Vol. 5: Ch. 73

72 13 0
                                    

The Revolution! (2)

...

[3rd POV]

"Galing sila sa iisang bayan, 'di ba?"

"Oo nga, paanong hindi niya kilala 'yon?"

Usapan ng dalawang lalaki nang hatakin ni Mayor si Zenith, at hindi iyon nakatakas sa pandinig ni Steno, dahilan upang tila kidlat na nakalapit ito sa dalawa. Mala-demonyo itong ngumiti bago ikinilos ang kamay na may hawak ng sandata para patayin ang dalawa.

"Ako ang kalaban mo, hangal!" Malakas na tumawa si Cuatro nang mapaatras si Steno dahil sa ginawa niyang pag-counterattack dito. Nagkagulo naman ang mga tao sa paligid dahil sa gulat sa mga nangyayari, at tila mga bato na ang dalawang lalaki na muntik mapatay ni Steno. Bakas ang takot sa kanilang mga mata, at mabilis silang tumakbo palayo nang malakas silang itinulak ni Cuatro nang salagin nito ang sumunod na tira ni Steno.

"May idudumi pa ba ang palasyo? Ayaw na ayaw niyong may makatuklas ng dumi? Mga impostor!" Pang-aasar ni Cuatro habang sinasalag ang bawat tira na ginagawa ni Steno. Nagsimula na ring maglayuan ang mga tao dahil sa takot at kaba na baka madamay sila sa nangyayaring laban. Ang iba ay sinisigaw na ang kanilang pag-aalsa laban sa palasyo dahil sa ginawa ni Steno na pag-atake sa dalawang lalaki na may punto naman ang sinasabi.

Iilan sa mga nag-aalsa ay ang mga nakasaksi na magkasama ang grupo nila Zenith habang nag-aaral pa lang sila sa Academy, at ang iba ay ang nakakita na magkasama ang dalawa papunta sa dragon cave expedition.

"Mga wala kayong utang na loob!!! Rosia!!!" Galit na galit na sigaw ni Dazazel, at mabilis namang tumango si Rosia sa tawag ni Dazazel. Tila bula itong naglaho at ilang segundo lang ang lumipas ay bumaha ng dugo sa harap ng entablado, at ang mga taong tumutuligsa sa palasyo ay tila mga laruan na nagkalasog-lasog ang mga katawan.

Napuno ng sigawan at iyakan ang paligid, at ang iba ay nagsimulang mabilis na tumakbo palayo. Sa bilis ng mga pangyayari ay natigilan na lang si Zenith habang naaamoy ang dugo na ngayon ay umaagos papunta sa pwesto nila ni Mayor.

"Ako na ang bahala rito, Mayor. Asikasuhin niyo ang mga tao na gustong lumaban sa palasyo." Mabilis ibinalik ni Zenith ang libro na tungkol sa sikretong armas ng palasyo, at wala ring pinalipas na oras si Mayor at agad nitong itinago ang libro sa spatial amulet niya.

"Mag-iingat ka, ako na rin ang titingin sa sitwasyon ni Diane." Nagtanguan lang sila at mabilis na gumalaw si Mayor para alalayan ang mga taong tumatakbo palayo mula sa palasyo. Agad ding tumakbo si Zenith patungo kay Rosia na ngayon ay may hinahabol na babae.

"Rosia." Tawag ni Zenith sa pangalan nito, at marahas naman itong lumingon na tila ba nagmamadali at naabala ito sa ginagawa nitong misyon.

"Sino ka? Bakit mo ako kilala?" Walang emosyon ang mga mata nito habang nakatingin kay Zenith, at nang hindi agad nakasagot si Zenith ay mabilis itong gumalaw at umatake kay Zenith.

"Ako 'to, si Zenith." Pagpapakilala niya nang masalag niya ang atakeng ginawa ni Rosia, at mabilis siyang tumalon paatras nang maramdaman niya ang pagkibot ng mga paa ni Rosia, tanda na muli itong aatake.

"Hindi kita kilala!" Galit nitong sigaw nang hindi tumama ang pahalang nitong tira sa bandang dibdib ni Zenith dahil nakaatras agad ito. Nagpatuloy ang pag-atake ni Rosia habang si Zenith ay paulit-ulit na pinapaalala kay Rosia kung sino siya habang umiilag at sinasalag ang mga atake.

"Anong problema, bata? Hanggang ganyan lang ang kaya mo? Ni-hindi ko man lang kinailangan ang katana ko para salagin ang atake mo!" Patuloy na pang-aasar naman ni Cuatro habang iniilagan si Steno na tila ba nakikipaglaro lang siya rito.

"Lalala! May kalaro akong bata! Lalala!" Wala sa tonong kanta ni Cuatro at sinundan niyo ito ng isang malakas na halakhak, dahilan upang tuluyang mabalot ng inis si Steno. Bakas din ang inis sa mukha ni Dazazel habang pinapanood kung paano laruin ni Cuatro si Steno sa laban.

"Selth, ibigay mo ang buong lakas ng armas ni Steno. Idamay mo na rin si Rosia." Utos nito sa isang tauhan na mabilis nagtungo sa loob ng palasyo, dahilan upang gumuhit ang mala-demonyong ngiti sa kanyang labi.

...

"Master, nagsisimula na po ngayon ang rebolusyon. Napapalaban po ngayon si Cuatro sa binatang tingin ko ay kaibigan nung Zenith 'ata 'yon. Ngunit ang nakakagulat ay tila ba hindi niya kilala ang kaibigan niya, at sa palagay ko ay dahil iyon sa armas na kapit niya ngayon." Balita ni Tres na siyang nagpangiti sa reyna.

"Madumi talaga maglaro ang palasyo. Kahit ang binatang wala pang masyadong alam ay binilog at ginagamit nila ngayon. Wala tayong magagawa, tulungan mo si Cuatro na patayin ang binata."

"Sige po, Master." Mabilis nitong tinapos ang koneksyon ng communication scroll, dahilan para mapunta na ang atensyon ng reyna sa tatlong miyembro ng Banshee Council na nasa harap niya.

"Dorseroph, Raziel, at Deseros. Pumasok na kayong tatlo sa eksena, at kapag nagsimulang lumaban ang pinuno ng palasyo, pailawin niyo agad ang singsing." Tumango agad ang tatlong tinawag at tila bulang naglaho sa lugar.

"Dos, anong balita kay Uno?"

"Ang huling mensahe na natanggap sa kanya ay kumikilos na rin siya para pakawalan ang halimaw na nakatago sa forbidden chamber." Napatango-tango ang reyna sa narinig at mas lalong lumawak ang ngiti na nakaguhit sa kanyang labi.

"Kung ganoon ay ang misteryosong lalaki na lang pala ang hindi natin alam kung nasusunod ang plano na siya ang may gawa."

...

"Cuatro!" Mabilis gumawa si Tres ng portal para masalo si Cuatro at dalhin ito sa isang portal na mas malayo kay Steno. Bakas ang gulat sa mata nito nang biglang bumilis at lumakas si Steno ng sampung beses.

"Rosia, ako 'to!" Muling sigaw naman ni Zenith ngunit nanlaki ang mga mata niya sa biglaang paglakas at pagbilis nito, dahilan upang masaksak siya nito sa bandang tiyan. Mabilis siyang lumayo habang hawak ang tiyan niya na tila ba nabutas sa ginawang pagsasak ni Rosia.

"Wolf's Howl! Mirror Realm: Enchant!" Alertong pag-cast niya, at kung nahuli siya ng pag-ilag ay paniguradong mapupugot ang ulo niya sa sumunod na atake ni Rosia.

"Hidden power, release!" Halos sabay na pagsigaw ni Zenith at Cuatro, dahilan upang yumanig ang paligid at ang nagwawalang killing intent nila ay naramdaman ng mga taong lumilikas na sa Magus City. Natigilan din si Mayor Silvanya na malapit sa pinangyayarihan ng laban, at ang ikinatakot niya ay ang killing intent na inilalabas ni Cuatro na hindi pamilyar sa kanya. Hindi tulad ng nakita niya kay Zenith ay tila ba walang sinasanto at kinikilala ang killing intent nito... na tila ba nagsusumigaw ito na papatayin niya ang sino mang hahadlang sa kanya.

Spectral MagusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon