The Ignition (1)
...
"Nilinlang tayo ng mga bituin noon." Kausap ni Star Sylph kay Zenith habang nag-aaral ito ng mga bagay na kailangan niyang gawin sa nalalapit na paglusob ng Banshee Council.
"Hindi tayo nilinlang... patuloy lang itong nagbabago sa bawat lumilipas na araw. Unti-unti ko na ring nalalaman kung paano ko tatapusin ang lahat. Akala ko ay ang batang ako lamang ang matutulungan ko... ngunit nagkamali ako. Natulungan ko rin ang sarili ko dahil sa pagbalik ko sa nakaraan pero marami pa akong kailangang halungkatin sa pagbabalik ko sa oras at dimensyon natin."
"Anong binabalak mo?"
"Salvation."
...
[3rd POV]
"Master, nandito na po ang mga ulo." Balita ni Dorseroph habang inaabot sa reyna ang isang spatial amulet na naglalaman ng ulo ng mga Lerance. Abala naman si Deseros habang inaalalayan si Raziel na unti-unting nagkakamalay.
"Ano ang nangyari kay Raziel?" Pag-interoga ng reyna kay Dorseroph ngunit naunahan siyang magpaliwanag ni Deseros na ngayon ay akay si Raziel patungo sa reyna.
"Nagsakripisyo siya ng halos sampung porsyento ng buhay niya para lang mapatay ang isa sa tatlong kinikilalang legend magus ng Magus City." Napatango-tango naman ang reyna, lalo't alam niyang mahirap kalaban ang tatlong iyon dahil malapit na sila sa antas ng Spiritual Lord.
"Mabuti na lang at nasa panig natin ang isang Creator kaya nabigyan tayo ng mga overlord relic. Kung hindi dahil sa kanya ay wala tayong laban sa tatlong iyon." Dagdag pa ni Deseros ngunit agad umiling-iling ang reyna sa sinabi niya.
"Wala siyang kinakampihan, tumutulong lang siya kapag nakita niyang sapat ang determinasyon ng tao o grupo para gawin ang isang bagay. May hinala akong siya rin ang nagbigay ng overlord relic na sinabi ni Raziel na hawak ni Zenith. Isa sa ebidensya ko ay ang natamong mga sugat at sunog ni Dorseroph, lalo't hanggang ngayon ay hindi pa ito naghihilom." Paliwanag ng reyna at pareho-pareho namang nalinawan ang lahat ng mga nasa harap niya.
"Master, si Cuatro 'to." Alertong kinuha ng reyna ang communication scroll na inaabot ngayon sa kanya ni Dos. Katulad niya ay naging alerto rin sila Deseros, Raziel, at Dorseroph dahil sigurado silang iyon na ang hudyat para maghanda sila sa susunod na plano.
"Ano ang balita?"
"Isang oras mula ngayon ay bibitayin na ang mga Mesero."
"Sige, bumalik ka na sa pag-iikot at pagmamasid." Agad binalik ng reyna ang communication scroll kay Dos, at ngayon ay hinarap niya ang tatlo na naghihintay na lang ng utos niya.
"Alam niyo na ang gagawin." Mabilis nagpulasan ang tatlo patungo sa pinagplanuhan nilang pwesto na malapit sa Magus City. Nang makarating ay agad nilang sinalansan ang mga ulo at mga kasulatan na itatali sa bawat palasong ititira ni Raziel papasok sa Magus City.
...
[Zenith's POV]
Tulala lang ako sa kawalan habang nakahiga sa tabi ni Diane na tulog na tulog. Ilang beses niya akong niyaya na matulog na rin ngunit hindi ako mapakali. Pakiramdam ko ay may mangyayari ngayong gabi habang ibinibitay ang mga Mesero. Nakita ko rin na dumating kanina si pinunong Seldo, at ngayon ay mukhang nag-uusap na sila ni Mayor Silvanya.
Nanatili lang akong tulala habang iniisip kung bakit hinayaan ng mga Lerance na mamatay si Arthur kung sila ang kasabwat ng grupong kinabibilangan ni Raziel at Seteroth. Ngunit habang pinag-iisipan ko iyon ay mas lalong sumasama ang paningin ko sa royal family, lalo kapag naaalala ko ang mga sinabi sa akin ni Raziel.
Sila nga ba talaga ang kalaban o ang demonyong nagtatago sa kaloob-looban ng Magus City? Iyon ang isa sa mga sinabi niyang pala-isipan pati ang huli niyang sinabi na traydor ang mga nasa itaas na pwesto.
Kung tatahiin ko ang mga impormasyon na meron ako ngayon ay may mabubuo na akong konklusyon kung bakit hinayaang mamatay ng mga Lerance si Arthur... para hindi sila paghinalaan o kaya'y maipakita nila na sakim talaga sila sa kapangyarihan.
Ngunit ang mas nakakapagtaka ay ano ang tinutukoy nilang demonyo? Lalo't may nabanggit sa akin si Mayor na may natuklasan siyang impormasyon na hindi niya masasabi sa akin.
Napabuga na lang ako ng hangin dahil mas lalong nagugulo ang utak ko. Pakiramdam ko'y hindi ako mapapakali kung hindi ko malalaman ang natuklasang impormasyon ni Mayor, lalo't may nabanggit si Raziel sa akin na demonyo sa loob ng Magus City.
"Tao ba ang tinutukoy niya o isang halimaw?" Mahinang bulong ko, at halos atakihin na ako sa puso nang biglang may magsalita sa tenga ko.
"Halimaw." Malalim ang boses na sinabi ni Kasero, at nagtataka ko naman siyang tinignan nang makabawi ako sa gulat.
"Ramdam ko mula rito ang kakaiba at masangsang na pwersa sa loob ng royal palace. Noong mga lumipas na araw ay hindi pa ganito kalakas ang inilalabas na pwersa, ngunit ngayon ay mukhang lumakas ito dahil sa magaganap na pagbitay." Paliwanag niya sa akin, at nang kapitan niya ang noo ko ay unti-unti kong nakita ang isang itim na usok sa tapat ng mukha ko.
Tahimik akong tumayo sa kama at inayos si Diane bago maingat na lumabas sa kwarto. Tila ba may sariling utak ang mga paa ko na dinala ako sa labas ng mansyon, at ngayon ay natatanaw ko nang mas malinaw ang itim na usok. Gamit ang mga mata ko ay tinignan ko kung saan ito nagmumula, at dahil malapit lang kami sa royal palace ay tanaw ko ito mula sa kinatatayuan ko. Mula sa itaas hanggang sa ibaba na tanaw ng mga mata ko ay sumisingaw ang itim na usok sa mga bintana at iba pang butas na meron sa royal palace.
"Ano 'yan, Kasero?"
"Hindi rin ako sigurado ngunit alam kong isa 'yang ubod ng lakas na halimaw."
BINABASA MO ANG
Spectral Magus
FantasyBook 1 of Spectral Magus | Complete ... Isang binata na siyang magiging manliligtas. Isang lalaking nagmula sa hinaharap upang tulungang lumakas ang batang bersyon niya. Ang mga trahedyang hindi mapipigilang mangyari. Ang mga taong gustong supilin a...