Vol. 5: Ch. 74

67 14 0
                                    

The Revolution! (3)

...

[3rd POV]

Nagpatuloy ang labanan sa harap ng palasyo, at ang mga bahay at gamit sa paligid ay nasisira na dahil sa sunod-sunod na malalakas na impact. May iilang bahay at establisyemento na nadamay na rin sa mga mahika na ginamit ng mga naglalaban. Ang mga opisyal ng palasyo ay gusto na ring umalis ngunit hindi nila magawa dahil pinipigilan sila ni Dazazel.

Hindi pa rin nawawala sa labi ng pinuno ng palasyo ang mala-demonyong ngiti habang pinapanood ang mga naglalaban, lalo na ang laban ni Cuatro at Steno. Kitang-kita sa mukha ni Cuatro ang pagseseryoso nito kahit pa patuloy niya pa ring inaasar si Steno na ngayon ay nagkasira-sira na ang kasuotan dahil sa impact na dulot ng mga tira ni Cuatro na sinasalag niya.

Bakas na rin ang dugo sa labi at iilang parte ng katawan ni Steno, at ganoon din ang kay Cuatro ngunit tila ba mas lumalakas pa si Cuatro sa tuwing natatamaan siya ni Steno. Sa bawat sugat na natatamo ni Cuatro ay siya ring paglakas ng sumusunod nitong mga hampas, at tanaw sa bawat impact nito ang marahas na pagsabog ng pinaghalong soul force at killing intent.

Damang-dama pa rin ito ng mga tao na ngayon ay inilalalayo pa rin ni Mayor sa labanan, at ang iba ay hindi na maiwasang maiyak lalo ang mga bata. Naalarma na rin ang mga tao sa loob ng mansyon, at nagkakagulo na rin sila dahil bigla na lang nawala ang anak ni Diane at Zenith. Hindi nila malaman ang gagawin, lalo't hindi pa nila masabi kay Mayor ang biglaang pangyayari dahil abala ito sa pagliligtas at paglalayo ng mga tao.

"Ano ba itong nangyayari?!!! Nagkakagulo na sa harap ng palasyo tapos bigla pang nawala ang apo ni Mayor!!!"

"Hindi ko rin alam kung paano ito nangyari!!! Magkaharap kami ni binibining Diane nang mawala ang anak niya!!! Anong klaseng delubyo ba ito?!!!"

Patuloy na nagkakagulo ang mga tao sa mansyon, at tila ba mga bulateng inasinan ang mga ito habang hinahalughog ang bawat sulok ng mansyon. Ramdam na ramdam na rin nila ang nangyayaring labanan, ngunit kahit gusto nilang lumikas ay hindi nila pwedeng hayaan na nawawala ang anak ni Diane. Nangako sila kay Mayor na hihintayin nilang sunduin sila nito, at babantayan muna nila ang mag-ina ni Zenith.

"Rosia! Ayaw kitang masaktan pero hindi ko maiwasan! Alalahanin mo ako!" Patuloy pa rin na pagkumbinsi ni Zenith kay Rosia na ngayon ay sira-sira na rin ang kasuotan at may mga sugat na rin na natamo. Bakas din sa suot ni Zenith ang tindi ng bawat pag-atake ni Rosia, ngunit hindi tulad ng ibang nasa laban ay wala siyang marka ng sugat dahil sa patuloy na paggamit niya ng healing spell.

Gusto niya mang gamitin kay Rosia ang healing spell ay hindi niya magawa. Ang nasa isip niya lang ngayon ay pagudin si Rosia hanggang sa magkaroon siya ng pagkakataon na tirahin ito at mawalan ng malay. Patuloy niyang inaalala ang nangyayari kay Steno, at kapag nagtumpay ang plano niya na mawalan ng malay si Rosia ay iniisip niya na maaari rin iyong gawin kay Steno.

Hindi siya mapakali sa mga oras na ito, lalo't ramdam niya sa soul force at killing intent na inilalabas ni Cuatro na gustong-gusto nitong mapatay si Steno. Nakadagdag pa sa pag-aalala niya ang nararamdaman niyang malakas na soul force ngunit tago ang killing intent nito. Sigurado siyang ito ang tumutulong kay Cuatro sa pamamagitan ng mga portal na nararamdaman niyang sumusulpot sa paligid ng labanan.

Nagpatuloy lang ang palitan ng mga pag-atake at pagsalag, at habang mas tumatagal ay mas lalong dumadami ang mga nasisira sa paligid. Marami na ring nailikas si Mayor, at ngayon ay pabalik na siya sa loob ng Magus City para sunduin ang ibang grupo ng mga ililikas niya.

"Bilisan niyo pero walang magtutulakan!" Utos niya sa grupo ng mga taong inililikas niya ngayon, ngunit mabilis niyang itinulak papasok sa malapit na bahay ang iilan na kaya niyang maitulak nang maramdaman niya ang isang malakas na soul force na pabagsak sa pwesto nila.

"Paano na tayo?!!!" Nagpa-panic na sigaw ng isa sa mga naitulak ni Mayor papasok sa bahay habang nakatingin ito sa labas, at ganoon na lang din ang gulat ni Mayor Silvanya nang makita niya na nakatarak sa lupa ang isang mahabang palaso na gawa sa kakaibang soul force at killing intent.

Hindi niya napigilang mapatakip ng bibig nang makita niya ang mga tao na tila ba mga lechon na natuhog ng mahabang palaso, at tila ba pinako sila nito sa lupa, dahilan upang manatili silang nakatayo habang umaagos ang dugo papunta sa lupa.

"Mukhang wala tayong takas! Mamamatay na tayo!" Halos mabaliw na sigaw ng isa pa sa mga naligtas ni Mayor, at kahit gusto niya itong pakalmahin ay hindi niya magawa dahil ang nasa isip niya ay ang mga taong nailabas niya na. Hindi niya rin maiwasang isipin ang mga malapit na bayan, at mataas ang posibilidad na pati ang mga lugar na iyon ay wasak na rin.

"Masama ang mga tao sa palasyo pero bakit ganito ang ginawa nila ama? Paano naman ang mga inosente?" Paulit-ulit niyang tanong sa sarili habang hinahanap ng matataguan ang mga taong nailigtas niya mula sa mahabang palaso. Nang tingin niya ay ayos na ang pagkakatago ng grupo na iyon ay mabilis niyang tinahak ang daan patungo sa mansyon niya, dahilan para masaksihan niyang muli ang nangyayaring laban sa harap ng palasyo.

Natigilan siya nang makita ang isang karima-rimarim na eksena sa entablado, at ang tanging buhay lang na natira ay ang kanyang lolo na pinapaligiran ng makapal na barrier habang nanonood sa labanan. Hindi niya naiwasang mapabuntong-hininga bago nagpatuloy sa pagpunta sa mansyon, ngunit muli siyang natigilan nang maramdaman niya ang isang masangsang at marahas na killing intent na mula sa loob ng palasyo. Tila ba gustong-gusto na nitong makalabas ngunit may pumipigil dito.

Spectral MagusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon