First Day of Class (1)
...
[Zenith's POV]
Kasalukuyan na akong nag-aayos ng mga gamit ko sa kwarto. Halos kakatapos lang din ibigay sa lahat ang mga assigned rooms, at magkakadikit ang kwarto ng mga parehas ang pinanggalingan na pamilya. Ang mga royalty at higher nobility naman ay may kakayahang mamili kung saan nila gustong mag-occupy.
Mahalaga talaga rito ang antas ng pamumuhay, at kahit sinasabing pare-pareho lang ang treatment sa lahat, halata naman ang pagkakaiba kung paano nila asikasuhin ang mas mayayaman na pamilya. Hindi na rin ako mapakali dahil naalala ko ang sinabi ni Master noon sa akin.
"Kahit gaano kaganda tignan sa labas ang isang maganda at mayamang siyudad, hinding-hindi mawawala ang korapsyon at masasamang intensyon. Magugulat ka na lang isang araw, ang dating kaibigan ay nagtatraydor na pala."
Tanda ko pa kung paano tinignan ni Master noon ang kalangitan habang nagpapahinga ako sa pagsasanay. Tila ba nagmula siya sa lugar na masalimuot, at nagdulot 'yon upang mawalan siya ng tiwala sa mga mayayamang pamilya.
"Ang mga mayayaman ay maraming malalakas na miyembro, at sa tingin mo, sino ba ang may kakayahang sumira ng katahimikan ng mapayapang lugar?"
"Hindi naman talaga ang mahihirap ang problema, silang mga nasa taas ang mas malaking dahilan para masira ang kapayapaan. Nasa kanila ang malalakas na miyembro, at nasa kanila ang sapat na mga gamit para magrebelde."
Sa pagbabalik-tanaw ko sa mga sinabi ni Master ay naalala ko kung paano ako kamuhian ng mga royalty nang malaman ang soul stone ko. Tanging sila Rosia, Letizia, at Arthur lang ang hindi ako kinamuhian. Ngunit hindi ko rin masabi, baka pinaglalaruan lang pala nila ako at nadamay ko pa si Steno.
Inabala ko na lang ulit ang sarili ko sa pag-aayos ng mga gamit kaysa isipin ang mga bagay na 'yon. Mahirap nga lang tanggalin sa isip ko dahil alam kong hindi marunong magsinungaling si Master sa mga seryosong bagay. Sa lugar kung saan magkakasama ang mahihirap at mayayaman, tanging ang mga nasa ibaba lamang ang napaglalaruan.
Bukod pa sa mga bagay na 'yon ay problema rin ang mga demon ghouls na paminsang umaatake sa bawat bayan, at hindi malabong pati sa Magus City ay magkaroon ng malakihang demon ghoul invasion. Mas malalakas ang mga miyembro, mas malalakas ang susugod. Iyon ang sinabi ni Master na istratehiya ng mga demon ghouls.
"Ang pagsasanib ng mga magus at demon ghouls ang pinakamalaking problema na mangyayari. May mga taong kayang gawin 'yon para makamit ang gusto nilang kapangyarihan."
Napalingon ako kay Zealestia na ngayon ay nakaupo na sa kama ko. Nagtataka ko siyang tinignan dahil malabo para sa akin na mangyari 'yon. Ang alam ko lang ay palaging magkaaway ang mga magus at demon ghouls, malabong magkaroon sila ng alyansa.
"Nakita mo naman kung gaano kalakas ang desolation fang, at alam mo na mas magaling mag-isip ang mga tao kaysa sa demon ghouls. Mas matalino ang isang grupo, mas nakakapag-isip sila ng masasama at sakim na bagay."
"Parang malabo namang mangyari 'yon, Zealestia."
"Isa 'yan sa mga kinakatakutan na mangyari, at lahat ay may posibilidad kahit sabihin mong 0.00001% lang 'yan. Ang sobrang liit na posibilidad ay matuturing pa rin na posibilidad."
"Paano mo nasasabi ang mga 'to?"
"Basta alam ko lang." Kibit-balikat niya at nginitian lang ako. Napabuga na lang ako ng hangin at tinapos na ang pag-aayos ng mga gamit. Ang sabi sa amin ay may isang taon daw kaming maninirahan dito, at kailangan na naming maghanap ng mauupahan sa susunod na taon. Ang rason na sinabi ay may mga panibagong magus ulit sa susunod na taon.
Pwede naman daw kaming bumalik sa kanya-kanyang bayan namin, at kung gusto pa naming magpalakas gamit ang mga techniques dito sa Magus City, kailangan naming maghahanap ng mauupahan. Marami naman daw kaming pagpipilian kung gugustuhin naming mag-stay rito sa Magus City.
"May tanong lang ako, paano mo nakakausap ang demon ghoul ng desolation fang?"
"Ang totoong pangalan niya ay Zecarias, isa sa mga namumuno ng uri nila. Isa siya sa mga may kakayahang maging tao, at dahil sa kakayahan na 'yon ay sinimulan silang tugisin ng mga Spiritual Lords. Sa mga nakita ko sa memory fragments niya, panahon na iyon na kokoranahan na siyang hari ng uri nila ngunit sinalakay sila ng mga Spiritual Lords. Kasama na roon ang mga malalakas na magus, at ang nakapatay kay Zecarias ay isang spectral attribute. Kaya ganoon na lang din ang koneksyon niya sa'yo dahil natalo siya ng spectral attribute, nangako siyang pagsisilbihan niya ang mga spectral attributes na makakakuha ng soul relic niya."
Sa sinabi ni Zealestia ay napagtanto ko na maaari ngang magkasundo ang mga demon ghouls at magus. Kung sino ang mas malakas, siya ang masusunod.
"Marami pala talagang masasalimuot na katotohanan sa reyalidad." Pagod kong sabi at pabagsak na humiga sa kama. Umurong naman si Zealestia para bigyan ako ng mas malaking espasyo.
"Sino pala 'yong nagustuhan mong babae? Nagulat ako kanina sa biglang pumasok sa memory core mo eh, naapektuhan 'yong soul core mo kung saan ako namamalagi. Hindi ko naman inasahan na iisipin mo ang ganoong bagay." Siguradong namumutla na ako ngayon dahil sa sinabi ni Zealestia.
Nakita niya pala ang pagpapantasya ko sa binibining 'yon, at hindi ko rin naman talaga mapigilan ang sarili ko. Mabuti nga't naaabala ko ang sarili ko kaya nalilimutan ko ang mukha niya.
"H'wag mo na ulit titignan ang isip ko." Pagalit kong utos habang hiyang-hiya akong tignan siya ngayon.
"Hindi ko naman sinadya 'yon, masyadong matindi lang ang imahinasyon mo na kusang nagpakita sa isip ko. Ipapaalala ko lang sa'yo na magkakonekta ang isip natin, at ano mang matinding hangad mo ay makikita ko rin."
"Paano kapag ginawa talaga namin sa personal 'yon?"
"As if naman na gagawin niyo talaga ang 'bagay' na 'yon. Ni-hindi mo nga alam ang totoong pangalan ng magandang binibini na 'yon, at base sa nakita ko sa imahinasyon mo, mataas na royalty pa siya. Tungkol sa concern mo, pwede ko namang itigil ang koneksyon ng isip natin kapag may sexual activities ka. Ayoko rin namang makakita ng ganoon."
Nakahinga naman ako ng maluwag sa huling sinabi niya pero hindi ko pa rin maiwasang mahiya. Nakita niya ako na nagnanasa sa binibini na 'yon, at paniguradong nakatatak sa isip niya na hindi ako inosente pagdating sa ganoong bagay. Wala namang masama pero nasira ang conservative man na status ko dahil doon.
"Sige na, magpapahinga muna ako. Maaga pa ang simula ng klase bukas, mahirap ma-late sa first day of class dahil magiging impresyon sa akin ng guro na late ako pumasok." Paalam ko at agad nagtakip ng unan sa mukha. Hindi ko makayang makita ni Zealestia ang mukha ko, at hindi ko malilimutan kung ano ang mga nakita niya sa imahinasyon ko.
...
"Sana kasama natin sa klase sila Rosia para may kaibigan na tayo." Bungad ni Steno nang magkita na kami sa hallway. Papasok na kami ngayon sa binigay sa aming classroom.
"Asa ka pa, para namang makakasama natin ang mga royalty at high nobles sa iisang klase. Siguradong hindi sila papayagan ng mga magulang nila."
"Wala naman masamang mangarap."
"Gusto mo lang makatabi ulit si Rosia eh. Pasimpleng dikit ka rin sa kanya." Pang-aasar ko na nagpalukot sa mukha niya. Malakas akong natawa sa naging reaksyon niya, akala niya naman ay hindi ko mahahalata 'yong pagdikit-dikit niya kahapon.
"H'wag ka maingay kay Rosia ha, hindi ko naman siya babastusin. Grabe lang talaga 'yung saya ko kapag nadidikit 'yong braso ko sa braso niya." Nagniningning ang mga mata niya habang sinasabi 'yon dahilan para mapailing-iling na lang ako. Well, gusto ko rin namang maranasan 'yon kay binibining high royalty.
"Tara na, baka ma-late pa tayo." Nauna na akong lumakad kay Steno na mukhang inaalala pa ang mga kaganapan kahapon. Tama pala na may babae kang makikilala na hindi mo makakalimutan, at nakita ko na ang para sa akin.
BINABASA MO ANG
Spectral Magus
FantasyBook 1 of Spectral Magus | Complete ... Isang binata na siyang magiging manliligtas. Isang lalaking nagmula sa hinaharap upang tulungang lumakas ang batang bersyon niya. Ang mga trahedyang hindi mapipigilang mangyari. Ang mga taong gustong supilin a...