Vol. 3: Ch. 38

122 24 1
                                    

Banshee in the Dark

...

[3rd POV]

Habang abala ang magkakaibigan sa pag-uusap, at ang mga babae naman ay nagpapahinga, lingid sa kaalaman nila na may nilalang na umaaligid sa kanila. Sa dilim ay tahimik silang nagmamasid at tinitignan ang pwesto ng mga nagbabantay sa grupo.

Nakasuot sila ng itim at hapit na damit, habang ang itaas na kalahati ng mukha ay may takip na maskara, dahilan para makita pa rin ang mga labi nila na may tila demonyong ngiti. Sa likod nila ay may armas na nakasukbit na kakaiba ang itsura at sumisigaw ng kakaibang killing intent.

"Nakita ko na ang isa." Pabulong nitong sabi sa isang communication scroll, at agad naman sumagot ang kausap niya na nakita rin nito ang isa pa.

"Simulan na natin." Mala-demonyo itong ngumiti at mabilis na naglabas ng killing intent na ang target ay ang grupo nila Zenith, ngunit ang nilalandas nito ay patungo sa mga bantay.

Agad naalarma ang dalawang bantay sa naramdaman nilang killing intent, at mabilis silang kumilos patungo sa pinakamalapit na killing intent sa kanila. Pareho nilang ramdam ang dalawang magkaibang pinagmumulan ng killing intent, at dahil sinanay sila sa ganitong sitwasyon ay alam na nila ang dapat nilang gawin. Hindi na nila kinailangan pang pag-usapan pa kung sino ang dapat hahabulin ng isa't isa.

Malaki naman ang ngiti sa labi ng dalawang lalaki sa itim na damit nang nasusunod ang plano nilang habulin ng mga bantay. Tulad nang napag-usapan nila ay sadya silang tumakbo sa magkahiwalay na daan, at kapag sapat na ang layo nila't hindi na malalaman ng grupo nila Zenith ay magsasama na sila. Sa ganoong paraan ay hindi malalaman nila Zenith na wala na ang mga bantay nila.

"Mabagal." Malakas na tumawa ang isang lalaki na may armas na kahugis ng numerong walo, at dahil doon ay naging mas mabilis pa ang paghabol sa kanya ng isa sa mga bantay ni Zenith. Muling gumuhit ang mala-demonyong ngiti sa labi niya nang maramdaman na bumilis ang humahabol sa kanya, at dahil doon ay mas binilisan niya pa ang pagtakbo na sinamahan niya na rin ng blink spell na hindi na kailangang gumamit ng spell scroll.

Nang mapansin ng bantay nila Zenith na gumagamit ito ng blink spell ay agad siyang naglabas ng blink spell scroll upang makahabol sa lalaking nakaitim. Lingid sa kaalaman niya na ibang antas na ang lakas nito dahil sadyang tinatago ng lalaki ang lakas nito, at kapirasong soul force lamang ang nakikita niya rito. Ang tanging basehan niya upang habulin ito ay ang kakaiba at marahas na killing intent na idinirekta nito sa grupo nila Zenith.

Halos kalahating oras din silang naghahabulan, at ngayon ay tinatahak na nila ang daan na salungat sa dadaanan patungo sa dragon tower. Sobrang layo na ng narating nila bago tuluyang natunugan ng dalawang bantay na kakaiba ang pinaplano ng dalawang lalaki, at tila ba ngayon lang sila natauhan sa ginawa nilang paghabol na para bang ginamitan sila ng spell upang mawala sa tamang pag-iisip.

Mabilis silang lumapit sa isa't isa nang maramdaman na hindi kalayuan ang distansya nila, at akmang tatakbo sila pabalik nang harangan sila ng lalaking may hawak ngayong armas na isang latigong gawa sa dugtong-dugtong na piraso ng matatalas na bakal.

Ngayon lang nila tuluyang nalaman ang lakas nito nang magwala ang kanina pang tinatago nitong soul force, at wala silang ibang maisip kung hindi tumakbo papunta sa ibang daan, ngunit muli silang hinarangan ng lalaking may armas na ang hugis ay ang numerong walo.

Mas malakas ang nilalabas nitong soul force kaya napilitan silang gumamit ng higher blink spell scroll, ngunit nang gamitin nila ito ay hindi sila nakalayo sa dalawang lalaking nakaitim. Tila ba may anti-blink field na nakalagay sa paligid.

"Sino kayo?" Halos sabay nilang tanong, dahilan upang mapangisi ang dalawa at tanggalin ang suot nilang maskara.

"Dapat niyong tandaan ang mga matang ito hanggang sa kabilang buhay." Mabilis nabalot ang dalawang bantay ng takot nang mabilis na naging dilaw ang kulay ng mga mata ng mga lalaking nakaitim, at tila ba dinadala sila nito sa dimensyon na tanging takot lamang ang nararamdaman nila.

"Tandaan mo ang pangalan ng taong papatay sa'yo. Seteroth, ika-pitong miyembro ng Banshee Council." Pakilala ng lalaki na may hawak na latigong bakal.

"Deseros, ika-limang miyembro ng Banshee Council." Sunod na pakilala ng isa pang lalaki, at mabilis nitong hinugot ang armas na kasing-laki ng tao na kapit niya gamit lang ang isang kamay.

"Nakakatamad kung papatayin ko agad kayo. Mas maganda kung may thrill, at alam kong hindi kayo nagpapakamatay para lang makatakas sa laban. Hmm..." Saglit itong tumingin sa kawalan bago hinagis pataas ang armas niya na agad nahati sa tatlong parte. Ang handle ay bumagsak ulit sa kamay niya, habang ang katawan ng armas na kahugis ng numerong walo ay nahati sa dalawang bilog. Nang bumagsak patayo ang dalawang bilog sa lupa ay mabilis itong umikot, at halos hindi na ito makita ng mga mata sa sobrang bilis ng pag-ikot nito sa paligid nila.

"Bibigyan ko kayo ng pagkakataon na mabuhay ngunit depende iyon sa bilis at lakas ninyo. Una, talunin niyo ako, at ang pangalawa ay makatakbo kayo palayo sa area na sakop ng armas ko. Magandang usapan, 'di ba?" Nakangiting sabi nito, dahilan upang magkatinginan ang dalawang bantay at sabay na sumang-ayon.

Ang tanging nasa isip nila ngayon ay makatakas at iligtas ang grupo nila Zenith papalayo sa lugar. Kailangan din nilang ma-report ang nangyayari ngayon, pati ang kalaban na nakaharap nila.

Saglit silang nagbulungan, at nakangiti lang si Deseros habang pinapanood ang dalawa na mag-isip kung paano sila makakaalis ng buhay. Si Seteroth naman ay tamad na naupo sa sahig habang pinapanood ang mga pakulo ni Deseros.

"H'wag na kayong mag-isip dahil hindi naman talaga kayo makakatakas." Tamad at naiinip na sabi ni Seteroth, dahilan upang magtanguan ang dalawa.

Mabilis na naglakad ang isa at buong pwersang tumalon upang makatakas. Ngunit nang makarating siya sa distansyang abot ng armas ni Deseros ay mabilis siyang nilapitan nito, at sa isang kisapmata lang ay nagkahati-hati ang katawan nito, dahilan upang umulan ng dugo at laman-loob nito papunta sa mukha ng isa pa na susunod na rin dapat ngunit natigilan sa nasaksihan.

"Oops." Malakas na tumawa si Deseros na ikinagalit ng natirang bantay nila Zenith, at wala na sa tamang pag-iisip itong naglabas ng buong lakas. Galit itong sumugod papalapit kay Deseros ngunit hindi pa siya nakakalapit ay mabilis na nagtungo ang armas ni Deseros papunta rito, dahilan upang magkahati-hati rin ang katawan nito.

"Ito na ang bantay? Mababagal na platinum ranked? Basura!" Umiiling-iling na sabi ni Deseros habang si Seteroth naman ay napabuga na lang ng hangin.

"Burn." Simpleng sabi ni Seteroth, dahilan upang mabilis na magliyab ang nagkahati-hating katawan ng mga bantay nila Zenith, at ilang segundo lang ang lumipas ay tuluyan itong naglahong parang bula. Walang naiwan kahit abo man lang.

"Tapos na, Master." Report ni Seteroth sa Master nila gamit ang communication scroll, at agad silang umalis sa lugar na para bang walang nangyari.

Spectral MagusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon