Vol. 5: Ch. 70

87 13 0
                                    

The Bait Succeeded

...

[3rd POV]

Habang abala ang mansyon ni Mayor Silvanya sa pagsilang ng anak ni Diane ay siya namang pagsimula ng kilos ng palasyo. Nakahanda na ang mga grupong isasakripisyo at ang mga grupong kunwari'y nakatakas.

"Handa na ba ang lahat?" Tanong ni pinunong Dazazel.

"Nakahanda na po ang mga bantay natin sa daan patungo sa bayan ng mga Siltore. Nakahanda na rin po ang dadaanan ng mga espiya na ipapadala natin. Sinigurado rin po namin na may mga tauhan tayong ipinadala roon kagabi na kunwari'y magbabantay, at hindi na nila iisiping magpapadala tayo dahil lantarang ipinakita ang pagdampot natin sa mga katawan ng pinatay nila."

"Sasang-ayon po ako sa report niya, at idadagdag ko lang po na pinarinig naming mabuti na dapat makarating dito sa palasyo na hindi tayo pwedeng magpadala ng mga tauhan. Malakas at maliwanag naming sinabi na mauubos lang ang pwersa natin kung patuloy tayong magpapadala ng bantay. Sinigurado naming masasabi namin na dapat mas maghanda tayo sa gagawin nilang pagsalakay."

Natutuwa namang tumango-tango si Dazazel, at bakas ang mala-demonyong ngiti sa labi niya na dulot ng narinig niyang report mula sa dalawang tauhan ng palasyo.

"Kung gano'n, kumilos na ang lahat!" Sinundan ito ng malalakas na halakhak na tila ba nanalo sila sa isang paligsahan.

...

Nagsimulang kumilos ang mga pangkat na isasakripisyo para mapalabas na naghihigpit sila sa mga gustong mag-alsa laban sa Magus City. Lumipas ang buong tanghali na maraming patay na katawan ang inuuwi sa Magus City, at pinangangalandakan sa mga tao na ganoon ang mangyayari sa sino mang gustong sumira sa kapayaan ng Magus City at ng buong Magus Kingdom.

Nang dahil din sa mga pangyayari ay walang nagawa si Mayor Silvanya kung hindi asikasuhin ang nangyayaring kaguluhan. Gusto niyang bantayan lang ang apo niya sa mansyon ngunit tinatawag siya ng kanyang tungkulin... isang madugong tungkulin.

"Alam naman nila na ganito ang mangyayari ngunit bakit nila ito ginawa? Hindi lang ba ako ang may ideya sa tinutukoy ng grupo nila ama?" Nagtatakang tanong ni Mayor Silvanya sa isip habang inaasikaso ang mga duguan na mamamayang gustong makisapi sa pag-aalsa.

"Nukter?" Mas lalong nabalot ng pagtataka si Mayor nang mamukhaan niya ang isa sa mga katawan, lalo't may mga hinala na siya sa pamilya ng mga Nukter, at imposibleng mag-alsa ang mga ito kung ang gusto nila'y mahuli ang tunay na traydor.

Mas lalo pang tumibay ang mga pagdududa niya nang may makita pa siyang iilan na katawan mula sa mga Nukter, at may isa pang opisyal na nahalo mula sa mga bagong dating na katawan. Noong una'y naghihinala pa lang siya sa pagsubok nitong pagtanggol sa mga Lerance, at tila ba nagulat pa si Seldo nang mangyari ang pag-ulan ng ulo ng mga Lerance noong isang araw.

Pinagmasdan niya ang reaksyon nito, at sigurado siyang may kakaibang koneksyon ang mga Nukter sa mga Lerance, lalo't tumulong si Seldo para maituro sa mga Tenseni ang sisi.

"Maaaring may koneksyon ang mga Nukter sa royal family, ngunit ano ang koneksyon ng mga nangyayari ngayon sa relasyon nila sa royal family? Bakit din hinayaang maubos ang mga Mesero sa pamamagitan ng mga Tenseni? Bakit sila mag-aalsa kung may koneksyon sila sa royal family?" Mga tanong na naglalaro sa isip ni Mayor Silvanya, at nang itagni niya rito ang mga nalaman niyang sikreto na sinulat ng kanyang ama ay may nabuo siyang sagot.

"Maaaring kasama ito sa mga plano ng palasyo, lalo't imposibleng may mag-alsa dahil lang sa isang sulat mula sa mga kilalang nagdudulot ng gulo. Isa lang ito sa mga kilos nila para maitago ang sikretong nalaman ni ama, at maaaring may kinalaman din ang sikreto na iyon sa mga Mesero." Desididong sagot niya sa mga sarili niyang katanungan habang tahimik na pinagmamasdan ang mga dinadalang katawan papunta sa harap ng palasyo.

...

"Dito kaya natin isusulat ang mga pinagmulan nating bayan?" Inosenteng tanong ng isa sa mga tauhan ng palasyo nang makarating sa bayan ng mga Siltore. Lumapit naman ang nagrerepresenta sa bayan ng mga Nukter, at nang makumpirma nito ang nakasulat sa puno ay tumango-tango siya bilang pagsang-ayon sa nagtanong.

"Ano na kaya ang nangyari sa iba nating mga kasama?"

"Malamang ay namatay na sila. Mabuti na lang at nakahanap tayo ng paraan para makatakas."

"Ang mahalaga ay makakatulong tayo sa pagtapos ng kasamaan sa loob ng palasyo. May tiwala ako sa nagpadala ng mensahe na 'yon dahil nakasaksi na ako ng pagmamalupit at pagmamaltrato ng mga opisyal ng palasyo."

"Sana naman ay protektahan nila ang mga pamilya at bayan natin."

"Tsaka na lang natin isipin 'yon, ang mahalaga ay alam nilang laban tayo sa mga kasamaang palihim na ginagawa ng palasyo."

Usapan nila habang isinusulat ang pangalan ng kanya-kanyang mga pinagmulang bayan, at nang matapos ay sama-sama nilang tinahak ang daan patungo sa mansyon ng mga Siltore. Bakas pa rin sa paligid ang epekto ng massacre na naganap sa bayan.

Hindi nila maiwasang kilabutan sa katahimikang namamayagpag sa paligid, at kasama pa roon ang imahe ng mga Siltore nang dalhin sila sa harap ng palasyo para mabigyan ng maayos na libing sa loob ng palasyo. Ngunit tanging ang mga opisyal at tauhan lang ng palasyo ang may ideya kung ano o saan inililibing ang mga patay na dinadala sa palasyo.

Ang tanging pinanghahawakan lang ngayon ng grupong pinadala ng palasyo para maging espiya ay ang katapatan nila sa buong kaharian at mga matataas na opisyal. Pati na rin ang mga pangakong binitiwan ng palasyo na bibigyan sila ng mga kayamanan at kung ano-ano pa na makakatulong sa pag-unlad ng kanya-kanyang bayan.

...

"Nandito na sila, Master. Nakuha ko na rin ang pangalan ng mga namumuno sa bayang pinagmulan ng bawat isa sa kanila." Kausap ni Dos sa reyna habang hawak ang communication scroll.

"Bilib na talaga ako sa galing ni Uno. Sige, dalhin mo na sila rito at siguraduhin mong kumpleto ang pangalan ng mga namumuno sa kanya-kanyang bayan. Hindi pwedeng may makalusot na mga ganid at kampi sa masasamang tao sa loob ng palasyo."

"Masusunod, Master."

Spectral MagusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon