Vol. 1: Ch. 6

221 21 0
                                    

Sparrow and Wolf

...

[Zenith's POV]

Nang makabalik kami sa loob ay agad bumungad sa amin ang tawanan ng mga tao, samu't saring usapan, at may iba pang nagkakantahan. May iilan namang kumakain lang ng kumakain ngunit hirap akong makuha ang saya ng pagkakataon. Lalo't alam kong nagmula ang ibang handa rito sa mga Tenseni.

Ang sabi ni Carlile ay bukas na raw siya susunduin ng mga Tenseni, at gusto man niya akong makita bukas ay 'wag na lang daw. Baka magdalawang-isip pa raw siya at tumakbo papunta sa akin. Takot ko na lang na balingan ako ng mga Tenseni kapag nangyari 'yon.

"Tawagin ko lang saglit si Steno." Paalam ni Carlile kaya naiwan akong mag-isa rito sa pwesto namin. Sinubukan kong hanapin si Master Zen, at nang makita kong kausap niya ang namumuno sa mga Siltore ay hindi na ako nagtangkang lumapit. Mukhang may importante silang pinag-uusapan dahil seryoso ang mukha ni Master.

Hindi naman ako mahilig sa mga ganitong handaan, at mas gugustuhin ko pang mag-isa lang sa bahay. Sa bagot ay naupo na lang ako sa madilim na sulok, at hinintay makabalik si Carlile kung babalik man siya rito. Hangga't maaari ay ayoko ring makuha ang atensyon ng mga babaeng ka-edad ko dahil lalapitan at tatanungin na naman ako ng walang katapusan.

Habang naghihintay ay muli kong binalikan ang mga napag-usapan namin ni Master kanina. Hindi naman magsisinungaling sa akin si Master kaya sigurado akong may paraan talaga para lumakas ako. Kapag nangyari 'yon ay makakatulong din ako sa mga Siltore na makaangat ang antas ng nobility na hindi umaasa sa mga kasal-kasal. Ayokong may sumunod pa kay Carlile, ayokong may babae na namang iiyak sa pamilya ng mga Siltore.

Mabait ang mga Siltore sa mga nasasakupan nila, at may kakaiba ring ugnayan si Master Zen sa kanila. Kung ang paglakas ko lang ang natatanging tulong na magagawa ko ay magsisikap ako. Lalo't may isa pang dalaga ang mga Siltore na tatlong taon na lang ay pwede na ring ipagkasundo sa ibang pamilya. Sa totoo lang ay ayaw ng mga Siltore iyon ngunit naiipit na rin sila sa mas mataas na noble.

Kaya lang din naman napilitan na ipagkasundo si Carlile ay malaki ang utang ng mga Siltore sa Tenseni. Pinagbantaan daw silang ipapakulong ang buong pamilya kapag hindi ipapakasal si Carlile sa binata nila. Iyon ang nasagap kong balita kay Master Zen pero hindi ko na 'yon tinanong kay Carlile, at hindi ko rin alam kung may ideya siya roon.

Ilang minuto pa akong naghintay bago ko naaninag ang papalapit na imahe ni Carlile at Steno sa akin. Pinsan ni Carlile si Steno, at kababata ko rin naman ang lalaking 'yon. Hindi lang ako sumabay sa kanila sa pagpunta sa Academy dahil nahihiya ako. Mas gusto ko ring maglakad na lang, at kung hindi ko iyon ginawa ay hindi ko rin matatagpuan ang desolation fang. Hindi ko rin makikila ang mga bago kong kaibigan dahil paniguradong magkakasama kami lagi nila Carlile at Steno.

Kumusta na nga kaya sila Rosia, Letizia, at Arthur? Kakausapin pa kaya nila ako kapag nagkita-kita kami sa academy? Kahit mas gusto kong mag-ensayo mag-isa ay gusto ko pa rin silang makausap at maging kaibigan. Ngunit tuwing maiisip ko na mapagtutuunan sila ng tawanan kapag kasama nila ako ay mas pipiliin ko na lang lumayo sa kanila.

"Nakita kanina, sino 'yong mga kausap mo? May bago ka na namang magagandang babae, at mukhang mataas pa ang mga antas nila." Bungad na biro ni Steno nang makalapit sa akin, at umiiling-iling akong tumayo. Kung ako ay umaayaw sa atensyon ng mga babae, si Steno naman ang kabaligtaran ko.

"Hindi mo na lang sabihin kung sino ang gusto mo sa dalawang kasama ko kanina."

"Mas gusto ko 'yung may pink na buhok kaysa sa grayish. Ang cute at adorable niya tignan habang kinakausap ka. Hindi ko nga alam kung bakit parang hindi mo pa 'yon natipuhan." Kulang na lang ay kumislap ang mga mata ni Steno habang inaalala ang nagustuhan niya sa mga kaibigan ko.

Spectral MagusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon