Vol. 5: Ch. 63

91 16 0
                                    

Start of the Revolution

...

[3rd POV]

"Bakit niyo ito ginagawa?! Hindi naman ito ang planong napag-usapan!" Kuyom ang mga kamay habang halos maligo ng dugo na sabi ng pinuno ng mga Lerance. Mahina namang napailing-iling si Raziel habang ipinapantay ang mukha rito.

"Hanggang ngayon ay kaya mo pa rin talagang magpanggap na para bang nagtatraydor ka na talaga sa buong Magus Kingdom. Ganyan ba talaga kahalang ang bituka niyo?" Bakas ang pagkadismaya sa mukha ni Raziel ngunit hindi iyon masyadong kita dahil sa maskarang suot niya.

"Ano bang pinagsasabi mo? Kampi naman talaga ako sa inyo! Siguro ay plano niyo na talaga kaming patayin noong una pa lang!"

"Kami pa talaga ang may ganyang plano? Alam mo ba kung bakit natatag ang grupo namin? Dahil alam naming mga traydor at halang ang bituka ninyo, at noong una'y maniniwala na sana kaming sakim na kayo sa kapangyarihan, ngunit plano niyo pala talagang wasakin ang grupo namin. Kahit kailan talaga ay hindi kayo mapagkakatiwalaan, at ako na dating opisyal sa mercenary ay napatalsik dahil sa inyo. Malamang ay hindi mo na ako naaalala, at wala na rin namang saysay kung ipapaalala ko pa."

"Ni-hindi nga kita kila-" Hindi na nito natapos ang sasabihin nang mabilis na tumagos sa ulo nito ang isang palaso, at muli na lang napailing-iling si Raziel sa mga kasinungalingang sasabihin pa nito.

"Deseros, ano ang balita riyan sa labas?" Tanong ni Raziel kay Deseros na siyang nagbabantay sa labas.  Hawak niya ngayon ang communication scroll na may mga talsik na rin ng dugo.

"Wala naman maliban sa nakapanood lang ako ng mga demonyong nagkakalasog-lasog." Tamad nitong tugon, at may sasabihan pa sana siya ngunit may naramdaman siyang malakas na soul force na papunta sa kanya. Ngunit imbes na matakot nang mamukhaan niyang isa itong legendary na magus, mala-demonyo siyang napangiti at tila natuwa pa sa mangyayaring laban.

"Magaling." Mapang-asar siyang pumalakpak nang makapasok ang matandang Lerance sa panira ni Deseros. Sigurado siyang magagamit niya ang isa sa dalawang malakas na trap niya, lalo't nakita niya ang lakas ng yelo na ginamit nitong barrier para makapasok.

"Sino kayo?!" Pasigaw na tanong ng matanda kasabay nang pag-release niya ng malakas at marahas na kapangyarihan, at dahil doon ay tila ba naging tag-lamig ang buong bayan. Ang kaninang lupa na puno ng mga dugo ay natabunan ng makapal at puting niyebe.

"Napadaan lang." Kibit-balikat niyang sabi, dahilan upang tuluyang mapuno ang matandang Lerance. Sa isang kisapmata lang ay may marahas at rumaragasang niyebe ang muntik tumama kay Raziel, at mapang-asar lang siyang tumawa nang makitang nadaplisan siya nito.

Sinundan pa iyon ng isa, dalawa, at marami pang tira, ngunit lahat ay daplis lang ang natamo ni Raziel. Bakas ngayon sa labi niya ang isang mala-demonyong ngiti dahil kung tutuusin ay alam niyang mas malakas ang matandang Lerance sa kanya. Ngunit ang kalkulasyon na ginamit niya roon ay kung wala siyang hawak na overlord relic.

"Pagod ka na, matandang hukluban?" Mapang-asar niya itong nginisian na nagdulot upang lalo itong magwala at maglabas ng buong lakas nito. Doon na siya tuluyang napangiti dahil noong una pa lang na parating ito ay nakapagplano na siya kaagad.

"Pit of the Night Overlord:  Self-Annihilation! Activate!"

Pagka-activate niya ng trap na inilatag niya ay mabilis itong umepekto, at ngayon ay nagtatatarang na ang matandang Lerance habang unti-unti siyang pinapatay ng sarili niyang lakas. Ngunit nagsimula ring umubo na may kasamang dugo si Raziel habang ang paningin ay unti-unting umiikot. Tumagal pa ng ilang segundo bago tuluyang mawalan ng malay si Raziel dahilan upang ma-deactivate ang trap, ngunit sapat na iyon para magkalasog-lasog ang matandang Lerance.

