Vol. 5: Ch. 71

82 11 0
                                    

The Show

...

[3rd POV]

"Tres, Cuatro, handa na ba ang mga gamit?" Tanong ng reyna sa dalawang miyembro ng Banshee Council na ipinadala niya sa Magus City. Hindi pa rin mawala sa labi niya ang ngiting tagumpay habang hinihintay ang pagdating ng mga espiya ng palasyo.

"Opo, Master, at may iilan na nakakuha rin ng mga inilagay sa palaso."

"Mabuti... dahil malapit na ring magsimula ang palabas!" Malakas na humalakhak ang reyna na siya namang ikinangiti ng dalawa habang hawak ang communication scroll.

...

Abala si Zenith sa pagbabantay sa mag-ina niya nang marinig niya ang isang boses mula sa kabinet na nakalaan para sa kanya. Nagtataka siyang tumayo at nagtungo sa harap ng kabinet, at nang magpatuloy ang nagsasalita na hindi niya naman maintindihan ay binuksan niya na ito.

"Ano ang mga rason niyo bakit kayo naniwala sa amin? Paano kung nagsisinungaling lang pala kami?" Mas malinaw niyang dinig, dahilan upang isa-isahin niyang tignan ang mga gamit niya, at nang makitang nagliliwanag ang bagay na nakuha niya sa palaso noong isang araw ay agad niya itong kinuha't bumalik na sa pwesto niya kanina.

"Bilang nagrerepresenta sa pamilya ng mga Kuldapor, alam namin na hindi kayo nagsisinungaling. Naging saksi rin ang pamilya namin sa pagmamalupit at pagmamaltrato ng mga tao sa palasyo." Nangunot ang noo ni Zenith at nagsalubong ang mga kilay mula sa kanyang narinig.

"Ako, na nagrerepresenta sa paniniwala ng bayan ng mga Sentor, ay sumasang-ayon sa representatibo ng mga Kuldapor. Ganid ang mga nasa itaas, at minsan na rin naming naranasan ang mga pananakot nila." Sang-ayon ng isa pang tao, dahilan upang mas mapaisip pa si Zenith sa mga nangyayari. Ngunit naalarma siya nang magkaroon ng mga komosyon sa labas ng kwarto, at dahil sa ingay ay nagising ang kanyang mag-ina.

"Anong nangyayari sa labas?" Mahina ang boses ni Diane nang itanong iyon, at halata ang pagod sa mga mata nito habang si Zenith ay kalong-kalong na ang kanilang anak.

"Hindi ko rin alam, at kung ayos lang ay iiwan ko muna sa'yo si baby. Sa tingin ko'y may importanteng nangyayari, at kung delikado man ang sitwasyon ay babalik agad ako rito para dalhin kayo sa ligtas na lugar." Mahina lang na tumango-tango si Diane at sinubukang igalaw ang kamay para bigyan ng espasyo ang anak nila. Nakita naman ni Zenith na hirap ito kaya siya na ang nag-ayos ng kamay nito at maingat na inilapag ang anak nila.

"Babalik agad ako." Binigyan niya ng isang mabilis na halik sa labi si Diane bago tuluyang lumabas sa kwarto. Nang makarating sa labas ng mansyon ay bumungad sa kanya ang kumpulan ng mga taga-linis at bantay ng mansyon. Kanya-kanya ang usapan ng mga ito, at ang mas nakapukaw ng atensyon niya ay ang mga nagliliwanag na tila ba mga scroll sa labas.

Nagtataka siyang nagtungo papunta sa entrada ng mansyon, at doon ay nakita niya ang mga nagliliwanag na scroll sa pader ng mansyon sa labas.

"Grabe, kung kailan gabi ay tsaka magkakaroon ng ganito."

"Oo nga, pero totoo nga kaya ang ibinibintang ng mga tao na 'yon?"

"Mas mabuti sigurong hintayin natin kung may mga susunod pang sasabihin."

"Paano kung gusto lang talaga nilang guluhin ang Magus City, at ang mga taong nagsalita at bayan na pinagmulan nila ay nasilaw lang sa pera?"

"Tama siya, mas maganda siguro kung alisin na lang natin ang mga nagliliwanag na scroll sa paligid. Paniguradong ganoon na ang ginagawa ng mga tauhan ng royal palace, at baka pati si Mayor ay inuutusan na rin ang mga tao niya na tanggalin ang mga scroll."

"Ang problema ay hindi natin matanggal. May kung ano na pumoprotekta sa mga scroll, at nang sinubukan kong hawakan kanina ay halos malusaw na ang daliri ko."

Pinakinggan lang ni Zenith ang usapan ng mga tao sa paligid niya habang naghihintay sa mga susunod pang mangyayari. Hindi niya na rin sinubukang magtanggal ng isang scroll dahil kitang-kita niya ang nagpoprotekta rito na soul force. Tila ba kailangan mong mapatay ang may gawa nito bago matanggal ang proteksyon.

"Zenith! Si Diane? Ang apo ko?" Napalingon agad si Zenith nang marinig ang boses ni Mayor Silvanya na tila ba nagmamadali.

"Ayos naman po sila sa loob."

"Mabuti naman at wala pang sumusubok pumunta rito. Nagkakagulo na kasi sa sentro, at ang mga taong nagmula sa dalawang nabanggit na pamilya ay nagsisigawan sa harap ng palasyo. Nakikisali na rin ang ibang mga pamilya sa nangyayari, at tila ba umuulan ng dugo dahil inutos ni lolo na ang mga naninira at sino mang maniwala sa mga paninira ay pinapatay." Hinihingal na paliwanag ni Mayor, at magtatanong pa sana si Zenith ngunit hinayaan niya muna itong makapagpahinga, lalo't halata sa mga mata nito ang pag-alala, pagod, at iba pang emosyon na dulot ng mga nangyayari.

"Pinipilit nilang ipagsigawan na hindi iyon ang ipinangako sa kanila ng palasyo, at kahit anong gawin ng mga tauhan ko'y hindi talaga sila mapigilan. Ang puntirya nila ay ang palasyo, at base sa mga pinaglalaban nila ay may kinalaman ang palasyo sa nangyayari. Ngunit itinatanggi sila at pinapaslang... ang mga sumubok maniwala ay walang-awang pinatay, at ang ibang tao ay gumagawa na rin ng sariling kilos para tulungan ang palasyo sa pagpatay.

Nagpadala na rin ang palasyo ng mga taong dadakip sa mga nabanggit na bayan, at ang manlaban ay walang-awang papaslangin. Gusto ko mang makialam ay wala akong magawa dahil palasyo na ang gumagalaw, at sinabihan ako ni lolo na 'wag na akong makikialam sa mga hakbang nila." Pagpapatuloy ni Mayor Silvanya nang makabawi na siya ng hininga, at may idagdag pa sana siya nang muling may magsalita sa mga nagliliwanag na scroll sa paligid.

"Lahat ba ng mga nandito ay sumasang-ayon sa dalawa? Kung sang-ayon kayo ay maaari niya bang sabihin ang bayan na nirerepresenta ninyo?" Boses ng isang babae ang narinig nila Mayor, at may hinala siyang iyon ang pinuno ng grupo.

"Derieri, ang nag-iisang babae sa sinulat ni ama tungkol sa grupong gustong wakasan ang kasamaan ng palasyo. Ang babaeng unang minahal ni ama... paniguradong siya ang babae na 'yon. Sigurado na akong sila ang tinatawag na Banshee Council, ngunit ang tanong ay para saan ang mga hakbang na ito? Bakit parang nagkakagulo sila lolo?" Kausap ni Mayor Silvanya sa sariling isip habang pinapakinggan ang mga bayan na pinagmulan ng mga taong nagsasalita.

"Tama... tama! Paniguradong may kinalaman ang hinaing ng mga taong nagmula sa bayan ng Kuldapor at Sentor kanina. Ang sabi nila ay hindi iyon ang napag-usapan nila ng palasyo, at itinanggi naman nila lolo na may ganoong usapan..." Tumigil si Mayor sa mga iniisip niya at agresibong hinawakan si Zenith sa balikat habang ang mukha'y may ekspresyon na tila ba nakahanap ng kayamanan.

"Desidido na ako, kakampi ako kila ama." Diretsahang sinabi nito na tinanguan namin ni Zenith.

"Ako rin, Mayor... ngunit hindi ako sang-ayon sa ganitong paraan." Doon nagtapos ang usapan nila dahil pinatawag si Mayor sa sentro. Dumami ang mga taong nagkakagulo, lalo't nadagdagan ang mga bayan na ngayon ay tutugisin ng palasyo. Ang bayan ng mga Nukter, bayan ng mga Karanto, at iba pang mga bayan na ipinadala rin mismo ng palasyo.

Naging madugo ang buong gabi, at inabot ito hanggang sa madaling araw. Ang mga bayan na ginamit ng palasyo ay tila naging dagat ng dugo at mga patay na katawan. Tumindi na rin ang gulo sa loob ng Magus City dahil sa mga iyakan at sigawan.

"Mukhang napaghandaan nila tayong mabuti, mga animal! Mga hangal!!!!" Pulang-pula at tila lumabas na ang lalamunan na sigaw ni Dazazel habang padarag na ibinabato ang mga bagay na mahahawakan niya papunta sa kung saan. Bakas ang takot sa mata ng mga miyembro ng secret council habang pinapanood ang pagwawala ng kanilang pinuno.

Walang kahit isa sa kanila ang nagsasalita, walang gustong magkamali ng sasabihin, at walang gustong mapagbuntungan ng galit.

"Mamayang alas-siete ng umaga, ihanda niyo ang entablado. Magbibigay ako ng anunsyo tungkol sa mga nangyayari, at siguraduhin niyong maipapakain niyo ang mga katawan na nasa harap ng palasyo sa forbidden chamber." Mabilis sumang-ayon ang mga tao sa loob ng kwarto, at habang nakayuko ang lahat ay hindi naiwasang palihim na mapangiti ng isa sa mga miyembro.

...

"Akala ko'y mahihirapan pa tayong patayin ang mga bayan na sunud-sunuran sa palasyo. Sila na rin pala ang papatay sa mga alagad nila!" Malakas na humalakhak ang reyna habang nagkalat sa paligid ang ulo ng mga espiyang ipinadala ng palasyo.

Spectral MagusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon