Vol. 4: Ch. 47

114 21 1
                                    

Siltore Massacre (1)

...

[3rd POV]

"Nahanap na ba si Zenith, pa?" Mangiyak-ngiyak na tanong ni Diane habang hawak ang kanyang tiyan. Hindi niya malaman kung siya lang 'yon pero ramdam niya na hinahanap din ng batang nabubuhay sa sinapupunan niya ang ama nito, dahilan upang dumoble ang lungkot na nararamdaman niya sa bawat paglipas ng araw na ang sagot ng ama niya ay hindi pa nakikita si Zenith.

"Ganoon pa rin pero may panibagong natuklasan ang mga naghahanap sa kanya. May natagpuan silang maliit na patak ng soul force, at nalaman nilang mula sa nakalaban ni Zenith ang soul force na 'yon nang i-extract nila.

Mabuti na lang din at nagre-reflect sa soul force mo ang mga nararamdaman ni Zenith, at sigurado rin akong buhay pa siya. Hindi lang natin alam kung ano ang nangyari at kung saan siya pumunta." Wala man itong pinapakitang emosyon ay labis na rin ang pag-aalala niya para sa anak niya pati sa batang nasa sinapupunan nito. Iyon lang din ang naisip niyang paraan upang aluin ang kanyang anak, at hindi naman din iyon kasinungalingan.

Desidido na rin siyang ipakasal ang dalawa dahil sa nakita niyang katapangan ni Zenith, ngunit kailangan niya munang unahin ang paghahanap dito kasabay nang patuloy na pag-iimbestiga sa traydor na pamilya. Nagkakaroon na rin naman sila ng lead dahil iisa lang ang naghahatid sa mga grupong ipinadala sa dragon cave expedition. Hindi pa sigurado, ngunit may kutob siyang ang pamilyang iyon talaga ang nagtatraydor. Dagdag pa sa pruweba niya ay ang kagustuhan ng pamilyang 'yon na manguna sa pamumuno ng buong Magus Kingdom.

"Magpahinga ka na muna, anak. Babalik na ako sa opisina at baka may kailangan akong-" Hindi niya na natapos ang sasabihin niya nang may malakas na kumatok sa pinto.

"Sir! Sir! May masamang balita mula sa bayan ng mga Siltore!" Agad siyang naalarma sa sinabi ng bantay ni Diane, at nagmamadaling nagpaalam sa anak niya na ngayon ay labis ang pag-aalala dahil iyon ang bayan na pinagmulan ni Zenith.

"Ano ang nangyari?" Agad niyang tanong nang makalabas siya ng kwarto.

"Dumating po ang isang opisyal sa opisina niyo, at pinabibigay niya ang sulat na ito mula sa mga Siltore." Mabilis niyang kinuha ang inaabot sa kanyang sulat, at nang basahin niya iyon ay wala siyang sinayang na oras. Pinaalahanan niya lang na bantayan nitong mabuti si Diane bago nagmamadaling nagtungo sa opisina na namamahala sa mga protektor laban sa nangangahas maghasik ng lagim.

"Magpadala kayo ng mga platinum at diamond magus, pati na rin mga green jade warriors sa bayan ng Siltore. Ngayon na!" Dali-daling kumilos ang mga tao sa loob ng opisina, at wala pang dalawang minuto ay marami na ang nagtitipon-tipon sa loob. Wala na ring bingay pa na panuto ang Mayor at agad na lumabas sa opisina. Sumunod na rin ang hindi baba sa bente ang kombinasyon ng platinum at diamond magus, pati mga green jade warriors.

"Handa na ang teleportation scrolls!"

...

"Nasaan ang batang hinahanap ko?!" Sigaw ni Cuatro sa tenga ng namumuno sa mga Siltore, at tulad ng ibang miyembro ng Banshee Council ay may suot din siyang mask na ibabaw na hati lamang ng mukha ang natatakpan, at ang lahat ng kasuotan niya ay itim. May mahabang katana na nakasukbit sa kanyang kaliwang beywang, at ang hawakan nito ay may nakasulat na numerong 14.

"Wala rito si Zenith, at matagal na rin namin siyang hinahanap. Pakiusap, lubayan mo na ang bayan namin." Pagmamakaawa nito ngunit hindi natuwa si Cuatro sa narinig, at mabilis na hinatak ang isa sa mga taong kinadena niya gamit ang kanyang soul force. Isa lamang ito sa halos dalawang-daan na natitira sa mga taong naninirahan sa bayan ng mga Siltore. Ang iba ay nasa labas ng mansyon at wala na silang buhay.

Puno ng dugo ang bawat bahay at halos bumaha na rin ng dugo sa daaanan. Kung hindi putol na kamay ay pugot na ulo, na hindi na malaman kung saang katawan nagmula, ang nakakalat sa bawat sulok at daan. Maririnig na rin ang nakakabinging ingay mula sa pag-iyak ng mga taong nakakadena ngayon. Wala silang laban sa lalaking ngayon ay muli na namang may mapapatay mula sa bayan nila.

"Hindi ba't ang sabi ko, kapag hindi ko nagustuhan ang sagot mo..." Sinadya nitong hindi tapusin ang sasabihin habang binubunot ang katana, at isang kisapmata lamang ay agad naligo ng dugo ang kapit-kapit niya, pati na rin ang pinuno ng pamilyang Siltore ay napuno ng dugong tumalsik mula sa babaeng kapit-kapit ni Cuatro. Napuno ng malalakas na sigawan ang buong mansion nang bumagsak sa sahig ang mga kamay at paa, pati na rin ang ulo ng babae.

"Uulitin ko... nasaan si Zenith?!"

"Hindi nga namin alam!" Sigaw ng limang lalaki na kasama sa mga nakakadena, dahilan upang umigting ang panga ni Cuatro.

"Tumahimik kayo!" Galit nitong sigaw, at tuluyang natahimik ang mga tao nang maligo sila ng dugo mula sa limang lalaki na ngayon ay wala na ring ulo. Nanlilisik ang mga mata na nilingon nito ang pinuno ng mga Siltore, at muli pa sana siyang magsasalita nang maramdaman niya ang mga bagong dating na tulong mula sa Magus City.

"Walang kikilos!" Utos ni Cuatro sa mga bihag niya, at mala-demonyo siyang ngumiti habang unti-unting naglalakad patungo sa pinto.

"Nandito ba kayo para pasiyahin ako?" Hindi pa rin nawawala ang mala-demonyong ngisi sa mga labi nito. Naging alerto naman ang mga bagong dating, at kung hindi lamang abala si Mayor Silvanya ay paniguradong sasama rin siya sa mga ito. Ngunit hindi siya maaaring sumama dahil may posibilidad na may umatake rin sa Magus City, at hindi pwedeng wala siya kung mangyari iyon.

"Ano ang pakay mo sa pag-massacre mo sa bayan ng mga Siltore?!" Tanong ng namumuno sa grupo na siya namang nagpakuyom ng kamay ni Cuatro.

"Bakit paulit-ulit niyong itinatanong sa akin 'yan?! Kailangan ba ng rason para pumatay?" Parang baliw itong tumawa at agad na bumalik ang galit na ekpresyon nito, habang ang grupo ay nagkatinginan naman sa kabaliwang lumabas sa bibig ni Cuatro.

"Inuulit ko, ano ang pakay mo?!" Marahas na ginulo ni Cuatro ang buhok niya, at nagsusugat na rin ang balat niya dahil sa kuko niyang marahas din na tumatama roon. Malakas na napubuga ng hangin ang grupo dahil sa paningin nila ay isang baliw ang lalaking kaharap nila ngayon, at nang makarinig si Cuatro ng salitang baliw sa grupo ay dali-dali siyang napatigil sa ginagawa at natahimik.

"Sino ang nagsabing baliw ako?"

"Bakit, hindi ba?"

"Sino ang nagsabing baliw ako?!" Halos maputulan na siya ng litid sa leeg sa lakas ng pagsigaw niya na sinabayan ng matindi at marahas na pagsabog ng pinaghalong soul force at killing intent niya. Dahan-dahan siyang lumingon sa nagtanong kung hindi nga ba siya baliw, at sumulyap sa labi niya ang kakaibang ngiti na hindi na maipaliwanag kung anong emosyon ang gumagana ngayon sa isipan niya.

"Mga hangal!" Nagngangalit niyang sigaw, dahilan upang mapaatras ang grupo sa napakalaki at napakalakas na killing intent na inilabas ni Cuatro.

Spectral MagusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon