An Unexpected Appearance
...
[3rd POV]
Naging mapayapa ang buong Magus Kingdom sa lumipas na pitong buwan mula nang mangyari ang massacre sa bayan ng Siltore, ngunit kahit ganoon ay hindi pumapalya ang pagbabantay sa bawat bayan lalo na sa Magus City. Malinis ang ginawang pag-massacre sa bayan ng Siltore kaya hindi sila maaaring magpabaya, at kahit anong oras ay maaaring umatake ulit ito. Hinanda na rin ni Mayor Silvanya ang mga sikretong panlaban ng Magus City kung sakaling pumasok ang mga kalaban sa Magus City, at nakausap na rin ang mga magus na nararapat gumamit ng mga ito.
Sa kabilang banda naman ay nasa pangangalaga ng mga Genome si Steno na ngayon ay hindi pa rin mawala-wala sa isipan ang imahe ng bayan niya matapos maganap ang pag-atake. Pinigilan na siyang pumunta nila Mayor at ng mga Genome ngunit nagpumilit siya, at ganoon na lang din katindi ang pagkawasak ng puso niya sa nasaksihan. Hindi niya alam kung nakita na ito ni Carlile, ngunit mas gugustuhin niyang hindi na lang makita ni Carlile ang mga nangyari.
Noong si Zenith pa lang ang nawawala ay grabe na ang nararamdaman niyang lungkot, ngayon ay hindi na ito matutumbasan ng kahit ano pang depinisyon dahil buong bayan niya na ang naglaho at hindi niya na makikita pang muli. Kahit pa inayos na ng mga Genome ang magiging kasal nila ni Rosia kapag nasa wastong edad na sila, hindi pa rin nito matabunan o malamangan ang nararamdaman niyang kalungkutan. Hindi rin maiwasang mag-alala ni Rosia dahil minsan ay hindi na kumakain si Steno, at kung hindi pa siya magpupumilit ay hindi na talaga ito kumain simula nang masaksihan nito ang nangyari sa sariling bayan.
Ang mansyon naman ni Mayor Silvanya ay abala dahil malapit nang manganak si Diane, at hinihintay na lang kung kailan ito lalabas. Ngunit kahit ganoon ay hindi pa rin makuhang maging masaya ni Diane dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita si Zenith. Minsan nga'y hinihiling niya na sana ay makamukha ni Zenith ang anak nila para kahit papaano'y maibsan ang nararamdaman niyang pangungulila kay Zenith.
Naiintindihan naman siya ng ama niya dahil iyon ang epekto ng pag-iisa ng isang taong may celestial body at ang taong pinili nitong maging kabiyak. Halos hindi na rin makatulog si Mayor dahil hindi niya na alam kung ano ang mga susunod pang mangyayari, at kasabay pa ito ng patuloy na pag-iimbestiga niya sa pamilya na pinaghihinalaan niyang nagtatraydor sa buong Magus Kingdom.
Ang pamilya naman ng mga Lerance at Mesero ay nagkaroon ng malaking sira dahil sa pagkamatay ni Arthur, at ang lahat ng sisi ay napupunta kay Letizia Mesero na hanggang ngayon ay binabangungot pa rin sa nasaksihang pagkamatay ni Arthur.
"Paano mo natitiis mabuhay ngayong namatay na ang anak ko dahil sa pagsunod sa'yo?" Iyan ang isa sa marami pang masasamang salita na natatanggap ni Letizia sa tuwing sumusugod ang mga Lerance sa lugar ng mga Mesero, at kapag nasa Magus City naman siya ay hindi rin siya nakakalusot sa mga nakakasalubong niyang mula sa pamilya ng Lerance. Hanggang sa ngayon ay nagkukulong na lang siya sa loob ng mansyon nila, at ngayon ay talagang hindi niya na makaya ang mabigat na emosyong paulit-ulit na sumisira sa kanya.
"Arthur, sasamahan na kita." Mapait siyang napangiti, at kinabukasan ay agad umugong ang pagkamatay ni Letizia Mesero. Nakarating ito sa mga kaibigan niya, at ngayon ay lalo pang bumigat ang mga dinadala nila. Pitong buwan naging tahimik ang buong Magus Kingdom ngunit dahil sa nangyari kay Letizia ay muling nagkaroon ng usap-usapan, at nagpatuloy ito sa pagkalat sa iba't ibang mga bayan.
Mas lalong naging matunog ang away sa pagitan ng mga Lerance at Mesero dahil sa nangyari, at hindi ito nakaiwas sa reyna ng Banshee Council.
"Seteroth." Tawag niya na may mala-demonyong ngiti sa ika-pitong miyembro ng Banshee Council, at isang kumpas lang ng kamay ay alam na nito ang dapat gawin.
Mabilis na nagtungo si Seteroth sa bayan ng Nukter na siyang pinakamalapit sa Willow Forest, ang isa sa mga bayan na tinigilan nila Zenith nang magtungo sila sa dragon cave. Isa ito sa mga bayan na malayo sa sentro ng Magus Kingdom kaya matagal bago umugong at makarating sa Magus City ang pag-atakeng gagawin nila rito.
"Kumusta ang mga preparasyon para sa Glory Cup?" Tanong ng reyna sa bagong tauhan na ipinadala kapalit ng lalaki na walang awa niyang pinaslang. Wala rin namang magawa ang pamilya na kasabwat niya dahil takot din sila sa maaaring gawin sa kanila.
"Naging abala ang buong Magus City para sa paghahanda sa maaaring pag-atake, ngunit kahit papaano'y inaayos pa rin nila ang nalalapit na patimpalak. Apat na buwan mula ngayon ay gaganapin na ang Glory Cup." Tumango-tango lamang ang reyna at sinenyasan na itong umalis. Agad naman nitong sinunod ang utos.
"Hindi na ako makapaghintay." Umugong ang malakas at mala-demonyong tawa ng reyna sa buong lugar kung saan nagtatago ang Banshee Council.
...
"Mukhang mahihina naman ang mga tao rito." Tamad na sabi ni Seteroth habang nakatago sa isang puno malapit sa bayan ng Nukter, at napailing-iling na lamang siya dahil kahit labag sa loob niyang makipaglaban sa mahihina ay wala siyang magagawa sa utos ng reyna. Suot ang itim na roba, maskara na ibabaw na hati ng mukha lamang ang natatakpan, at kapit ang latigong bakal sa kanang kamay ay mabilis siyang sumugod sa dalawang bantay na nahagip ng kanyang mga mata.
Ngunit nang malapit na siya sa dalawang bantay na ngayon ay gulat na gulat sa pagsugod niya, malakas siyang tumalsik at humampas ang katawan sa isang puno. Natulala rin ang mga bantay sa bilis ng pangyayari at pabagsak na napaupo sa lakas ng impact mula sa pagsipa ng isang misteryosong lalaki kay Seteroth. Nababalutan ang lalaki ng puting roba at ang mukha nito ay hindi maaninag dahil sa paraan ng pagkakasaklob ng tela sa ulo nito.
"Sinong hangal ang nagsabing pwede mo akong sipain?" Nanggagalaiting sabi ni Seteroth habang ang buong mukha niya'y unti-unting nakikita dahil sa pagkasira ng maskara niya dulot ng malakas na impact ng pagkakasipa sa kanya. Mabagal na umiling-iling ang misteryosong lalaki at dahan-dahang inalis ang telang nagtatago ng kanyang mukha, at laking-gulat na lamang ni Seteroth nang mamukhaan niya ang lalaki na minsan niya na ring nakita sa Willow Forest.
"Ikaw! Ikaw nga!"
BINABASA MO ANG
Spectral Magus
FantasyBook 1 of Spectral Magus | Complete ... Isang binata na siyang magiging manliligtas. Isang lalaking nagmula sa hinaharap upang tulungang lumakas ang batang bersyon niya. Ang mga trahedyang hindi mapipigilang mangyari. Ang mga taong gustong supilin a...