XXXVIII

81 13 14
                                    

"THIS IS IT, PANCIT!" iyon ang sabi ni Owen habang nakatingin sa salamin malapit sa may sala nila. Pinapahiran din niya ng gel ang kaniyang buhok para presentable siyang tingnan at saka rin maayos na binutones ang uniform niya; may pasipol-sipol at pasayaw-sayaw pa nga siyang nalalaman na para bang nasa isa siyang typical teen flick.

Napasilip muli siya sa salamin at ipinakita ang kaniyang flashing smile at kaniyang laid back hairstyle. Tapos saka naman siya napapilantik ng dila sabay pakita ng pogi smile na para bang contestant ng Mr. Pogi sa "Eat Bulaga". Inamoy rin ni Owen ang kuwelyo niyang amoy Bench Atlantis Body Spray.

Ito na talaga ang tamang panahon para sabihin ni Owen ang nararamdaman niya kay Annika. Sa tinagal-tagal ba namang gustong isigaw nito ang feelings niya, ngayon lang talaga siya nagkaroon ng lakas ng loob pagkatapos noong nangyari sa may palayan noong isang araw. E, lalabas at lalabas din naman ang katotohanan ng kaniyang nararamdaman kaya mabuti nang sabihin niya na ito bago pa mahuli ang lahat.

Malakas talaga ang confidence niya para dito. Malakas talaga ang loob niyang mapasasagot niya ang kaniyang kababata. Siyempre, kailangan niyang maging confident at magmukhang guwapo mamaya.

Pagkatapos ng session niya sa kanilang salamin ay nagpunta na siya sa kusina para kunin 'yong binili niyang bouquet ng mga bulaklak na inilagay niya sa ref. Talagang gumastos pa siya para dito at ginamit niya ang perang naipon galing pa sa napamaskuhan noong nakaraang taon.

"Naks, Owen, ayos ng pormahan natin, a?" komento ng Kuya Uno niya na inasar-asar pa si Owen pagkakuha ng bouquet. "Yieee~ Manliligaw na siya!" Marahan pa nga siyang inalog-alog nito na ikinabusangot tuloy ng kapatid.

"Ma, 'yong bunso natin, binata na, o!" Gusto na lang sapuhin ni Owen ang kaniyang mukha gamit ang kaniyang palad sa sigaw ng kuya niya. Mukha yatang gusto pang ipangalandakan ng Kuya Uno niya sa mga kapitbahay na aamin na ito sa taong gusto niya.

"Naku, Anak! Ang laki mo na talaga," natutuwang sabi ng nanay ni Owen pagkalapit sa binata at saka hinawakan ang magkabilang pisngi. "Parang kailan lang, amoy araw ka. Tapos, heto ka na ngayon, amoy binata na!"

"Ma, alam mo, ang OA n'yo," nakabusangot na komento ni Owen sabay kamot sa ulo.

"Natutuwa lang kasi ako, Anak, kita mo, manliligaw ka na." Kaunti na lang talaga at magda-drama na ang nanay ni Owen na sobrang proud nito sa kaniya.

Napailing na lang si Owen. "Male-late tuloy ako sa pinanggagagawa n'yo, e. O siya, sige na po, alis na po ako."

"Good luck sa 'yo, Anak!" Rinig pa nga ni Owen ang cheer mula sa nanay niya pagkakuha ng kaniyang backpack at guitar case sa may sala at saka na lumabas ng bahay. Maliban sa pabulaklak, aalayan din ni Owen ang kababata ng isang kanta.

"Pa, alis na po ako." Nagpaalam na rin siya sa kaniyang tatay na na kay-aga-aga ay nagdidilig na ng mga halaman sa may labas ng gate nila.

Napatigil pa si Mang Juan sa pagdidilig at saka pa hinawakan ang balikat nito, "Sige, Anak. Humayo ka! Iwagayway mo ang bandera ng Tatlonghari family!"

Napangiwi na lang si Owen sa pinanggagagawa ng mga magulang niya, pero natutuwa talaga siya sa pagiging supportive nila sa kaniya.

Pagkarating naman sa classroom ay napansin na ng ibang mga kaklase ni Owen ang kaniyang pormahan. Napansin niya ring wala pa si Annika.

"Aba, ano'ng mayro'n?" may kuryosidad na tanong ni Sean pagkalapit sa upuan ni Owen. "Ang cool ng ayos natin diyan, a?"

"Ay, naks, kapogi na, o!" Sumunod namang nagsalita si Drake na katabi niya.

"W...Wala," napahagikhik naman si Owen sabay irap. "New Year ngayon kaya dapat may new look din ako," pangangatuwiran pa niya sa kaklase.

Siniko naman siya ni Sean. "Ows? Baka may nililigawan ka na, e."

Akmang sasagot sana si Owen nang mapatingin siya sa may pintuan ng classroom at nakita si Annika na papasok. Hindi niya maiwasang titigan ang kababata at ang mala-anghel nitong hitsura, na isa sa mga dahilan kung bakit nahulog ito sa kaniya.

Bigla ring nag-slomo ang lahat at lumakas ang kabog ng puso niya nang tiningnan siya nito.

"Sana, mapansin niya ayos ko ngayon," ito ang hiling ni Owen sa mga oras na iyon.

"Good morning, Owen!" bati nito sa medyo kalayuan. Pero pagkatapos noon ay wala na siyang kasunod na sinabi at saka na ito naupo sa kinauupuan niya at nakipagkuwentuhan na kina Lovely.

Napayuko naman si Owen at napangiti. "Baka nagustuhan niya rin ayos ko. Ayaw lang niyang sabihin kasi nahihiya lang siya."

Tumingin din siya sa direksiyon ni Dimitri at tiningnan lang siya nang seryoso. Nararamdaman talaga ni Owen na threatened ang kaibigan nito sa kaniya sa ayos niya ngayon. Wala nang kaibi-kaibigan kung puso ang pag-uusapan.

Mas lalong na-excite si Owen sa mga mangyayari. Palakas na nang palakas ang kabog ng puso niya tuwing nakikita niya si Annika na masaya at nakangiti. Sa oras talaga ng dismissal nila, sa oras bago magsimula ang practice nila para sa project nila sa English sa may covered court, doon na siya aamin, itaga na niya iyon sa pakwan.

Ito na ang pagkakataon para ipagsigawan na siya ang the Owen kay Annika.

---

Pagkasabi ng "Class dismissed" ng teacher nila sa Edukasyon sa Pagpapahalaga, kumaripas na agad ng takbo si Owen papalabas ng classroom. Kamuntikan na nga siyang madapa sa kamamadali sa may labas ng gate pero lalaban pa rin siya. Gagawin niya talaga ang lahat sa ngalan ng pag-ibig.

"O, good luck sa 'yo, a?" nakangiting sabi ni Tita Mely na kumare ng nanay niya at may-ari ng tindahan na malapit sa school pagkabigay sa kaniya noong pinatabi niyang bouquet at gitara.

"Thank you po," sagot naman ni Owen at saka niya inayos ang sarili niya-sinabit na ang strap ng gitara niya sa may tapat ng tindahan-at nag-retouch pa nang kaunti.

Kaagad naman siyang bumalik sa school para hanapin si Annika. Naka-ready na rin ang kakantahin niya para sa kaniyang kababata na pinaka-rehearse niya pa buhat pa kahapon at 'yong mga sasabihin din niya. All set na all set na talaga si Owen.

Una niyang pinuntahan ang classroom nila pero napansin na niyang mga Grade 9 na 'yong nakapila sa labas. Siyempre, sunod na niyang ginalugad ang campus shed at saka niya sinunod ang covered court.

Talagang nararamdaman na ni Owen ang excitement sa pagkakataong ito; there's no turning back.

Marahang naglakad si Owen sa may covered court at inilibot ang kaniyang mga mata sa buong paligid at kaagad na nagliwanag ang paningin niya nang makita si Annika sa malayuan...

...na kayakap si Dimitri at may hawak rin na bouquet.

Para bang binuhusan ng malamig na tubig si Owen sa senaryong nakita niya-nakapalibot ang iba niyang mga kaklase sa dalawa at may hawak pang mga cartolina na may tig-iisang salitang nakasulat at kung bubuuin ay magiging "Annika, will you be mine?". Mukhang naunahan na talaga siya. Tapos na talaga ang laban.

Nanlumo si Owen sa nakita at para bang natapon sa wala ang lahat ng pinaghirapan niya. Isang malaking sampal talaga nang makita ang taong gusto niya na masaya sa piling ng kaibigan pa niya mismo. Magkahalong inis, panghihinayang, pagtatanong, at kalungkutan ang sabay-sabay niyang dinamdam.

Hinigpit na lang ni Owen ang hawak sa bouquet na hawak niya. Pilitin man niyang umiyak pero mas naramdaman niya ang pagkamuhi sa sarili niya. Wala na siyang magagawa pa dahil huli na rin ang lahat.

Umalis na lang siya sa covered court dala ang pusong sugatan.

Mukhang kahit ano pa ang gawin ni Owen, siya pa rin ang talo sa giyerang ito hanggang sa huli. Si Dimitri pa rin naman ang mananalo rito..

-30-

Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon