Siltore Massacre (2)
...
[3rd POV]
"Takbo!" Mapang-asar na tumawa si Cuatro habang hinahabol ang grupo na ngayon ay imbes na harapang lumaban ay nag-iisip ng istratehiya habang magkakahiwalay na tumatakbo sa iba't ibang lugar. Habang abala si Cuatro na habulin ang mga tumatakbo ay may isang miyembro ng grupo ang maingat at tahimik na pumasok sa loob ng mansyon ng mga Siltore, at hindi niya maiwasang mapatakip ng bibig sa kanyang nakita.
Ang mga nagtangkang kumawala sa kadena ay nahati sa dalawa, ang iba naman na buhay pa ay makikitaan ng matinding takot sa mga mata habang nakatingin sa mga kasama na kung hindi duguan ang katawan ay wala namang ulo, kamay, at paa. Ang kanilang mga mukha't buong katawan ay naliligo ng dugo mula sa mga nasawing kasamahan, at hindi niya naiwasang samaan ng tiyan nang harap-harapan niyang makita kung paano nahati ang katawan ng isang sumubok kumawala at lumapit sa kanya.
"H'wag na kayong gumalaw." Utos niya, at mahina namang tumango ang mga tao bilang pagsang-ayon. Malakas siyang napabuga ng hangin habang nag-iisip kung paano ililigtas ang mga taong hirap na hirap na sa kalagayan ngayon.
"Sino ang gustong mauna? Ngunit hindi ako sigurado kung epektibo ang naisip ko." Tanong niya nang may maisip siyang paraan at agad na kinuha ang unsealing scroll sa kanyang spatial amulet.
"Ako po!" Presenta ng isang lalaki na inangalan naman ng mga kaanak nito.
"Walang mangyayari kung walang susubok sa paraang naisip para pakawalan tayo." Paliwanag ng lalaki sa kanyang mga kaanak.
Nang makumpleto ang mga kailangan ay dali-daling pumunta ang mercenary sa tapat ng lalaking nagpresenta. Sinenyasan niya lamang ito na sisimulan niya na ang ritwal at mabilis naman itong tumango bilang pagsang-ayon.
Ngunit habang ginuguhit niya ang unsealing runewords sa tapat ng lalaki ay mabilis na nag-react ang kadena at lumabas ang kakaibang soul force roon, at sa isang kisapmata lang ay walang kahirap-hirap na nahati sa dalawa ang lalaki, dahilan upang matalsikan ng maraming dugo ang mercenary. Gulat na gulat naman ang mga kaanak nito, dahilan upang wala sa sarili silang gumalaw at sumubok kumawala ngunit napuno lamang ng sigawan ang buong mansyon nang sabay-sabay nahati ang sampung kaanak ng lalaki.
Mariin na lang na napapikit ang mercenary at muling nag-isip ng paraan, ngunit ang paulit-ulit lamang na lumalabas sa isipan niya ay ang labing-isang tao na namatay dahil lamang sa ginawa niya. Iyon na rin kasi ang best option na naiisip niya, at ngayon ay nawalan na siya ng determinasyon at pag-asa dahil doon.
...
Sabay-sabay na napalingon ang mga tao sa loob ng mansyon nang marahas na bumukas ang pinto, at pare-pareho silang nawalan ng pag-asa nang isang malakas at nakakalokong tawa ang bumungad sa pagbukas nito. Ang ibang ay pinili na lang magpakamatay upang hindi na mahirapan, dahilan upang mabilis na bumaha ang dugo sa loob ng mansyon.
Hindi na rin makagalaw ang mercenary sa mga nasaksihan na pangyayari, at ang tanging naiisip na lang niya ngayon ay iligtas ang sarili kaya palihim siyang nag-ayos ng special teleportation scroll sa likuran niya.
"Anong nangyari sa mga kasamahan ko?" Tanong niya kay Cuatro upang magkaroon ng oras para i-setup ang scroll, at isang malakas at mala-demonyong tawa ang sumakop sa buong mansyon na sinundan ng malalakas na palatak ni Cuatro.
"Sino? Ang mga hangal na hinabol ng mga ilusyon ko? Hmmmm... patay na!" Muling napuno ang buong mansyon ng isang mapang-asar at mala-demonyong tawa ni Cuatro.
"Bakit mo ba hinahanap ang magus na may pangalan na Zenith? Ano ang pakay mo?" Muli niyang tanong upang maging abala si Cuatro, at nagtagumpay naman siya sa mga binabalak niya. Tahimik lamang siyang nag-aayos ng scroll, at hangga't maari ay hindi siya gumagawa ng malalaking paggalaw ng katawan.
"Tutal naman ay walang nagsasabi at papatayin ko na rin naman kayong lahat, sasabihin ko na kung ano ang rason ko." Saglit itong tumigil at dahan-dahang lumapit papunta sa parte ng mansyon kung saan kumpol-kumpol ang mga buhay at ang mga namatay na. Tumigil si Cuatro nang dalawang metro na lamang ang layo niya mula sa mercenary.
"Ang rason ko ay... bawal sabihin!" Muling napuno ang buong mansyon ng malalakas at mapang-asar na tawa ni Cuatro, at mabilis niyang hinawakan ang handle ng katana na nakasukbit sa likuran niya. Sa isang kisapmata ay nawala ang mercenary habang ang mga natitirang buhay sa loob ng mansyon ng Siltore ay nahati ang mga katawan.
"Akala niya'y may takas siya." Mahinang napailing-iling si Cuatro habang may mala-demonyong ngiti sa labi, at mabilis siyang naglaho sa lugar na ngayon ay mistulang ilog ng dugo at mga putol-putol na katawan ng mga tao. Karumal-dumal ang nangyari, at kahit ang mga nagtangkang tumulong ay makikita sa hindi kalayuan na lasog-lasog ang katawan, at ang iba ay halos wala na ring pagkakakilanlan.
Massacre... iyon ang pinaka-angkop na tawag sa pangyayaring umubos sa bayan ng Siltore.
...
Gulat na gulat ang mga bantay sa teleportation point sa tabi ng mercenary office nang biglang lumabas ang mercenary na naliligo ng dugo at may malaking hiwa sa dibdib. Gusto pa sana nitong magsalita ngunit may kung anong spell ang dumadaloy ngayon sa buong katawan niya, dahilan upang mahirapan siyang huminga.
"Tumawag ng healers!" Sigaw ng isa sa mga bantay ngunit hindi pa nakakalayo ang tatawag sana ng healers ay biglang sumabog at nagkalasog-lasog ang katawan ng mercenary, dahilan upang tumalsik ang dugo at pira-pirasong laman-loob nito sa mga bantay na nakapaligid sa katawan nito.
Natahimik at natulala ang lahat ng mga nakakita, at nagkaroon lang muli ng ingay nang dumating ang namamahala sa mercenary office at hindi nagtagal ay dumating na rin si Mayor.
"Kung sino man ang may gawa nito, hindi siya normal. Hindi dapat ito balewalain, Mayor."
"Tumawag ng mga mag-iimbestiga sa bayan ng Siltore. Tignan ninyo kung may naiwan pang mga buhay o 'di kaya'y clue kung sino ang may gawa at ang pakay niya bakit niya ito ginawa. Bilis!" Agad naalarma ang mga nasa paligid at mabilis na nagtawag ng mga malalakas na mercenary na meron ang Magus City.
Isa lang ang nasa isip ngayon ni Mayor. Maaaring kaugnay ito ng mga nangyari sa dragon cave expedition, at may posibilidad na ito lang ang una sa ilan pang pag-atake na maaaring maganap. Kailangan niyang ihanda ang lahat ng bayan, at kailangan niya na ring ilabas ang mga itinatagong armas ng Magus City.
BINABASA MO ANG
Spectral Magus
FantasyBook 1 of Spectral Magus | Complete ... Isang binata na siyang magiging manliligtas. Isang lalaking nagmula sa hinaharap upang tulungang lumakas ang batang bersyon niya. Ang mga trahedyang hindi mapipigilang mangyari. Ang mga taong gustong supilin a...