XXXVI

61 12 8
                                    

MAY MGA BAGAY NA sadyang hindi nagbabago—ang dating gawi ng tatlong magkakaibigan sa kanilang tambay place sa ilalim ng puno—at 'yong magandang tanawin ng mga mayayabong na puno at malawak na damuhan sa palibot nito. Namamayani pa rin ang ihip ng hanging amihan kahit sa tanghaling tapat.

Katatapos lang ng Christmas break at opisyal nang nagpatuloy ang klase sa panibagong taon. Siyempre, bilang dating gawi ay nakatambay muli ang magkakaibigan sa ilalim ng puno pagkatapos ng klase para mananghalian ng mga tusok-tusok na binili kay Manong sa may gate ng paaralan; siyempre, libre pa rin ni Dimitri.

"Oo nga pala, malapit na 'yong entrance exam sa BulSU, ano, G na ba tayo?" tanong nitong si Toto pagkatapos isawsaw ang isang piraso ng proben sa suka sabay kagat dito.

Na-realize din nilang nalalabi na rin ang araw nila bilang mga high school student. Sa isang kisapmata lang, matatapos na ang lahat ng ito at sa mga susunod na buwan, may panibago na namang landas na tatahakin ang tatlo. Pero ang mahalaga naman, sabay pa ring lalakarin nina Owen, Toto, at Dimitri ang daang ito.

Iyon nga lang ay nag-iba ang ekspresiyon sa mukha ni Dimitri sa mga sinabing iyon ni Toto, "Naku, 'To...pero sorry. Baka 'di na 'ko makasama." Naging seryoso pa ang mukha niya habang hinarap ang kaibigan pagkatapos uminom sa bote ng mineral water.

Nagpatuloy pa siya sa pagpapaliwanag, "Biglang nagka-commitments, e. Tapos sabi nina Mommy, may plans daw akong pag-aralin sa Manila. Although pinag-uusapan pa lang namin."

"Aba, Manila Boy ka na pala niyan. So iiwan mo na kami, gano'n?" Pabiro man ang ratsada ni Toto, pero sa totoo lang, nakaramdam siya ng lungkot sa kaniyang narinig mula kay Dimitri. Sa tagal ba naman nilang napag-usapan ito, tapos biglang mag-iiba lahat sa isang iglap lang. Walang iwanan pero isa sa kanila ang hihiwalay.

Natawa pa si Dimitri na kaunti na lang, e, mabilakukan na. "Bolang! Ano ako, mag-a-abroad? Siyempre, uuwi pa rin ako dito."

"Kung gano'n din naman, e 'di, good luck." Bigla namang nagsalita si Owen sabay irap at saka sumipol. "For sure naman, makakasungkit ka naman ng slot sa papasukan mong school." Binigyan pa niya ng emphasis ang salitang "makakasungkit" sabay taas ng kilay.

Napangiti pa itong si Dimitri bago pa nagsalita, "Sana nga, 'no? Alam mo naman kasi ako, kung gusto ko, pagsusumikapan ko talagang makuha." Malaman lahat ang mga nanggaling sa bibig ni Dimitri.

Napatingin naman si Toto na nakapagitna sa mga kaibigan niya sabay pilantik ng dila at alog ng ulo. Pagkatapos naman noon ay tahimik na lang na kumain ang tatlo sa ilalim ng puno dala na rin ng gutom.

'Di man nagtagal ay napansin na nilang paubos na ang mga dala nilang tusok-tusok sa may supot. Akmang kukunin na ni Dimitri ang nag-iisang stick ng fried isaw, pero nagkasabay sila ng kuha ni Owen. Parehas silang napatingin sa isa't isa at saka na inalis ni Dimitri ang kaniyang kamay.

"Sa 'yo na," may pagkabagot na sabi niya para ibigay ang fried isaw sa kaibigan.

"'Di, okay lang." Pero pinigilan naman siya ni Owen na mukhang may nais iparating. "Ako naman kasi lagi 'yong nagpaparaya dito."

Hindi nagpatinag si Dimitri at saka inilapit ang supot kay Owen. "O, baka sabihin mo, inuunahan kita," may puwersa pa niyang satsat para magparaya sa fried isaw.

Hindi na nakapigil si Toto kaya sumingit na siya at saka sinermunan ang dalawa niyang kaibigan. "Guys, ano ba kayo? Isaw lang 'yan, pinag-aaway n'yo pa."

Iyon ay kahit na alam niyang simpleng bagay man ang pinag-aawayan nila ay may malalim namang pinaghuhugutan ang dalawa.

Sa bandang huli ay kay Dimitri na napunta ang pinag-aagawang fried isaw. Napairap na lang ulit sabay krus ng braso si Owen. "Oo nga. Ako na nga 'yong nagbibigay, may nagrere-react pa diyan," pahayag pa niya na para bang mayroong pinariringgan.

"Ay, ang pait naman!" Bigla namang napa-rewct si Dimitri pagkasubo ng isaw kaya parehas na napatingin sina Owen at Toto sa kaniya.

"Ng isaw, 'ka ko. Ang pait." Pagkaklaro tuloy ni Dimitri kaya nabalik sa ulirat ang dalawa niyang kasama. "'Di yata nahugasan nang maayos ni Manong 'yong bituka ng manok."

"Naku, alam mo naman 'yong mga luto ni Manong, tsambahan lang talaga," komento ni Toto sabay kagat ng battered hotdog at kanin. "Pero ito talaga mami-miss ko kapag nag-college na tayo, 'yong kakain tayong sabay dito."

Pinipilit na lang ni Toto na pagaanin ang mood sa buong paligid kahit na ramdam niya ang tensiyon kina Owen at Dimitri. Hindi niya aakalain na sa huling taon pa mismo ng pagiging high school, hahantong pa sa ganito ang lahat. Masakit mang isipin pero ang gusto man lang niya ay panatiliing matatag ang samahan nila kahit na nasa bingit na ito ng pagkaguho.

Hindi man nagbabagoang lugar sa palibot nila—nariyan pa rin ang mga puno, ang palayan, ang asul nakalangitan at ang haring araw—pero nagbabago naman ang puso ng mga tao.

-30-

Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon