Zenith vs Blizzard Dragon (2): Strength Alone is NOT Enough, Experience is a MUST
...
[3rd POV]
Nang umabot ang black diamond field sa pwesto ni Dorseroph ay unti-unting nagbabago ang anyo niya dahil sa batas na mayroon sa Empire of Demonic Mirror. Walang makakagamit ng mahika maliban sa caster, walang makakagamit ng transformation maliban sa caster, at ang sinumang itinuturing na kalaban ng caster ay hihina kapag nasa loob ng black diamond field. Isa ito sa mga sikreto at ipinagbabawal na ultimate spell ng mga creators, lalo na't mula ito sa ipinagbabawal na pagmamahalan ng isang creator at isang overlord demon ghoul.
"Pagmamay-ari mo pala ngayon ang isa sa pinagbabawal na spell ng mga creators. Nakakamangha, at gusto kong makita kung hanggang saan ang kakayanin mo." Mala-demonyong ngumiti si Dorseroph habang unti-unting naglalakad papalapit kay Zenith. Inabot niya ang kanyang buntot na tulad ng kay Diregonus ngunit ito ay pinaghalong puti at asul. Isang malakas na paghatak ay nabunot ang buntot niya, at nang hawakan niya na tila ba isang espada ay unti-unting nagbago ang anyo nito. Naging manipis ang katawan nito at unti-unting humahaba, habang ang matulis na dulo ng buntot ay unti-unting humuhulma tulad ng isang espada.
Sa nakita ni Zenith ay agad niyang kinuha ang katana gamit ang kanang kamay, habang ang kaliwa naman ay ginamit niya upang i-summon ang desolation dagger.
"Dance of the Sword God: Dual-wield form! Unleash!"
"Roar and cut through, Keselon!"
Sabay nilang sigaw kung saan sabay ring rumagasa ang kakaibang lakas sa dalawa, dahilan upang gumawa ng isang malakas na tunog, at nang magtama ang mga soul force nila ay nag-umpisa rin itong sumabog. Mabilis na nilagyan ni Zenith ng black diamond coating ang katana, at ang ipinagtataka niya ngayon ay ang malakas na hangin na nakapalibot sa katana at sa desolation dagger.
"Diane." Simpleng sabi ni Zealestia habang nagpapahinga sa soul core ni Zenith, at agad niya namang napagtanto kung saan nagmumula ang hangin na iyon. Muli niyang ibinalik ang pokus kay Dorseroph ngunit nang tignan niya ito ay mabilis itong nawala, at kung hindi dahil sa heightened instincts niya ngayon ay hindi niya masasalag ang malakas na tira ni Dorseroph mula sa kanan, dahilan upang malakas siyang mapaatras. Ngunit sa sobrang lakas nito ay kinailangan niya pang gamitin ang katana upang isaksak sa field para mapigil ang patuloy niya pa ring pag-atras.
"Masyado kang kampante sa mabilis na paglakas mo!" Gulat na napalingon si Zenith sa likuran niya ngunit huli na ang lahat dahil malakas siyang nasipa ni Dorseroph sa likod, dahilan upang tumalsik siya pataas sa ere. Malakas siyang napaubo na may kasamang dugo, at halos maputol ang hininga niya sa lakas ng sipa nito. Ngunit hindi pa siya nakaka-recover sa nangyari at nasa ere pa rin siya ay mabilis na sumulpot si Dorseroph sa ibabaw niya, at kung hindi paharap sa langit ang pagtalsik niya sa ere ay hindi niya makikita ang pag-atake nito gamit ang Keselon.
Kung nahuli siya ng pagsalag roon ay sigurado siyang hati ang katawan niya dahil kahit nasalag niya ay naramdaman niya pa rin ang malakas na pwersa ng pag-atake nito sa katawan niya, dahilan upang bumulwak ang dugo mula sa bibig niya. Nang bumagsak siya sa lupa ay gumawa ito ng malakas na ingay, at hindi niya na maipaliwanag pa kung gaano kasakit ang naging pagbagsak niya, dahilan upang maramdaman niya rin ang pagtunog ng mga buto niya. Lumabas na rin ang mga sugat sa buong katawan niya, at nagkasira-sira na rin ang suot niyang damit, pati na rin ang black diamond sa mga kamay at paa niya. Ang katana na ginamit niyang pansalag ay nabasag na rin sa lakas ng impact ng hampas ni Dorseroph.
"Akala mo ba'y nadadaan sa bilis ng paglakas ang totoong laban? Pwes, nagkakamali ka!" Mapang-asar pang ngumiti si Dorseroph bago biglang sumulpot sa tabi ng katawan ni Zenith, at malakas na ibinagsak ang kanang paa nito sa tiyan nito. Nang dahil doon ay mas madaming dugo pa ang lumabas mula sa bibig ni Zenith, at dinig din ang muling pagtunog ng mga buto ni Zenith mula sa pagbagsak ng paa ni Dorseroph sa tiyan nito.
"Ano nga ulit ang pangalan mo?" Mapang-asar itong ngumiti at inilapit ang tenga sa bibig ni Zenith, at nang hindi magsalita ang binata ay galit na galit niyang sinakal ito. Kahit gustong pumalag ni Zenith ay hindi niya magawa dahil kahit kapirasong paggalaw lang ng daliri ay hindi niya na magawa. Ramdam niya na ang matinding pamamanhid ngunit mas nangingibabaw ang tone-toneladang bigat ng sakit sa buong katawan niya.
"Sumagot ka!" Malakas at nagngangalit na sigaw nito sa tapat ng tenga ni Zenith habang ang kanang kamay nito ay mariin pa ring nakasakal sa leeg ng binata. Halos mabingi na si Zenith habang nagpupumilit makahinga, at nararamdaman niya na rin ang unti-unting pagbagsak ng mga mata niya.
Unti-unti na ring nawawala ang black diamond field kasabay ng paglaho ng black diamond coat sa mga kamay at paa niya. Ganoon din ang bilis nang pagbaba ng soul force niya, at pati ang buhay niya ay nalalapit na rin mawala... na kahit gusto niya pang lumaban ay hindi niya na magawa.
"Ang problema kasi sa mga katulad mo, nakaranas lang na lumakas ng mabilis ang soul force ay pinagmamalaki na agad ang lakas nila. Sa tingin mo ba ay madadala ng kaibigan at galit ang isang laban na malayo ang agwat ng lakas mo sa kalaban? Mga lapastangan at hangal! Mga ignorante sa mundo!" Galit na ipinamukha ni Dorseroph iyon sa kanya at mabilis na tinanggal ang pagkakasakal dito upang malakas na sampalin.
Mahina itong tumawa habang marahang tumatayo, at nang tuluyang makatayo ay tamad niyang binaliktad ang naginata. Ang talim nito ay nakatutok na ngayon sa lupa habang marahan niya itong inaangat sa ere, naghahanda na isaksak kay Zenith.
"May gusto ka pa bang sabihin?" Mala-demonyo itong ngumiti habang si Zenith ay unti-unti na ring napapapikit, hinihintay na lamang ang kanyang kamatayan. Ang huling nakita na lang ni Zenith ay ang isang malakas na apoy na tumama kay Dorseroph bago pa siya masaksak nito.
Hindi niya na alam kung ano ang mangyayari sa kanya, o kung buhay pa ba siya sa mga oras na ito. Kahit sila Zealestia ay hindi niya na makausap sa isip niya, at unti-unti na ring pumapatak ang luha mula sa mga mata niya habang lumalabas sa isip niya ang mga masasayang alaala niya kasama ang mga kaibigan niya.
At ang huling rumehistro sa utak niya ay ang mga sandaling pinagsaluhan nila ni Diane bago siya tuluyang lamunin ng kadiliman.
BINABASA MO ANG
Spectral Magus
FantasyBook 1 of Spectral Magus | Complete ... Isang binata na siyang magiging manliligtas. Isang lalaking nagmula sa hinaharap upang tulungang lumakas ang batang bersyon niya. Ang mga trahedyang hindi mapipigilang mangyari. Ang mga taong gustong supilin a...