VIII

193 16 0
                                    

"UY, WELCOME!" PAG-GREET ni Sean pagkarating nina Owen, Toto, at Dimitri sa bahay nila kahit dinig ang ingay galing sa nagvi-videoke sa loob. Mga bandang alas-siete na ng gabi nakarating ang tatlo sa pa-birthday celebration ni Sean.

"Happy birthday, Pards." Si Owen naman ang unang bumati sa kaklase at saka tinapik ang balikat ng nagse-celebrate ng kaarawan. Pormang porma pa naman si Owen suot ang gray na long-sleeved shirt at saka maong na shorts.

"Happy birthday, Kuys." Sumunod naman si Toto na bumati na may suot namang blue checkered polo at saka pantalon.

"O, heto birthday gift mo." Inilabas naman ni Dimitri ang manipis na rectangular box na nakabalot ng gift wrapper na ireregalo kay Sean. Nag-ambagan pa nga ang tatlo para dito.

"Hala, thank you! Ano laman nito, house and lot?" Pagkaabot ni Sean ay inalog niya ito at inilapit sa tainga.

"Ang galing mo talagang manghula! Very good," pabiro pang saad ni Dimitri sa kaklase. "Bahay nga kasi laman niyan. Doll house talaga 'yan."

"Kayo talaga." Napakamot tuloy ng ulo si Sean bago niyaya ang tatlo. "O, pasok na kayo. Nasa loob na rin sina Drake at Franco."

Walking distance lang din ang bahay nina Owen kina Sean, kaya nagdesisyon na rin ang dalawa na makitulog at magpalipas ng gabi just in case na umuwi silang dis-oras na.

18 years old na talaga ngayon si Sean, mahigit-kumulang two years ang agwat ng edad niya sa mga kaklase niya. Late na rin kasi siyang nakapag-high school. Pero hindi na alintana sa edad niya kasi napakabata pa ng hitsura niya; baby face kasi, ang sabi pa nga noon ni Owen.

Pagpasok ay dumaan muna sila sa garahe kung saan naka-set ang mga upuan at mesa at saka dinatnan ang ibang mga kaibigan at kaklase nila na nakaupo habang kumakain, nagkakantahan, at saka na nag-iinuman at saka na sila nagsiupo.

"O, kuha na kayo, mga hijo. Enjoy lang kayo diyan, a?" sabi pa ng nanay ni Sean pagkalapag ng plato ng inihaw na liempo sa mesa. Pagkatapos ay nagawi ang tingin niya kina Owen.

"Uy, Owen, Toto, kaing mabuti," paalala pa niya sa dalawa habang nilalantakan ni Toto ang isang stick ng pork barbecue. "Dimitri, pakabusog ka."

"Thank you po, Tita Cheche. Ang sarap po ng handa n'yo. The best in the west!" Nagawa pa tuloy mambola ni Dimitri habang nagsisimula na siyang uminom ng baso ng beer na ibinuhos para sa kaniya ni Franco.

Minsan lang naman, sulitin na. Wala naman sigurong masama kung mag-enjoy uminom ng alak kahit once in a blue moon lang.

Tawanan, kuwentuhan, at kantahan ang namayani sa mga oras na iyon sa birthday celebration ni Sean. Parang wala na ring bukas ang pagkanta ng isa nilang kasama na para bang siya ang nagrenta sa videoke machine. Habang nagsasaya ang lahat, wala namang imik itong si Toto na hindi komportable sa set-up ngayon.

Mukhang na-a-out-of-place itong si Toto sa usapan ng mga kasama niya sa mesa. Kung hindi lang kasi siya pinilit nina Owen ay hindi talaga siya sasama. Mas gugustuhin na lang niyang magkulong sa kuwarto at magbasa sa Wattpad o kaya mag-review na lang. Pero wala na siyang magagawa kasi nandito na rin siya.

Mabuti na lang at madaling pakisamahan ang pagkain.

"Uy, turn ko na!" Masigla naman itong si Owen lalo na noong iniabot na sa kaniya ang mic. Nakakailang shot na siya ng alak pero wala pa rin itong epekto sa kaniya.

"Ladies and gentlemen, I dedicate this song to my best friend, Dimitri," panimula pa nga niya bago mag-play ang kanta sa screen. Nag-react naman itong si Dimitri na nag-gesture pa ng parang manununtok sabay ngitngit ng ngipin.

"Palaklakan, mga kababayan!" pasigaw pang bulalas ni Dimitri at pumalakpak. Sumabay rin sina Sean na para bang tsini-cheer si Owen para sa moral support.

Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon