Seteroth vs Zenith (3)
...
[3rd POV]
Unti-unting binabalot si Seteroth ng inis dahil sa kasalukuyang nangyayari, at nakikita niyang hindi pa rin gumagawa ng ibang kilos si Zenith. Sa isip niya'y masyado niyang minaliit ang kakayahan ni Zenith kaya mas mabuting gamitin niya ang lahat ng lakas niya kaysa mamatay sa pagsalag lang ng mga panira na tila ba mas lumalakas pa sa bawat paglipas ng oras.
"Overlord Chain Whip, Ultima Despertar!" Puno ng galit at killing intent na sigaw ni Seteroth, dahilan upang marahas na lumabas mula sa kanya ang isang napaka-init na itim na apoy, at ang kaninang latigo na pinapaikot niya upang gumawa ng pansalag ay mabilis na naglaho't unti-unting lumabas sa kanyang balikat papunta sa dalawang palad.
Sa lakas din ng itim na apoy ay nasira ang spell ni Zenith, pati ang damit niya ay unti-unting naglalaho't nagiging abo dahil sa apoy na nagmumula kay Seteroth. Sa tindi rin ng pagsabog ng lakas nito ay bumalik ang ilang piraso ng salamin papunta kay Zenith, dahilan upang magkaroon siya ng maliliit at malalaking hiwa sa iba't ibang parte ng katawan.
"Overlord Katana of Despair, first release!" Maagap na pag-release ni Zenith nang muling rumagasa ang mas malakas pang itim na apoy na nagmumula kay Seteroth. Ang overlord katana ay naglabas ng isang malakas na barrier dahil sa pag-release ni Zenith, at ito ang ginamit niyang pansalag sa itim na apoy habang gumagamit ng enchanted healing spell sa mga sugat na natamo niya.
Ngunit hindi pa tapos maghilom ang sugat niya ay may panibagong sugat siyang natanggap nang may isang malakas na tira ang tumama sa likod niya, at kung hindi siya mabilis na nakalayo ay nahati ang buong katawan niya nang makita niya ang isa pang kadena na ang paligid ng bawat piraso ay gawa sa isang matalas na bakal. Ang kadena ay nababalot din ng itim na apoy na labis ang init, at hanggang ngayon ay ramdam niya pa rin ang init at hapdi na dulot nito sa kanyang likod kahit pa patuloy pa ring gumagana ang enchanted healing spell niya.
"Hundred Chains of the Abyss!" Puno ng galit ang boses ni Seteroth na sa lakas ay halos mabingi na si Zenith, at sa isang kisapmata lang ay mabilis na naglabasan sa lupa ang napakaraming kadena na ang dulo ay gawa sa isang matulis na bakal na ang puntirya ay si Zenith na nagmamadaling umiwas sa mga ito. Sa dami ng kadena ay may mga hindi siya naiiwasan at kakaibang sakit ang dulot nito sa kanya, ngunit hindi siya tumigil hanggang sa makarating siya sa overlord katana, at nang hugutin niya ito ay nagkaroon ng isang malakas at marahas na pagsabog ng soul force at killing intent sa overlord katana.
Ang kanina'y berde niyang mga mata ay naging pula, at sa kumpol ng itim na apoy ay nakita niya si Seteroth na ngayon ay malayo na ang itsura mula sa normal nitong anyo. Ang mga kamay at paa ni Seteroth ay pinapaikutan ng kadena na may naglalagablab na itim na apoy, at ang ulo nito'y may nakasuot na ring helm na may puting apoy sa bandang mukha na bumubuo ng krus at may dalawang mahabang sungay na ang sukat ay aabot sa labing-dalawang pulgada. Wala na rin itong damit pang-itaas kaya kita sa katawan nito ang mga puting linya na nagliliwanag, habang ang pang-ibaba naman nito ay isang itim na mahabang palda na makikita sa harap ang dalawa nitong paa ngunit sa likod ay tuloy-tuloy lamang ito.
Patuloy pa rin si Zenith sa pag-ilag sa mga kadena, at kung wala siyang enchanted healing spell ay paniguradong naubusan na siya ngayon ng dugo dahil sa dami ng mga kadenang dumadaplis sa kanya. Gamit ang overlord katana, mabilis sinalag ni Zenith ang isang transparent na kadena na naramdaman niyang tatarak sa dibdib niya. Habang si Seteroth naman ay patuloy pa rin sa mapang-asar nitong tawa habang mas pinapalakas pa ang bawat kadenang pinanghahabol kay Zenith.
"Overlord Katana of Despair, second release!" Mabilisang pag-second release ni Zenith ng kanyang overlord katana nang lagpas na sa sampu ang naramdaman niyang malapit na ring tumarak sa buong katawan niya. Sa isang kisapmata lang ay naglabas ng matinding liwanag ang overlord katana, at ang buong katawan ni Zenith ay nabalutan ng samurai armor na may halong mga berdeng linya na nagliliwanag katulad ng soul force nila ni Zealestia.
Mabilis niyang ginamit ang wind attribute na nakuha niya mula kay Diane, at pinalakas niya ito gamit ang overlord katana upang maglabas ng mas malakas na hangin na nagpatalsik sa mga kadenang muntik tumama sa kanya.
"Rain of the Abyss!!!" Nagtaasan ang mga apoy sa paligid ni Seteroth habang isinisigaw ang spell na 'yon, at wala pang isang segundo ang lumilipas ay makikita na sa ere ang mga maliliit na bilog. Ngunit nang mas malapit na ito ay matatanaw na tila mga maliliit itong bulalakaw na nababalot ng itim na apoy, at mabilis itong bumabagsak sa lupa kasabay ng mga kadenang walang tigil na humahabol kay Zenith.
"Isip, Zenith! Isip!" Kausap ni Zenith sa kanyang sarili dahil hindi niya pwedeng gamitin ang third release ng overlord katana. Maaari niyang madamay ang mga malapit na bayan kapag ginamit niya iyon, at hindi pa ito ang tamang panahon para ipakita sa lahat ang naging pagbabago niya.
Mabilis nagbago ang kanyang emosyon nang may maalala siyang ultimate spell, at walang pag-aalinlangan niyang inipon ang lakas niya sa kaliwang kamay. Nang sapat na ang soul force na naipon niya ay mabilis niyang pinaglandas iyon sa kanyang mukha, dahilan upang humulma ang isang maskara na gawa sa black diamond.
Gamit naman ang overlord katana ay sinugatan niya ang kanyang kaliwang palad, at agad nagbago't kinopya ng dugong kumapit sa overlord katana ang lakas nito. Walang pag-aalinlangan na ginamit ni Zenith ang hintuturo sa kaliwang daliri niya upang kunin ang dugo, at ginamit niya ang dugo upang lagyan ng despair runeword ang maskarang gawa sa black diamond.
"Darkness Ultimatum: Empire of the Demonic Mirror! Blood of the Overlord, infuse!" Sa isang iglap ay napuno ang paligid ng mga black diamond, at parang bulang naglaho ang mga kadena pati na rin ang mga bulalakaw sa ere.
"Anong ginawa mo?" Nagtatakang tanong ni Seteroth habang unti-unting naglalaho ang mga kadenang nakabalot sa kanya pati na rin ang mga itim na apoy na kanina lang ay nilalamon na ang paligid.
"Hindi pa sapat ang karanasan at lakas ko noong gamitin ko ito sa dragon cave pero ngayon..." Tila bula na naglaho si Zenith, at wala pang isang segundo ay nagkaroon ng tatlong malalaking hiwa ang katawan ni Seteroth, dahilan upang magkaroon ng malakas na pagtalsik ng mga dugo.
"Mas malakas na ako kaysa sa'yo." Pagtatapos ni Zenith ng sinasabi niya habang ang bibig ay malapit sa tenga ni Seteroth. Tanaw ang mapang-asar na ngiti sa labi ni Zenith habang unti-unting naglalaho ang maskarang suot niya, at kasabay ng kanyang pagtalikod ay ang unti-unting pagbagsak ng katawan ni Seteroth.
"Devour!" Utos ni Zenith sa hawak niyang overlord katana, at nang i-angat niya ito sa ere ay naglabas ito ng kakaibang pwersa na humigop sa katawan ni Seteroth. Ang overlord chain whip na hawak naman nito ay unti-unting humulma na tila ba isang soul core, at mabilis itong pumasok sa overlord katana ni Zenith.
BINABASA MO ANG
Spectral Magus
FantasiaBook 1 of Spectral Magus | Complete ... Isang binata na siyang magiging manliligtas. Isang lalaking nagmula sa hinaharap upang tulungang lumakas ang batang bersyon niya. Ang mga trahedyang hindi mapipigilang mangyari. Ang mga taong gustong supilin a...