Kabanata 40 : Prince Walker

72 12 0
                                    

“Limang taon na ang nakakaraan simula ng mangyari ang lahat ng ito. Bigla na lamang siyang nagbago at naghangad ng kapangyarihan.”

“Limang taon ninyo kaming niloko. Oww. Mali. Let me correct. Buong buhay ninyo kaming niloko.” Sabi ko dito. “Anong nangyari bago ang limang taong sinasabi ninyo?”

“Ang kamatayan ng Amang Hari.”

Napatingin ako dito. “Pati ba iyon ay kagagawan ninyo? Ang kanyang pagkamatay? Baka hindi ko na kayo mapatawad kung ganoon nga.”

“May ipagtatapat ako sayo at ang nais ko'y manatili itong lihim.”

Tumango na lang ako. “Sabihin ninyo na ang lahat.”

“Buhay ang inyong ama.”

Napakapit ako sa aking ulo. Pakiramdam ko'y sasabog na iyon sa mga sunod-sunod na rebelasyong sinasabi nito.

“Hawak siya ni Hellia, ang aking kakambal. Pinalabas ko lamang na namatay na siya upang hindi na kayo mag-alala pa. Ang bangkay na inilibing natin ay isa lamang kawal na ginaya ang wangis ng inyong ama sa kagagawan na din ng aking kakambal.”

Naikuyom ko ang aking mga kamao. Ang dami kong gustong sabihin pero walang nais lumabas na salita sa aking bibig. Para akong napipi sa mga sinabi nito.

“Hiniling ni Hellia ang katauhan ko. Sa loob ng limang taon ay ginamit niya ako. Ang lahat ng mga karahasang nasaksihan ninyo ay siya ang may kagagawan noon. Naging sunod-sunudan lamang ako sa lahat ng sabihin niya. Ginawa ko iyon para mailigtas ang iyong ama sa kamay niya. Sinubukan ko siyang hanapin pero hindi ko talaga makita kung saan siya itinago ni Hellia. Sa loob ng limang tao ay naging isa lang kami. Reyna ako kapag nasa labas ng palasyong ito at isa naman akong alipin kapag nasa loob. Nagtatago ako sa ilalim ng kaharian kung saan din siya namuhay ng matagal na panahon sa tuwing magpapalit kami. Totoo nga ang kutob ko. Nakuha niya ang pagiging itim na salamangkera ni Armada. Napakamakapangyarihan niya. Wala akong magawa. Sinusunod ko lamang ang lahat ng gusto niya para mapanatiling buhay ang inyong ama.” Lumapit siya sa akin at hinawakan ang aking pisngi. “At maging kayo din.”

Tinabig ko ang kamay nito ay lumayo sa kanya. Naisin ko mang huwag magpakita ng galit ay hindi ko magawa. “At maging sa amin din? Ano ba ang tingin ninyo sa amin? Mga paslit na hindi kayang protektahan ang sarili? Hindi ninyo 'ata kami lubos na kilala lalo na ako.” Sinubukan niyang lumapit sa akin pero iniwasan ko siya.

“Alam kong malakas kayong lahat. Lalo ka na.” Tumalikod ito. “Pero hindi hamak na mas malakas si Hellia. Wala kung ikukumpara ang inyong pinagsama-samang kapangyarihan laban sa kanya.”

“'Yun ang akala ninyo dahil 'yun ang iniisip ninyo. Kaya ko siyang labanan at pagbabayaran niya ang lahat ng ginawa niya.” Pumunta ako sa harap nito. “Anong klase kang reyna? Bakit nagawa mong ilihim ito sa matagal na panahon? Pinagmukha ninyo kaming tanga. O sadyang duwag ka lang para maging sunod-sundan sa kanya? Nilamon ka na ba ng takot, Ina?”

Tinignan niya ako sa aking mga mata. Kita kong nasasaktan ito sa mga nasasabi ko pero kailangan niyang madinig ang lahat ng iyon. “Oo. Takot ako. Takot na takot akong mawala kayo sa akin. Kapag pinigilan ko siya ay papatayin niya ang inyong ama. Pagkatapos niyon ay isusunod niya kayo. Alam kong kayang-kaya niyang gawin iyon. Siya ang pinakamakapangyarihang nilalang dito at hindi naman ako papayag na malagay kayong lahat sa kapahamakan.”

“Hindi ko matatanggap ang rason ninyong iyon. Isang kahinaan. Nasaan na ang matapang at maprinsipyong reyna na nakilala ko at nag-alaga sa amin? Nasaan na 'yon?”

“Patawirin mo ako, aking anak.”

Tumawa ako. “Patawarin? Sige. Sabihin na nating gusto ninyo kaming protektahan. Pero kapalit ng ano? Kapalit ng buhay ng madami? Kapalit ng buhay ng mga magulang ni Eliazar? Ng buhay ng mga inosente? Isa 'tong katarantaduhan.”

“Mangako ka, Walker. Walang dapat makaalam sa mga sinabi kong ito sayo. Kahit na ang iyong mga kapatid. Hayaan mo nang ako na ang kumilos para matigil na ang mga ginagawa ni Hellia. Pagkatiwalaan mo ako aking anak.”

Sa mga oras na ito'y hindi ko na alam ang salitang tiwala. Pinili kong isantabi ang lahat ng nararamdaman ko. Hindi ako gagaya dito na walang ginawa at nagpadala sa takot. Ako ang tatapos kay Hellia o kung sino man siya. Walang kapatid o kapamilya kapag nakagawa ng kasalanan. Ito ang batas ng palasyo. Hinding-hindi ko lalabagin iyon. Kung nandito man ang aking ama ay tiyak akong iyon din ang gagawin niya. May paninidigan ito. “Sige. Gagawin ko ang sinasabi ninyo. Walang sino man ang makakaalam nito at mananatiling lihim ang lahat.”

“Salamat, Mahal Na Prinsipe. Iniisip ko lamang ang inyong kaligtasan.”

“Pero nais kong malaman ang mga plano niya.”

Napatungo ito. “Hindi ko alam ang lahat ng plano niya pero may palagay na ako kung saan patungo iyon. Isang seremonya ang gagawin niya kung saan gagamitin niya ang mga babaeng dinakip niya. Baka iyon ang makakatanggal ng sumpa sa kanya.”

“Kung sinasabi ninyong namana niya ang pagiging itim na salamangkera ni Armada tiyak akong malakas ang kapangyarihan niya. Bakit hindi niya gamitin iyon para makalabas dito?”

“Gaano man siya kalakas ay hindi niya magawa. Ang sumpa ay sumpa.”

Iyon ang pagkakataon na sasamantalahin ko. Kailangan kong makagawa ng paraan para mawala na ito sa landas at matigil ang kasamaang ginagawa niya habang hindi pa siya nakakalabas ng palasyo.

“Ang seremonyang tinutukoy ninyo. Anong mangyayari kapag naisakatuparan niya iyon?”

“Hindi ko alam pero nararamdaman kong magdudulot iyon ng malaking banta sa Athens.”

Alam ko na ang gagawin. Mabilis akong nakabuo ng plano sa aking isipan. “Pinagkakatiwalaan ninyo ba ako?”

Tumango ito. “Oo, anak.”

“Kung ganon ay pabayaan ninyong ako na ang kumilos.”

“Pero anak---”

“Inang Reyna.” Hinawakan ko ang mga kamay nito. “Gusto kong magtiwala kayo ng lubos sa akin. Ako na ang bahala. Kasasabi ninyo lamang na makapangyarihan si Hellia. Oras na malaman niyang may binabalak kang kung ano ay baka bihagin ka din niya tulad ng ginawa niya sa aming ama. O baka paslangin? Mas mahihirapan tayong patumbahin siya kapag nagkataon. Pagkatapos niyon ay baka kami ang isunod niya. Gusto ninyo bang mangyari iyon?” Umiling ito. Totoo talagang nanghihina ang sino man at nababali ang prinsipyo kapag pamilya na ang pinag-uusapan. “Hayaan ninyong ako na lumutas sa problemang ito.”

“Anong binabalak mo?”

“Nais kong hanapin at alamin ninyo kung saan itinatago ni Hellia ang Amang Hari. Magagawa ninyo ba iyon?”

“Susubukan ko. Sa mga oras na ito'y nagpapahinga na si Hellia sa kanyang silid.”

“Sa iyong silid.” Pagtatama ko dito.

Masyado ng masikip sa palasyong ito. Kailangan ng paalisin ng mga hindi dapat naririto. Dapat ko siyang maunahan bago pa man niya magawa ang mga plano niya.

The Dark SideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon