Soul for a Soul
...
[3rd POV]
Ang buong paligid ay nababalot ng dilim habang ang buong grupo naman nila Zenith ay walang malay... walang alam sa peligrong nalalapit mangyari. Kamatayan ang tanging isinisigaw ng masangsang na soul force sa kadiliman, at ang halimaw ay unti-unti nang nagigising... naaamoy ang panibagong pagkain na dumating. Ano na ang mangyayari sa grupo na umaasa sa tulong ng mga bantay nila? Walang ideya na ang inaasahan nilang makakatulong sa kanila ay naglaho na.
Isa-isang nagbukas ang mga asul na apoy, dahilan upang matanaw sa dilim ang nangyari sa grupo. Lahat sila ay nakakadena sa pader, at ang panghuli't kasalukuyang itinatali ngayon ng misteryosong lalaki ay si Zenith. Hindi niya maiwasang manghinayang sa lakas ni Zenith ngunit nakasalalay rin sa kanya ang buong angkan niya.
"Diregonus!" Malakas na sigaw niya, dahilan upang tuluyang magising ang halimaw habang siya naman ay mabilis naglaho.
Unti-unting lumalapit sa grupo ang isang halimaw na ang hulma ay isang tao ngunit may mga itim na kaliskis ng dragon ang mga paa at kamay nito, ang mga puting mata naman nito ay nanlilisik at nagliliwanag sa dilim, ang pwetan ay may buntot na mahaba tulad ng normal na dragon, at ang mga daliri sa paa at kamay ay mahahaba at matutulis. Malakas at gutom na gutom ang naging pag-ungol nito, dahilan upang bahagyang yumanig ang buong kweba at magising ang anim na nakakadena.
....
[Zenith's POV]
Agad akong binalot ng takot nang unti-unti kong imulat ang mga mata ko na siya ring paglinaw ng imahe ng halimaw na nasa harapan ko ngayon. Nang subukan kong igalaw ang kanang kamay ko ay agad gumawa ng ingay ang bakal na ngayon ay nakita kong pumipigil sa kamay kong makagalaw. Tuluyan akong kinain ng takot nang makita kong lumalapit ito kay Arthur, at kahit anong gawin kong ingay ay wala itong pakialam sa akin.
"Ako ang lapitan mo! Ako na lang!" Tawag ko rito, at mala-demonyo lang ako nitong tinignan at nginitian habang ang kanang kamay ay nakasenyas na tumahimik lang ako. Ngunit hindi ako nakinig at nagpatuloy lamang sa pagsigaw at pagtawag sa kanya. Hindi na rin makagalaw ang iba ko pang kasama dahil sa takot, at tanging ako lamang ang sumusubok na tawagin ang pansin nito.
"Arthur!" Sabay-sabay na naming sigaw nang mabilis na tinanggal ng halimaw ang kadena ni Arthur at malakas niyang ihinampas si Arthur sa lupa. Ramdam ko ang mumunting luha na lumabas mula sa mga mata ko, lalo nang makita ko ang pag-ubo ni Arthur ng dugo. Gustong-gusto kong makawala ngunit kakaiba ang kadenang gumagapos sa akin. Kahit si Zealestia ay hindi ko matawag, at kahit katiting na soul force ay hindi ko mailabas.
"Arthur! Lumaban ka! Mahal mo ko, 'di ba?!" Nagwawalang iyak ni Letizia habang nagpupumilit na makawala sa pagkakagapos niya, at tulad kanina ay nakita kong nginitian lang siya ng halimaw at sumenyas na tumahimik lang. Gusto kong mag-isip ng paraan para makawala o matawag man lang ang atensyon ng halimaw ngunit masyado na akong naguguluhan sa mga nangyayari, at ang tanging inaalala ko na lang ay si Arthur na ngayon ay malakas namang tinadyakan ng halimaw.
Sigurado ako na hindi ito isang demon ghoul dahil ibang-iba ang killing intent nito pati ang sangsang ng amoy ng soul force nito. May mga special creatures na binanggit noon si Master na walang kinakampihan, maliban na lang kung binibigyan mo ito ng mga bagay na gusto nito. Karamihan sa kanila ay mga walang awa, mapang-asar, at ang iba ay nanghahalay ng babae kapag nagustuhan nila ito. Mataas ang kumpyansa kong kabilang doon ang halimaw na ito.
"Arthur! Kailangan mong mabuhay! Kailangan nating ipaalam kay Mayor ang posibleng pagtatraydor sa royal family!" Tuluyang tumulo ang luha ko nang nginitian niya lang ako at hindi na makapagsalita pa.
"Salamat sa lahat." Basa ko sa pagbukas ng mga labi niya, at mariin akong napapikit nang mabilis at malakas na tumalsik ang dugo mula sa ulo ni Arthur nang tadyakan ito ng halimaw. Hindi ko magawang tignan ngunit dinig ko kung paano pisatin ng halimaw ang ulo ni Arthur dahil sa tunog ng bungo nito, at mas lalo pa akong naiiyak sa malakas na paghagulgol ni Letizia.
"Arthur! Arthur! Mahal na mahal din kita! Arthur!" Hagulgol ni Letizia, at hindi ko sinasadyang maimulat ang mga mata ko, dahilan upang makita ko kung paano pinaghiwa-hiwalay ng halimaw ang kamay at paa ni Arthur upang makain ito.
Agad ko ring iniwas ang tingin ko at pinili na lamang pumikit hangga't kaya kong manatili na nakapikit. Bawat tunog ng pag-nguya ng halimaw ay siya ring paglakas ng sigaw at hagulgol ni Letizia. Dinig ko na rin ang paghagulgol nila Steno, Rosia, at Diane. Ngunit wala akong magawa... wala akong magagawa, at tila ba naghihintay na lang kami ng kamatayan.
...
[3rd POV]
Hindi mapigilan ni Master Zen ang pagluha ngunit hindi ito ang tamang oras upang tumulong. Hindi niya pwedeng sayangin ang nag-iisang tyansa niya na ilabas ang kanyang kapangyarihan. Alam niya ang mangyayari... alam na alam niya ang sakit na mararamdam ng batang bersyon niya ngunit wala siyang magagawa kung hindi panoodin lang ito.
...
"Arthur!" Patuloy na paghagulgol ni Letizia, at halos maubos na ang tubig sa katawan niya dahil sa matinding pag-iyak. Gusto man niyang pumikit ay hindi niya magawa dahil umaasa siya na makakawala siya at makukuha kahit katiting na alaala man lang ni Arthur. Ngunit nawalan na talaga siya ng pag-asa nang tuluyang inubos ng halimaw ang katawan ni Arthur, at mala-demonyo pa itong ngumiti bago sinunog sa harapan ni Letizia ang mga kasuotan ni Arthur na tinanggal nito bago pira-pirasuhin ang binata.
Tuluyan na silang naubusan ng pag-asa, at halos kalahating minuto na rin ang lumipas nang tuluyang maglaho si Arthur. Tanging si Letizia na lang ang umiiyak habang ang halimaw ay mala-demonyo lang na nakangiti habang nakaupo sa lupa. Isa-isa nitong pinagmamasdan ang bawat kasapi ng grupo na tila ba namimili kung sino ang susunod na kakainin. Malakas pa itong dumighay at tumawa na tila ba nang-aasar pa kay Letizia.
Lumipas pa ang mga minuto at oras, at pagod na pagod na ang lima na kahit gusto pa nilang gumalaw ay wala na silang lakas. Hanggang sa sumapit ang gabi, at nagsisimula na ring magutom ang halimaw kaya tumayo na ito. Mabagal itong lumapit kay Steno at masusing tinignan ang binata sa malapitan bago lumapit kay Rosia na katabi nito. Umiling-iling lang ito at dumako na kay Diane ngunit agad siyang umalis nang may mapansin siyang kakaiba sa dalaga. Mapang-asar itong tumawa nang tumapat kay Zenith, at mabilis na sinampal ang binata, dahilan upang mamula ang pisngi nito at pumutok ang gilid ng labi.
Natatawang umiling-iling ang halimaw, at nang mapunta sa harap ni Letizia ay nilapit niya ang mukha rito at mas lumawak pa ang mala-demonyong ngiti sa labi nito. Marahas nitong sinira ang pang-itaas na kasuotan ni Letizia, at nang lumapat ang dulo ng kuko nito sa balat ni Letizia ay mabilis na lumamig ang loob ng buong kweba hanggang sa magyelo ang paligid.
Mabilis na gumapang ang yelo papunta sa mga kadenang gumagapos sa grupo, at unti-unti ring binabalot ang katawan nila ng maliwanag na soul force. Maya-maya pa ay may biglang nagsalita na boses ng isang babae.
"The power of unity and friendship activated the core power of the soul remnant, and now, I shall bestow each individual with an incredible strength! In exchange of the fallen member of the group, I, Aysis, an archdemoness, daughter of a forbidden love between the creator of death and an overlord, shall destroy the perpetrator and distribute its power to the remaining members of the group! I shall now execute the perpetrator's death! Darkness Ultimatum, unleash! (Translated from Ancient Demon Language)" Wika nito, dahilan upang tuluyang magliwanag ang paligid habang ang kadiliman ay unti-unting kinukulong ang halimaw na ngayon ay nagwawala at galit na galit.
"They betrayed me! They lied to me! (Translated from an unknown language)" Galit na galit nitong sigaw ngunit siya naman ngayon ang hindi makagalaw at walang magawa. Ilang segundo lang ang lumipas bago siya tuluyang kinain ng dilim na kalaunan ay gumawa ng malakas na pagsabog ng soul force ng halimaw. Ang soul force ay mabilis at pantay-pantay na pumasok sa grupo, dahilan upang mabilis na rumagasa ang kakaiba at malakas na soul force sa katawan nila. Ngunit kahit ganoon ay hinding-hindi mawawala ang lungkot na permanenteng nakakatatak ngayon sa mga puso at isip nila.
"Nawa'y mapayapa ka at maging masaya, Arthur. Salamat sa lahat." Labis na lungkot at pighati ang nararamdaman ni Zenith habang nakikita ngayon ang imahe ni Arthur na nakangiti. Alam nila na si Arthur ang dahilan ng matinding paglamig sa kweba, at si Arthur din ang dahilan kaya nakaligtas sila ngayon. Isang mabait at matalinong kaibigan na paniguradong hinding-hindi nila malilimutan.
BINABASA MO ANG
Spectral Magus
FantasyBook 1 of Spectral Magus | Complete ... Isang binata na siyang magiging manliligtas. Isang lalaking nagmula sa hinaharap upang tulungang lumakas ang batang bersyon niya. Ang mga trahedyang hindi mapipigilang mangyari. Ang mga taong gustong supilin a...