Alam niyang delikado ang spell na ginamit niya dahil kahit malakas ito ay kapiraso ng buhay naman niya ang kabayaran. Hindi niya rin hawak kung gaano karami ang parte ng lifespan niya ang maibabawas sa kanya ng overlord relic niya, lalo't naka-depende iyon sa lakas ng taong hinuli niya sa trap.

"Dorseroph, ipunin mo ang mga ulo. Ako na ang bahalang tumingin kay Raziel." Sumunod naman sa kanya si Dorseroph na hindi pa masyadong nakaka-recover mula sa mga natamo nitong sugat kanina. Muntik pa nga itong matuluyan dahil gustong-gusto na talaga siyang patayin ng mga Lerance, ngunit mabuti na lang ay napansin agad iyon ni Raziel.

Nabalot ng katahimikan ang buong bayan habang ang niyebe na nagmula sa matandang Lerance ay unti-unting natutunaw, dahilan upang muling matanaw ang natabunang mga katawan sa loob ng bayan. Ang tanging maririnig sa paligid ay ang mga hayop at ang ingay na dulot ng ginagawang pagkuha ni Dorseroph ng mga ulo.

Inuna ni Dorseroph ang mga ulo sa labas dahil hindi umabot doon ang niyebe, at nang masigurado niyang nakuha na ang lahat ng mga nasa labas ay inumpisahan niya na ang mga nasa loob. Sakto rin naman na tuluyang natunaw ang niyebe kaya hindi na siya mahihirapang maghanap pa ng mga ulo.

"Ikaw muna rito, titignan ko kung may mga nabuhay pa at kung may lagusan pa silang pwedeng pagtaguan." Sumang-ayon naman si Dorseroph sa sinabi ni Deseros kahit kakatapos niya lang magpulot ng mga ulo.

Sa totoo lang ay wala naman talaga siyang galit sa Magus Kingdom, ngunit malaki ang utang na loob niya sa reyna kaya pumayag siya sa mga inuutos nito sa kanya. Kung hindi dahil sa reyna ay matagal na siyang namatay sa kamay ng mga ka-uri niya. Nagkaroon din ng matinding gulo sa pinagmulan niya, at isa siya sa mga sumubok ipaglaban ang tama ngunit nabigo at pinahanap upang patayin. Mula sa mga bagay na iyon ay naisip niya na kailangan niyang tumulong sa reyna na sumagip sa kanya mula sa mga gustong pumatay sa kanya.

Ito na lang din ang naisip niyang paraan upang kahit paano ay makatulong siyang pumuksa ng kasamaan. Minsan na siyang nabigo kaya handa siyang gawin ang lahat upang magtagumpay ang reyna. Noong nasa kuweba ay inakala niya pang niloko lang siya ng reyna dahil sa pagkamatay ng anak niya, lalo't matagal na siyang itinago roon para hindi siya mahanap ng mga ka-uri niya.

Kalaunan ay nalaman niyang kasama pala iyon sa naging pagbabago sa plano upang tuluyan siyang magising mula sa seal na ginawa sa kanya. Isang plano na siniguradong hindi maiintindihan o matutunugan ng mga Lerance.

Nalaman niyang nakadirekta ang boses ng reyna sa isip ng kanyang anak na si Diregonus, at nang matunugan ng reyna na malapit na itong mamatay ay sinabihan ito na magpanggap na niloko at tinraydor. Sa ganoong paraan ay magigising ang diwa niya dahil iyon ang rason kung bakit siya sumama sa paglaban sa kaharian nila.

Ipinaliwanag rin sa kanya na ang unang plano ng reyna ay palakasin ang kanyang anak upang makatulong sa pagwasak ng kasamaan sa Magus Kingdom. Itinago kasi siya roon upang hindi siya matunton ng mga ka-uri niya, ngunit noong araw na iyon ay kinailangan na siyang pakawalan, lalo nang malaman ng reyna mula kay Dos na ang binatang nakatapat niya noon ay may kakayanang pigilin ang mga plano nila.

Hanggang sa ngayon na maraming naging pagbabago sa plano, at ang dating gustong supilin ng reyna ay gusto na nitong sumali sa kanilang pangkat. Mas maraming nakakaalam ng kasamaan, mas marami silang makakatulong upang ito ay wakasan.

"Bumalik na tayo, tapos na ang misyon natin." Saad ni Deseros habang naglalakad pabalik sa pwesto ni Raziel at Dorseroph. Buong lakas na inakay niya ang dalawa at tuluyang nilisan ang bayan na kanina lang ay nagsasaya, ngunit ngayon ay mga bangkay na walang ulo na lang ang matatanaw.

Spectral MagusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon