NAPAKAGANDA NGA NAMAN NG umaga ni Toto habang naglalakad siya papasok ng school gate. Maliban sa magandang gising sa umaga, wala ring gaanong pinagagawa ngayon sa kanila... sa ngayon. Wala pa gaanong stress kaya ang gaan lang sa pakiramdam.
Isa pa, masarap din sa pakiramdam ang pumasok nang maaga sa eskuwelahan—'yong tipong hindi siya nagpapaka-stress dahil sa pagiging late sa school...kahit na obligasyon niya talaga 'yon bilang vice president ng Supreme Student Government. Ewan na lang sa dalawa niyang kaibigan na hindi niya kasabay ngayon at mukhang late na naman sa klase.
Maganda ang sikat ng araw na sinabayan pa ng banayad na ihip ng hangin at huni ng mga ibon. Nagpe-play tuloy sa isipan niya ang kantang "Perfect Day" ni Hoku.
Wala siyang iisiping anumang negative vibes. Basta, naniniwala siyang magiging maganda ang buong araw niyang ito.
"TABI!" Hanggang sa makarinig siya ng malakas na sigaw sa likod. Napalingon tuloy siya at nakita si Paulo na paparating habang lulan ng skateboard. Papunta pa naman ito sa direskyon ni Toto habang patuloy sa pagdausos ng skateboard.
Sa bilis ng reflex ay kaagad na napatabi sa gilid ng daan si Toto at tiningnan nang masama ang asungot niyang kaklase habang papadaan ito sa kaniya. Napagilid nga rin 'yong ibang mga kasama niyang naglalakad noong mga oras na iyon.
Noong medyo lumayo na nga si Paulo, napadamba naman ng paa si Toto at sa pagkangitngit sa sobrang inis ay akmang gusto na niyang manuntok base sa gesture niya.
"Akala niya, kung sino siyang VIP," bulong pa niya sa sarili niya bago pa siya nagpatuloy sa paglalakad.
Pero hindi alam ni Toto na roon lang matatapos ang lahat.
AP subject nang first period, at katatapos lang ng short discussion noon ng adviser nilang si Ma'am Baluyut sa topic na naiwan kahapon dahil medyo nagahol sa oras.
"Okay, class, maglabas kayo ng one whole," utos ng kanilang class adviser. Mukhang may activity siyang ipagagawa sa klase. Signal na nga rin iyon na magkagulo na parang mga manok sa poultry farm ang buong klase.
Habang si Toto, tahimik lang na inilabas ang makapal niyang intermediate pad na kabibili lang kahapon. Bagong-bago pa naman ito, kompleto pa ang leaves, at naka-plastic cover pa.
Pero habang inilapag ni Toto ang papel, naramdaman niya na may kumalabit at pagkalingon niya, naroon na si Paulo na nakaabot na ang palad at mukha na ring nagmamakaawa ang hitsura niya.
"Uy, pahinging papel naman diyan, o." Sabay pang nagpa-cute itong katabi niya kasabay ng pagnguso kaya sa isang iglap ay nairita tuloy si Toto.
"O." Labag man sa loob ni Toto, napasinghal na lang siya kasabay ng pagpilas ng isang piraso ng papel at saka iniabot sa kaniya. Iyon na lang kasi ang choice niya; kaysa naman sabihan pa siyang maramot.
"Thank you, sana pagpalain ka pa ni Lord," magiliw pang saad ni Paulo na para bang napagkalooban ng biyaya kaya tinapik pa niya ang balikat ni Toto.
Seryoso pa rin itong si Toto. "Pero next time bili ka ng sa 'yo." Pagkatapos ay pinanliitan pa niya ang mata ni Paulo.
Ang buong akala ulit ni Toto, matatapos na ang kalbaryo niya nang biglang sumugod ang ilang mga kaklase ni Toto sa upuan niya.
"Toto, pahinging papel, o. Sige na."
"Ako din!"
"Pahingi rin ako!"
Pero siyempre, ang tanging option na lang ni Toto ay bigyan na rin sila ng papel kahit na bumubugnot na ang hitsura nito.
"Naku, naku." Bigla namang nagsalita si Ma'am Baluyut sa harapan nila at nagsimulang manermon. "Next time, IV-Diamond, kapag may activity tayo dapat nagdadala kayo ng sarili n'yong papel, a?"
Lesson learned para kay Toto: huwag kaagad maglalabas ng makapal na intermediate pad paper kung ayaw niyang maging instant supplier ng papel ng buong klase.
---
Oras ng recess at nakapila ngayon si Toto sa canteen para makabili ng pagkain. Medyo jam-packed nga lang ngayon ng mga estudyante sa loob na para bang may pilahan ng relief goods sa sobrang haba ng pila. Mabenta na nga rin ang mga nakalagay na sari-saring merienda sa may glass display. Kinakabahan tuloy siya at baka magkaubusan na kapag turn na niya.
Mga ilang taon nga lang ang lumipas noong turn na niya bago um-order. Sakto, nag-iisa na lang 'yong plato ng paborito niyang spaghetti na naka-display. Kung susuwertehin ba naman at nakaabot pa siya.
Habang tinitingnan pa ni Toto ang spaghetti na nasa glass display ay para bang inaakit siya nito. Kaya hindi na siya nag-atubiling um-order.
"Ate, isa pong spaghetti," ang sabi niya sa tindera sa may counter na busy rin sa paglalapag ng mga in-order ng mga nauna sa kaniya.
"Naku, pasensiya ka na, naubos na kasi 'yong spaghetti. Tapos 'yong naka-display, naka-reserve na 'yan." Biglang napayuko si Toto sa narinig sa tindera. Mukhang nasayang lang ang pagpila niya sa katotohanang hindi magiging kaniya 'yong kaisa-isang spaghetti na naka-display.
"Okay lang, spaghetti lang 'yan, ito na lang ang binulong ni Toto sa sarili niya kahit ramdam niya ang disappointment. Nagbago na nga siya ng isip at iba na lang ang in-order niya.
"Sige po, pancit na la—" Pero bago pa siya nagpatuloy sa pagsasalita ay sumingit bigla si Paulo sa pila at kinausap ang tindera. Nainis nga rin 'yong ibang mga kasama ni Toto na pumila.
Ngumiti itong si Paulo na parang endorser ng isang toothpaste commercial. "Ate, 'yong pinatabi ko pong spaghetti." Biglang nanlaki ang mata ni Toto sa narinig at tiningnan tuloy nang masama itong si Paulo.
"Naku, suwerte mo, kamuntikan ko nang ipamigay sa iba 'yong order mo," magiliw pang sumagot 'yong tindera habang iniabot sa kaniya ang in-order.
"Pa-VIP talaga ang isang 'to." Mukhang gusto nang sumabog nitong si Toto sa inis.
Ang nasa isip tuloy ni Toto, ang unfair ng mundo at talagang may favoritism ito sa ibang tao.
Tinapik naman ni Paulo ang balikat ni Toto bago nagpaalam. "Yo, una na ako." Nginitian pa nga siya na para bang inaasar siya nito.
Mukhang may balat yata sa puwit itong si Toto ay sinalo lahat ng kamalasan sa araw na iyon. Simula talaga noong dumating si Paulo sa section nila ay nagkagulo-gulo na ang lahat.
-30-
BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Teen FictionTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...