Lavinia's POV
Tama ang sinabi ni Walker. Isang alagad nga ni Hellia ang magtutungo dito sa Head Quarter. Pagkatapos ibigay ang sulat ay umalis na din ito.
“Binihag na lang dapat natin siya.” Sabi ni King. “Kapalit ni Lily.”
“Walang pakielam si Hellia sa kanya.” Sagot ko. “Kaya niyang magpalit ng alagad ano mang oras.”
Dumiretso kami sa conference room na nasa ground floor. Kami lang din ang gumagamit noon. Binasa ni King ng malakas ang nilalaman ng sulat. Isa lang ang nais niyong ipahiwatig, si Lily kapalit ng babaeng totoong kailangan niya. Nagbigay siya ng isang lugar kung saan magaganap ang palitan. Bukas, bago lumubog ang araw.
“Inaaaahan ko na na 'yan ang hihilingin niya.” Sabi ko.
“Anong plano ninyo?” Tanong ni Charlie.
“May naiisip na ako.” Mabilis na sagot ni Eli. “Sana ay sang-ayunan ninyo.”
“Sige. Makikinig kami.” Sabi ko.
Tumayo ito at nagpunta sa white board. “Kakailanganin natin sa planong ito ang tulong ni Prince Walker.”
Matapos ng pagpupulong namin at napagkasunduang gawin ay bumalik na kaming apat sa aming silid para magpahinga. Isang panibagong araw na naman ang haharapin namin bukas. Naligo muna ako. Ang lagkit na ng pakiramdam ko. Tumigil na ang ulan sa labas. Pero hindi na muling nagliwanag. Baka gabi na. Nahiga at nagpahinga muna ako sa kama. Matagal-tagal din ako sa ganoong posisyon habang nakatulala at nakatingin sa kisame. Kung ano-ano na ang naiisip ko. Kung saan-saan na naglalakbay ang diwa ko. Anong oras na ba? Tumingin ako sa wall clock na nasa loob ng aking silid. Alas-nuwebe na ng gabi. Medyo nakakaramdam na ako ng gutom.
Biglang may kumatok sa pinto. Sino kila Eli, King at Nate iyon? Huwag sana yung huli. Tumayo ako at binuksan iyon. Isang hubad na katawan ang tumambad sa akin. Kitang-kita ko ang bawat perpektong hulma niyon. Peste. Bakit ba ako doon unang napatingin? Napalunok ako. Tinignan ko kung sino ang lalaking nakabalandra ang katawan sa harap ko. Si Nate. Ano namang trip niya at ganyan ang ayos niya? Naamoy ko din siya. Amoy sabon. Mukhang bagong ligo.
Isasara ko sana ang pinto pero pinigilan nito iyon.
“Hey, Lavinia.”
“Ano?” Tanong ko sa kanya habang hindi ako makatingin dito ng tuwid.
Dinig ko ang pagbuntong hininga nito. “Pwede bang huwag mo na akong iwasan?”
“Hindi kita iniiwasan.” Mabilis na sagot ko.
“Don't worry, wala akong balak ungkatin pa ang kung anong nangyari kagabi. Kalimutan na lang natin 'yon.”
Mabuti naman kung ganoon. “Okay.” Mahinang sagot ko bago tumingin sa kanya.
Ngumiti ito. Nang-aasar ba ang lalaking ito. “Ano?”
“Wala.” Natatawang sagot nito.
Anong nakakatawa?
“Ano bang kailangan mo?” Tanong ko sa kanya ng matapos na ang pag-uusap namin. Hindi ko matagalan ang nakikita ko. Alam ng Maykapal kung gaano ako nagsisikap na pigilan ang sariling titigan ang troso-troso nitong katawan. Baka kung ano pa ang maisip nito at maisip ko din. Bakit ba kasi kailangang ipaglandakan pa iyon?
“Handa na ang pagkain. Hinihintay na nila tayo sa komedor.”
Nagluto pala ang mga ito.
“Susunod na lang ako.” Pagkasabi niyon ay isinara ko na ang pinto.
Bwiset. Nang-aakit ba ang isang 'yon? Bakit? Naakit ba ako? Haaaay nako. Ayoko ng mag-isip ng tungkol sa kanya. Baka mamaya kung saan na naman mapunta iyon. Kung alam niya lang. Siya ang unang lalaking nakahalik sa akin. Ganoon pala ang pakiramdam 'non. Ayyy! Ewan ko sayo, Lavinia. Tama na ang pag-iisip sa nangyaring iyon. Dapat ng ibaon iyon sa limot. Mas may malaki kaming problemang kinakaharap. Iyon dapat ang initindihin ko.
Inayos ko ang sarili. Paglabas ay nakita kong nakadamit na si Nate. Buti naman. Hindi naman siya model. Pero pasadong-pasado siyang maging model. Nais kong sampalin ang sarili sa mga pinag-iiisip. Namana na ako kay Lily. Ano na kaya ang lagay niya sa mga oras na ito? May baon naman siguro siyang pagkain. Laging handa 'yun, eh.
Ipinaghila pa ako ng bagko ni Nate ng makalapit ako sa kanila.
“Salamat.” Simpleng sabi ko. Ano ba itong mga paandar niya? Ito ang unang beses na ginawa niya 'to. Nakalanghap ba ito ng masamang hangin? Ewan ko na talaga sa lalaking 'yan.
Magkatabi kami ni Nate. Si King naman ang nasa tabi ni Eli na nasa harap ko. Bakit naiba ang posisyon namin sa hapagkainan? Si Eli kaya ang katabi ko. Baka dahil wala ang babaeng baliw. Bakit pati iyon ay iniisip ko? Nakakapanibago na akward. Nakakapanibago dahil walang maingay at akward dahil ako lang ang nag-iisang babae dito. Pero naranasan naman na ding mapag-isa ni Lily dati dito, hindi ba? Noong nasa coma pa ako.
Inabutan ako ni Eli ng ulam. “Bicol express. Paborito mo 'yan, hindi ba?”
Nginitan ko siya. “Oo.” Tinanggap ko iyon. “Marami na naman akong makakain nito.” Biro ko. “Ikaw ang nagluto?”
“Si King.”
Akala ko si Nate. Well, ano bang alam nito sa gawaing bahay? Lumaki silang dalawa ni Lily na may gintong kutsara sa bibig. Baka puro gym at laro lang ang alam nito.
“Subukan mo, Lavinia.” Sabi naman ng dakilang nagluto. “Masarap 'yan. Isa 'yan sa mga expertise ko.”
*******
Nate's POV
Ano 'tong ginagawa ni Eliazar? Bakit ngayon ay may pag-abot na ng ulam siyang nalalaman kay Lavinia? May kailangan ba akong malaman? Hmmmm. Baka sinasalisihan na ako ng isang 'to, ah. Kinuha ko ang menudo at inabot kay Lavinia.
“Love, eto, oh. Mas masarap 'to. Malinamnam.”
“Love?” Sabi ni King.
Nakatingin naman sa aming dalawa si Eli.
“Lav. Short for Lavinia.” Paliwang ko sa mga ito kahit hindi iyon ang ibig kong sabihin.
Walang kibong kinuha ni Lavinia ang inaabot ko. Ni hindi man lang niya ako tinignan at nginitian tulad ng ginawa niya kay Eliazar.
Magpapatalo ba ako? Hindi. Walang talunan sa lahi namin. Kinuha ko ang juice at sinalinan ang nasa tabing baso ni Lavinia. “Inom ka. Baka mabulunan ka.”
“Pasensiya na, magtutubig lang ako ngayon.” Sagot nito na hindi pa din nagbabaling ng tingin sa akin. “Kumakati ang lalamunan ko diyan.”
“Gamitin mo na lang itong baso ko. Hindi ko pa naman naiinuman 'to.” Mabilis na sabi ni Eli. Sinalinan niya iyon ng tubig at inabot kay Lavinia.
Nakangiting tinanggap iyon ng babae. Nagkadikit pa ang daliri ng mga ito. Hindi ko naiwasang ibagsak ng malakas ang kutsara at tinidor.
Napatingin sila sa akin. “Sorry, napadami kasi yung subo ko.”
********
Lavinia's POV
Ano bang pinaggagagawa ng katabi kong lalaking ito? Para sira lang. Napailing na lang ako. Masarap pa lang magluto si King. Pwede na itong mag-asawa. “Matulog kayo ng mahimbing dahil bukas ay mapapalaban na naman tayo.” Sabi ko sa mga ito. Hintayin mo lang kami, Lily. Ililigtas ka namin.
BINABASA MO ANG
The Dark Side
Fantasy"The Law Of Survival" Apat na nilalang na magkakaiba pero pinagbuklod ng tadhana para sa iisang hangarin. They believe a true warrior don't need luck, they need possible. Let them show you the infinite possibilities of magic, love and sacrifice. Th...