Suspicions
...
[3rd POV]
Dala-dala ang mga tanong sa isip ay nagmamadaling tumakbo si Mayor Silvanya papunta sa kulungan ng Tenseni nang makabalik siya sa Magus City. Hindi siya mapakali habang tinatahak ang pinakamabilis na daan papunta sa kulungan.
"May mali talaga... sigurado ako roon." Kausap niya sa sarili habang patuloy na tumagaktak ang pawis, at nang makarating sa kulungan ay sinalubong siya ng kumpol ng mga tao. Nagtataka niyang sinisilip ang pinagtitinginan ng mga tao habang isa-isang hinahawi ang mga nakaharang sa dinadaanan niya.
Hindi rin naman siya nahihirapang paalisin ang mga nakaharang dahil agad tumatabi ang mga ito at sinasabihan ang iba pang nakaharang kapag nakitang siya ang dadaan. Ngunit natigilan siya nang marinig niya ang mga usapan ng mga tao sa paligid.
"Grabe ang nangyaring ito."
"Bakit ito nagawa ni Master Legolas Mesero?"
"Balita ko ay may nangyari raw sa pagpupulong nila kagabi."
"Oo nga, narinig ko rin iyon sa pinuno namin."
"Mabuti na lang dumating si Master Silvanya dahil kung hindi ay magpapakamatay na dapat si Master Legolas."
"Grabe, ano kaya ang magiging reaksyon ng mga Tenseni rito?"
"Bagay lang 'yan sa kanila dahil ang balita ko ay hinalay ng mga Tenseni ang dalaga ng mga Mesero, at ang dalaga na iyon ay mahal na mahal ni Master Legolas."
"Oo, nakikita ko rin noon na malapit sa kanya ang apo niya na 'yon. Tsaka grabe ang naging depresyon niya nang nagpakamatay ang apo niya."
"Nakasabay ko pa nga si Master sa tavern... lasing na lasing at paulit-ulit na binabanggit na papatayin niya ang sino mang naging dahilan kung bakit nagpakamatay ang apo niya."
Marami pang ibang usapan ngunit ang mga iyon lang ang pumukaw sa atensyon ni Mayor Silvanya. Ngunit hindi rin maganda kung magpapatuloy pa ang mga usapang ito dahil magkakaroon pa lalo ng gulo at mga issue.
"Tumahamik kayo at umuwi!" Natahimik ang lahat sa naging pagsigaw ni Mayor Silvanya, at ilang segundo lang ay nag-umpisang mag-alisan ang mga taong nagkukumpulan. Naghintay lang siya hanggang sa unti-unti niyang matanaw ang pinagtitinginan ng mga ito.
"Lolo, ano ang nangyari?" Tanong niya upang makasigurado.
"Kung ano ang mga narinig mong usapan ng mga tao." Walang emosyon nitong sabi habang nakayakap pa rin kay Master Legolas na umiiyak at puno ng dugo ang damit. Napabuga na lang ng hangin si Mayor Silvanya sa mga nangyayari, at mabilis siyang napatakbo sa loob ng kulungan nang may mapagtanto siya.
Tulala na lang siyang napaupo sa lupa habang tinitignan ang duguang katawan ng pinuno ng mga Tenseni habang ang ginamit pampatay ay nakatarak pa rin sa leeg nito. Ang mga katanungan sa isipan niya ay tuluyang naglaho, at ang mga binubuo niyang ideya ay unti-unting gumuho.
Ayaw niyang sumuko dahil sigurado siyang may mali sa mga nangyayari... ngunit paano niya ngayon sisimulan ang binubuo niyang ideya kung ubos na ang lahat ng mga Tenseni. Marahas niyang hinilamos ang kanang kamay sa mukha habang bigong tumatayo mula sa pagkakaupo.
"Pakilinis." Blangko ang ekspresyo niya nang sabihin iyon sa mga guwardiya na kakapasok lang sa kulungan. Akmang lalabas siya nang marinig niya ang lolo niya na may kinakausap tungkol sa nangyari.
"Isama niyo sa mga bibitayin ang walang kwentang gurang na 'to. Nakuha ko na rin naman ang lakas niya, at napatahimik ko na rin ang bibig." Marahan siyang napaatras sa mga narinig, at hindi makapaniwala sa sinabi ng kanyang lolo. Muling nabuo ang mga ideya niya lalo't kasama ang lolo niya sa mga taong pumipigil sa pag-imbestiga niya noon sa dragon cave expedition.
Unti-unti rin siyang nagkakaroon ng ideya kung bakit walang pakialam ang lolo niya sa pagkawala ng kanyang ama. Mabilis na lumabas sa memorya niya ang sinabi sa kanya noon ng ama niya bago ito nawala.
"Siguraduhin mong makakaya mong tapusin ang nasimulan ko. Kapag naalala mo ang pag-uusap natin na 'to, pumunta ka agad sa likod ng mansyon natin. May makikita kang pinto roon, at tanging dugo lang natin ang makakabukas ng lagusan na iyon. Ikaw na ang bahalang tumuklas kung ano ang mga itinago ko roon."
Noong panahon na sinabi sa kanya iyon ng kanyang ama ay halos wala pa siyang pakialam sa mga kaganapan sa royal family. Tandang-tanda niya pa kung gaano ka-seryoso ang ama niya noon habang sinasabi iyon sa kanya.
...
[Zenith's POV]
Tulad nang suot ko sa pagdating sa bayan ng mga Nukter ay muli akong nagsaklob ng puting tela sa ulo at nagsuot ng puting roba. Mabuti na lang at maraming pinadala sa akin si Denden na ganito.
"Sa wakas." Mahina kong sambit nang makapasok ako sa entrada ng Magus City, at ang agad kong pinuntahan ay ang tindahan ng mga Genome na naging unang hakbang ko sa paglakas. Para na rin surpresahin si Rosia kung sakaling nagbabantay siya... ngunit hindi ko alam kung dapat ba akong maging masaya, lalo't sigurado akong pare-pareho kaming nagluluksa sa pagkamatay ni Arthur at Letizia.
"Magandang umaga po." Marahan kong tinanggal ang telang nagtatago ng mukha ko, at hindi ko napigilang mapangiti nang sabay humarap sa akin ang dalawang bantay na nag-aayos ng mga paninda.
"Zenith? Zenith!" Halos sabay na sambit ni Rosia at Steno na tila ba mabilis na naglaho ang kaninang lungkot nila habang nag-aayos ng mga paninda. Nagmamadali silang lumapit sa akin at niyakap ako ng mahigpit. Halos isang minuto rin kaming natahimik bago sila nag-umpisang humagulgol, at ganoon na lang din ang naging reaksyon ko dahil sa tagal kong nawala.
"Pasensya na't ngayon lang ako nakabalik, at pasensya na rin dahil wala ako rito noong mga panahong kinailangan mo ako, Steno. Hindi na mauulit iyon, hindi na ako mawawala... wala na ring mawawala na malapit sa buhay natin." Walang kasiguraduhan ngunit hindi ko napigilang sabihin iyon sa kanila.
Ilang segundo pa kaming nanatili sa ganoong pwesto bago sila kumalas at nagbenta sa mga bumibili. Napangiti muli ako nang makita na tuluyang nagbago ang emosyon ng dalawa, at ngayon ay bakas sa mga labi nila ang ngiti na hindi matutumbasan ng kahit anong bagay sa mundong ginagalawan namin.
"Mamaya na tayo mag-usap, mas mabuting puntahan mo muna ang mansyon nila binibining Diane... kailangang-kailangan ka niya." Magtatanong pa dapat ako kay Rosia ngunit dumami na ang bumibili sa kanila na sa tingin ko'y mga bagong estudyante sa Academy.
Sinunod ko na lang ang sinabi niya at tinahak na ang daan patungo sa mansyon nila Mayor Silvanya. Habang naglalakad ay tsaka ko lang naalala ang mga pala-isipang iniwan sa akin ni Raziel, at makakatulong kaya iyon sa pagtuklas kung sino ang tunay na traydor?
Isa lang ang sigurado ko, malabong ang mga Tenseni ang kasabwat dahil hindi sila hahayaang maubos ng grupo nila Raziel... lalo kung ang pakay nila ay wasakin ang Magus City. Maliban na lang kung si Carlile lang ang habol nila sa mga Tenseni. Ngunit kung titignan mo ang anggulo na iyon ay mas nakakapagtaka dahil base sa naabutan ko ay pinatay ang mga Tenseni dahil sa pagtatraydor nito.
Sa totoo lang, parang walang kwenta ang mga iniisip ko ngayon pero kung titignang mabuti... parang masyadong mabilis naman atang nahuli na ang mga Tenseni ang traydor. Hindi man lang sila tinulungan ng grupo nila Raziel para bumuo ng maayos na plano? Tsaka kung ako ang tatanungin ay hindi ako gagawa ng mga bagay na magtuturo na ako ang traydor... parang hindi kapani-paniwala.
Masyadong lantad ang mga nabanggit na ebidensya ni pinunong Seldo, at kung ako ang traydor ay hindi ako gagawa ng ganoong klaseng hakbang. Ngunit hindi ko rin masasabing tama ang mga hinala ko dahil kulang pa ang mga pinagbabasehan ko... kailangan ko pa ng mga karagdagang impormasyon na magpapatotoo sa mga hinala ko.
BINABASA MO ANG
Spectral Magus
FantasiBook 1 of Spectral Magus | Complete ... Isang binata na siyang magiging manliligtas. Isang lalaking nagmula sa hinaharap upang tulungang lumakas ang batang bersyon niya. Ang mga trahedyang hindi mapipigilang mangyari. Ang mga taong gustong supilin a...