tsaka ano ka ba! Magkaibigan lang kami." Tumawa ako ng mahina.

"Asus! Kaibigan!"ulit pa niya sa nanunuyang boses. "Basta subukan mo, ha. Bibisita kami riyan bukas o baka mag-overnight ako dyan. Nagpaalam na ako kay Noriel!"

Ngumiti ako. "Sige, Ate. Sabihan nalang kita. Tulog na si Brianna kaya matutulog na rin ako. Matulog ka na rin."

"Aga niyo namang matulog. O' siya, sige na. Good night!"

Pinatay ko na ang tawag. Napakagat ako sa aking labi at tinabi na rin agad ang cellphone sa drawer.

Minsan, nakakaramdam ako ng inggit sa mga kapatid ko. Masaya na sila. Masagana na ang love life. Nakakainggit. Sa akin sila naiinggit noon pero ako itong nag-iisa ngayon.

Uncontrollable Flame (Guineverial #2)Where stories live. Discover now