Vol. 5: Ch. 68

80 12 0
                                    

The Palace Starts to Move

...

[Zenith's POV]

"Hindi ko inakala na ganyan ka na pala kalakas, at aaminin kong mas malakas ka pa kaysa sa akin. Ngunit bakit mo ito pinakita?" Tanong ni Mayor nang makalabas na kami sa Spectral Wolf Dimension.

"Una sa lahat, kailangan maganda ang tingin sa akin ng biyenan-" Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang halos ngumudngod na ang mukha ko sa sahig dahil sa lakas ng batok na ginawa ni Mayor. Pakiramdam ko'y matatanggalan ako ng ulo... hindi mabiro.

"Pinakita ko iyon para kahit papaano'y alam niyo na may mapagkakatiwalaan kayo na kasing-lakas ninyo. Sa totoo lang ay hindi ko na rin alam kung ano ang gagawin at papaniwalaan ko dahil sa sinabi ninyo sa akin kanina.

Siguro ay hindi niyo magawang masabi rito dahil natatakot kayong may makarinig. Ang gusto ko lang naman ay maging malakas para maprotektahan ang Magus City pati na ang buong Magus Kingdom... ngunit hindi ko inaasahang-" Natigilan naman ako nang takpan ni Mayor ang bibig ko, at tumango-tango naman ako nang mapagtanto ko ang muntik kong masabi.

Isa rin kasi sa mga pinaghihinalaan niya ay si pinunong Seldo, at kung tutuusin ay may punto si Mayor sa mga nasabi niya sa akin kanina. Kung ano man ang mangyayari sa loob ng tatlong araw ay wala akong magagawa maliban sa pag-obserba.

"Naalala ko na ang totoong dahilan ko kung bakit ko pinakita sa inyo ang tunay kong lakas. Ayaw ko rin kasing magduda kayo sa mga sasabihin ko, kaya mas mainam na ipakita ko sa inyong hindi ako magsisinungaling o gumagawa lang ng kwento." Mabuti na lang at naalala ko ang totoong rason kung bakit ko ipinakita sa kanya ang tunay kong lakas. Sumenyas naman si Mayor na ikuwento ko lang kaya sinimulan ko na ang pagsasalaysay.

Hindi ko naiwasang mapansin ang problemadong mga mata ni Mayor, lalo nang masabi ko sa kanya ang tungkol sa nakita at naramdaman ko mula sa loob ng royal palace. Nang matapos ay tinignan niya ako na tila ba umaasang nagbibiro lang ako ngayon ngunit mapait ko lang siyang nginitian, dahilan para matulala siya sa kawalan.

"Sige na, bumalik ka na kay Diane. Baka hanapin ka no'n kapag nakitang wala ka pa rin." Doon na natapos ang usapan namin ni Mayor Silvanya, at hindi ko maiwasang mag-alala sa kalagayan ni Mayor. Ako nga lang na walang katungkulan ay nahihirapan na mag-isip sa mga nangyayari, paano pa kaya si Mayor Silvanya.

...

"Magandang umaga!" Nagising ako sa masiglang bati ni Diane, at hindi ko naiwasang mapangiti nang pagdilat ko ay mukha niya ang una kong nakita. Binigyan ko siya ng isang mabilis na halik sa labi, dahilan upang magulat siya at lumayo sa akin. Hindi ko naman naiwasang matawa nang makita ko ang pamumula niya habang nakatakip ang kanang kamay sa kanyang labi.

"Para namang wala tayong ginawa na mas-" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang makatanggap ako ng isang malakas na batok. Mag-ama nga talaga sila, parehong malakas mambatok.

Makikipagkulitan pa sana ako kay Diane ngunit dumating si Mayor Silvanya at malakas itong kumakatok sa pinto.

"Kumain na kayong almusal! Bilisan niyo! Pupunta ako mamaya sa palasyo at isasama ko si Zenith!"

"Sige po, Mayor! Kakain na po kami!" Tugon ko ngunit tila ba nagmamadali talaga si Mayor nang muli nitong kinatok ang pinto.

"Bilisan niyo ha! Mamayang gabi niyo na gawin kung may mga balak kayo!"

"Opo!" Natatawa kong tugon sa sinabi ni Mayor habang si Diane ay napahilamos naman sa mukha dahil sa sinabi ng kanyang ama.

...

"Anong mayroon ngayon, Mayor?" Tanong ko kay Mayor nang makihalubilo kami sa mga taong nagtitipon sa harap ng palasyo.

"Dito natin malalaman kung ano ang mga mangyayari." Nagtataka kong tinignan si Mayor ngunit mukhang seryoso siya sa kanyang sinabi kaya naghintay na lang din ako. Ilang minuto pa kaming naghintay bago nagsimulang lumabas ang mga mataas na opisyal sa palasyo. Natahimik naman ang mga taong kanina'y nag-uusap tungkol sa kung ano ang i-aanunsyo ngayon.

"Magandang umaga sa tapat na mga mamamayan ng Magus Kingdom!" Nagkaroon ng ingay dahil sa pagbati pabalik ng iilan na nasa paligid ngunit mabilis din namang namatay ang ingay.

"Alam kong nangangamba na ang lahat o kung hindi man ay ang malaking bilang ng mga tao sa buong kaharian. Maging kami ay nagkakagulo na rin dahil sa nangyayaring pag-atake sa iba't ibang parte ng Magus Kingdom. Ang pinaka-nakakagimbal na pangyayari ay naganap kahapon, at ikinalulungkot ng buong palasyo ang nangyari sa mga Lerance.

Masusi naming pinag-aralan ang mga pangyayari, at hindi namin inakala nang natuklasan at napagtagni namin na ang mga Lerance ang nagtatraydor. Napag-usapan namin na marahil ay nagawa nila iyon para sila ang maghari, at gusto nilang tumulong sa mga taong gustong sumira sa ating kapayapaan. Alam naman natin na katunggali nila ang mga Mesero sa ranggo ng royal family, at nakakalungkot na ginamit pa nila ang mga Tenseni para lang wasakin ang mga Mesero.

Mahirap talaga kapag nabulag ng kasakiman, ngunit sadyang masama ang grupong kanilang nalapitan. Ang pakay ng mga ito ay wasakin at guluhin ang buong kaharian natin. Maging sila na nagtraydor sa atin ay pinaslang din.

Ang mas nakakabahala ay ang sulat na kanilang isinama sa panggugulo nila kagabi, at tiyak na sinakto nila iyon na patay na ang mga Mesero. Marahil siguro ay para hindi na sila mahirapang patayin ang isa sa mga kinikilalang legend magus natin. Paniguradong nalaman din nila ang impormasyon na iyon mula sa mga Lerance na nagtraydor sa buong Magus Kingdom.

Ang mas nagpatibay pa na ang mga Lerance ang traydor ay ang paghiling nila na walang papuntahin kahapon sa kanilang bayan. Bilang mga inosente sa pagtatraydor ay hinayaan namin sila, at nangyari nga ang kagimbal-gimbal na pangyayari kagabi.

Sila ay mga tuso at puno ng kasamaan, at tila ba gusto pa nilang ituro na ang palasyo ang mga halimaw at ganid. Gusto nilang magtipon ng mga tao para mag-alsa laban sa palasyo, at bilang malaya naman kayong magdesisyon sa inyong mga sarili... hahayaan namin kayong mag-isip at pumanig sa gusto niyong paniwalaan, ngunit ang mga nangyaring pagpaslang pati na ang pagwasak nila sa kasabwat nilang pamilya... dapat pa nga ba kayong magtiwala?

Nasa inyo ang pasya kung ano sa tingin niyo ang dapat paniwalaan, ngunit gusto rin naming ipaalala na kami ang nagtatanggol sa buong Magus Kingdom. Ang sino mang gustuhin na sirain ang kapayapaan ay may karampatang parusa na matatanggap. Iyon lang ang nais iparating ng palasyo sa lahat ng mga taong nandito, at paniguradong lahat ng pamilya ay may mga representatibo rito kaya iparating niyo sa kanya-kanyang bayan ang mga kaganapan. Salamat sa inyong pakikinig!"

Mahabang anunsyo ng siguro'y pinuno ng buong palasyo at agad itong tumalikod para bumalik sa loob. Agad namang sumunod ang mga kasama nito, at ang naiwan ngayon ay ang mga tao na may kanya-kanyang usapan at opinyon tungkol sa anunsyo.

"Ano sa tingin mo, Zenith? Sino ang dapat nating pagkatiwalaan?" Napatingin ako kay Mayor na ngayon ay nakatitig pa rin sa kung saan nakatayo ang nag-anunsyo kanina.

"Mahirap magdesisyon, Mayor. Alam kong alam mo na rin po kung ano ang tunay kong edad kapag sinama ang pagsasanay ko sa Spectral Wolf Dimension. Ngunit kahit pa halos dalawampu't pitong taon na ako ay hindi pa rin sapat iyon para makapagdesisyon sa sitwasyon na 'to." Tugon ko, at tulad nang sinabi ko ay alam na ni Mayor na kahit labing-anim na taon pa lang ang katawan ko ay dalawpu't pito na ang edad ng soul core ko.

Ngunit sa totoo lang, desidido na ako kung sino at ano ang dapat kong paniwalaan. Lalo't alam ko kung anong klaseng kasamaan ang nasa loob ng palasyo. Hindi ko maipipilit ang ideya na iyon kay Mayor dahil paniguradong pati ako'y pinagdududahan niya rin.

Spectral MagusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon