Attack on the Tenseni
...
[3rd POV]
"Magandang araw po, pinunong Lukas Mesero. Ano po ang sadya niyo rito? Kung ang pinunta niyo po ay ang aming pinuno ay ikinalulungkot kong sabihin na hindi pa po siya nakakabalik mula sa Magus City." Magalang na pagsalubong ng bantay ng bayan ng Tenseni sa pinuno ng mga Mesero, ngunit imbes na makatanggap ng sagot ay malakas itong nagsisigaw at nagtatarang nang magliyab ang kasuotan nito.
Sa gulat sa nangyari ay hindi nakagalaw ang isa pang bantay, at nang tignan niya ang pinuno ng mga Mesero ay mabilis ding nagliyab ang kanyang kasuotan. Umugong ang kanilang pag-iyak hanggang sa pinakamalapit na bahay, at agad naglabasan ang mga tao dahil sa matinding pag-iyak at pagmamakaawa na nagmumula sa dalawang bantay.
"Anong nangyayari?"
"Bakit niyo ito ginagawa? Hindi ba't bawal ito?"
"Anong ginawa namin sa pamilya ninyo? Kayo ang ikalawang nakaupo sa royal family, at kami ay kabilang lang sa mga high nobles! Wala kaming laban sa inyo para gawan namin kayo ng masama!"
Iilan lang 'yon sa mga isinisigaw ng mga naninirahan sa bayan ng Tenseni, at dahil sa ingay na ginagawa nila ay mabilis na ring naglabasan ang pamilya ng mga Tenseni. Bakas ang pagtataka sa kanilang mga mukha nang makita nila ang tila isang buong angkan ng mga Mesero sa entrada ng bayan.
"Ano ang pinunta niyo rito? Bakit kayo nagsisimula ng gulo?" Pasigaw na tanong ng isa sa mga Tenseni, ngunit imbes na makatanggap ng sagot ay sumenyas lang ang pinuno ng mga Mesero. Ilang segundo lang ang lumipas ay mabilis na kumalat ang itim na usok sa paligid, at sari-saring sigawan ang umugong sa buong bayan.
...
"Ace, tumakas na kayo ni Carlile. Kahit kayo man lang ay makatakas sa ginagawa ng mga Mesero." Wika ng ama ni Ace habang ginagabayan sila sa isang lagusan sa ilalim ng kanilang mansyon.
"Pa, paano kayo?" Mangiyak-ngiyak nitong tanong habang mahigpit na hinahawakan ang kamay ng kanyang asawa.
"Mas mahalaga kayong dalawa kaya alagaan mong mabuti si Carlile. Hindi rin pwedeng madami ang tumakas dahil mapapansin agad iyon ng mga Mesero."
"Bakit ba nila ito ginagawa? Ano bang kasalanan natin sa kanila?"
"Hindi ko rin alam, anak... ngunit wala na tayong oras para isipin pa ang mga rason nila. Tumakas na kayo, bilis! Kayo ang bumuo sa susunod pang henerasyon ng mga Tenseni at Siltore. Susubukan ko ang lahat ng makakaya ko sa gabing ito, ngunit hindi ko pa rin alam kung sapat ba iyon. Sige na! Umalis na kayo!" Wala na silang magawa kung hindi tumakbo nang iniwan na sila nito. Kapit-kamay at may luha sa mga mata na nilakbay ng dalawa ang madilim na lagusan, at gamit lang nila ang isang maliit na sulo upang makita ang kanilang dadaanan.
Nang nasa kalagitnaan na sila ng lagusan ay tumigil si Carlile sa paglalakad, dahilan upang huminto rin si Ace. Ilang segundo silang natahimik bago sinimulang ipunin ni Carlile ang soul force niya papunta sa singsing na ibinigay sa kanya ni Zenith. Hindi man siya sigurado kung buhay pa ba ito dahil matagal na itong nawawala, ngunit wala na siyang ibang maisip na maaaring makatulong sa kanila.
"Ace, gusto ko lang sabihin na mahal na mahal na kita. Alam kong hindi naging maganda ang simula natin pero habang tumatagal ay mas nakilala't minahal na kita. Kung sakaling mamatay-" Hindi natapos ni Carlile ang sasabihin niya nang ilapag ni Ace ang sulo sa lupa at mahigpit siyang niyakap.
"Carlile, asawa ko, mabubuhay tayo... 'wag kang mag-isip ng ganyan. Mahal na mahal din kita, at gagawin ko ang lahat para mabuhay tayo." Pagpapakalma nito sa kanya, at nang kumalas sa yakap ay binigyan siya nito ng halik sa labi. Mabilis lang ngunit kahit paano ay napagaan nito ang kanyang loob.
"Mabubuhay tayo." Sabay nilang proklama at nagpatuloy sa pagtakas.
...
Napuno ang gabi ng sigawan, patayan, at labanan. Naging mausok ang buong bayan dahil sa sunog na dulot ng mga Mesero, dahilan upang matawag ang atensyon ng mga kalapit na bayan. Ngunit huli na ang lahat bago nakarating ang grupo ni Mayor Silvanya sa lugar.
Ang naabutan na lang nila ay ang mga bahay na kulay uling na dahil sa pagkasunog nito, ang mga katawan ng mga naninirahan sa bayan ng Tenseni na halos hindi na makilala, at ang iba ay katawan ng mga taong mula sa Mesero.
Nang makarating sa mansyon ng mga Tenseni ay naabutan nila ang mga miyembro ng Mesero na tulala. Bakas ang dugo sa buong katawan at mga sandata nito habang ang ulo ng mga matataas na pwesto sa Tenseni ay hawak nila sa isang kamay.
Hindi mawari ni Mayor kung ano ang magiging reaksyon niya sa nasaksihan, at hindi niya inakalang magagawa ito ng mga Mesero. Sila ang pumapangalawa sa royal family at palagi silang sumusunod sa mga batas ng Magus Kingdom... kaya't hindi niya lubos-maisip na magagawa ng mga Mesero ang kalunos-lunos na trahedya.
Sinubukan pa nilang tignan kung may nabuhay sa mga Tenseni ngunit ni-isa ay wala silang natagpuan. Hanggang sa bumalik ang isip niya sa naging pagpupulong kagabi.
"Kung ang mga Tenseni ang traydor, bakit parang may mali?" Isip niya habang tinitignan ang mga Mesero na isa-isang tinatalian ng mga kasama niyang royal officers na namamahala sa krimen na kinasasangkutan ng mga kabilang sa royal family.
Tatlong araw silang lilitisin alinsunod sa ikatlong Royal Decree, at kapag napagpasyahan na ang gagawin sa kanilang pamilya at natanggal na ang royal title nila ay ipapatupad na ang kauna-unahang batas sa buong Magus Kingdom.
...
"Royal Decree Number 3, ang sino mang Royal Family na napatunayang gumawa ng bagay na hindi patas ay tatanggalan ng Royal Title."
"Kingdom Decree Number 1, ang sino mang noble o commoner na pumaslang sa kapwa Magus, ano mang rason, kamatayan ang kahihinatnan."
BINABASA MO ANG
Spectral Magus
FantasyBook 1 of Spectral Magus | Complete ... Isang binata na siyang magiging manliligtas. Isang lalaking nagmula sa hinaharap upang tulungang lumakas ang batang bersyon niya. Ang mga trahedyang hindi mapipigilang mangyari. Ang mga taong gustong supilin a...