Vol. 5: Ch. 61

148 15 0
                                    

The Real Truth

...

[Mayor Silvanya's POV]

Hindi ko maiwasang mabigla sa mga impormasyon na nababasa ko ngayon, at hindi ako makapaniwala sa mga sikreto at kasamaang nangyayari sa loob ng royal family. Kaya pala ganoon na lang din kapagod ang itsura ng ama ko noon dahil sa palihim na pag-iimbestiga niya. Ngunit hindi ko napigilang maluha nang mabasa ko ang nangyari kay Derieri sa isang libro na inilaan ni ama para sa babaeng iyon.

Si Derieri ang unang babaeng minahal ni ama ngunit hinadlangan sila ng royal family dahil mula sa mahirap na pamilya si Derieri. Nagsisilbi lang siyang katulong noon sa mansyon nang makilala siya ni ama, at naluha ako nang malaman ko ang kababuyang ginawa ng mga miyembro ng royal family kay Derieri bago ito binugbog at itinapon sa labas ng Magus Kingdom.

Hindi sana iyon malalaman ni ama ngunit isang araw na naglakbay siya ay nakita niya si Derieri na may mga pasa at halos hindi na makilala. Noong una ay hindi niya pa raw nakilala ito at hindi niya na sana aabalahin pang kilalanin dahil nang mahuli sila ni lolo na magkasama ay kinasal na siya kinabukasan.

Nagpatuloy lang ako sa pagbabasa hanggang sa makarating ako sa parte na nag-uumpisa na silang gumawa ng grupo laban sa Magus Kingdom. Doon din nakilala ni ama ang anim pang miyembro ng kilusan na gustong puksain ang kasamaan sa Magus Kingdom.

"Banshee Council." Pag-ulit ko sa pangalan ng kilusan na ang ama ko at si Derieri ang nagbuo. Simula rin noon ay unti-unti ring nabubunyag ni ama ang mga sikreto na nabanggit niya sa libro ng mga sikreto ng royal family. Ngunit isang araw ay may nakasunod sa kanya at nakita siyang nakikipag-usap sa grupo ng Banshee Council... doon nakilala kung sino-sino ang bumubuo sa grupo, dahilan upang wasakin ang buong bayan na pinagmulan ng pito.

Nabasa ko sa isa pang libro ang naging away nila ni lolo tungkol sa bagay na iyon, at ang sinabi sa kanyang rason ay ayaw na ayaw siya nitong makikipag-usap sa mga mahihirap na pamilya... kaya bilang aral ay inubos ang pamilyang kinabibilangan ng mga miyembro ng grupo. Doon na rin daw nag-umpisa ang paghihinala sa kanya ni lolo na tinutulungan niya ang grupo ng mga mahihirap na iyon, ngunit hindi siya natakot at nagpatuloy sa pagtuklas ng mga sikreto sa loob ng royal family.

Nakasulat sa libro ang mga nabunyag niyang sikreto, at ayon din sa salaysay niya ay hindi normal ang halimaw na itinatago sa loob ng forbidden chamber. Nakatala rin sa isang libro ang mga taong mababaw lamang ang parusa ngunit pinalabas na malala, at ang mga hinatulan ng kamatayan ay minsan niyang nakitang dinadala sa forbidden chamber.

Doon sila nag-umpisang gumawa ng konkretong plano, at lahat ay ilalagay nila sa ayos habang si ama ay patuloy na nagmamasid sa dilim. Nakatala rin ang mga relics na kapit nila sa isang libro na ang pabalat ay may nakasulat na pangalan ng kanilang grupo. Hindi man detalyado ngunit sigurado akong sapat iyon para wasakin ang buong Magus Kingdom.

Malakas akong napabuga ng hangin at saglit umupo sa lupa. Hindi pa rin talaga ako makapaniwala sa mga nabasa ko, at naniniwala ako kay ama kaya ngayon ay hindi ko na alam kung paano pa ang gagawin kong mga kilos. Hanggang sa maalala ko ang nangyayaring pakikipagsabwatan ng traydor sa hindi ko pa matukoy na mga tao, ngunit may kutob akong ang grupo iyon ni ama.

Muli kong binalikan ang naging pagpupulong namin tungkol sa nagtatraydor, at ngayong nabasa ko ang sikreto ng royal family ay may nabubuo akong ideya kung sino ang totoong nagtatraydor... o kung pagtatraydor nga ba talaga ang ginagawa nito. Sino nga ba ang tinatraydor ng pamilyang 'yon? Hindi ko na rin maisip... masyadong magulo ang lahat kung pagtatagniin.

Muli na lang akong napabuga ng hangin at nagdesisyon na bumalik na muna sa mansyon. Kailangan ko pang pag-isipang mabuti ang lahat upang makakilos ako ng tama at may plano.

Nang makalabas ay sinigurado kong walang nakakita sa akin, at napakamot ako ng batok nang makitang pasikat na muli ang araw. Paniguradong may mga naghahanap sa akin simula pa kagabi.

...

[3rd POV]

"Maligayang pagbabalik, Uno." Pagsalubong ng reyna ng Banshee Council sa bagong dating nitong miyembro.

"Hindi pa rin talaga ako sanay na tawagin mo akong Uno, Derieri." Pabiro nitong sabi na tila ba kasundo nito ang reyna, at tanging siya lang ang nakakayang gawin ito sa kanilang pinuno.

"Kahit kailan ay hindi ka talaga nagbabago, Demuel." Nasa loob sila ngayon ng kwarto na tanging siya lang ang hinahayaang makapasok ng reyna.

"Kumusta na pala ang grupo habang nagpapanggap akong isa sa pinaslang nating miyembro ng royal family?"

"Hindi ka ba nakakatanggap ng balita sa loob?"

"Masyado akong abala sa pag-iimbestiga kaya hindi na ako nakakasagap ng mga balita sa labas ng royal family." Kibit-balikat nito na dahilan upang mapailing-iling ang reyna.

"Ibig sabihin ay hindi mo rin nababalitaan ang mga ginagawa ng anak mo? Alam mo bang napahanga niya ako noon sa dragon cave expedition?"

"Nandoon ako nang mapatunayan niya ang mga hinala niyang anomalya... pero mas matutuwa ako kung matutuklasan niya ang mga kasamaan na umiiral sa loob ng royal family."

"Sa totoo lang ay ayos na sana ang lahat ngunit may pumasok sa eksena na isang spectral magus. Sinabi pa ni Dos na ang batang iyon daw ang makakapigil sa mga ginagawa nating hakbang... kaya sa pamamagitan ni Raziel ay sinubukan ko kung makakaya ba natin siyang pasalihin sa kilusan natin." Blangko ang emosyon nitong paliwanag ng mga nangyayari.

"Maiba lang... hindi mo ba aalamin kung bakit ako bumalik ngayon dito?" Nagtatakang tinignan ng reyna si Uno na ikinatawa naman ng lalaki, at kusa na lang sinabi ang kanyang rason.

"Nagkakagulo na rin sila sa royal family, at kahit nagkulang tayo ng pwersa dahil sa ginawa ng anak ko sa dragon cave expedition... panahon na para simulan natin ang tuluyang pag-atake. Ang sino mang kakampi sa royal family, ituturing nating kalaban... dahil ang sino mang kumampi sa masama ay isa ring masama."

Spectral MagusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon