"MAMIGAY KA NAMAN. PARANG uubusin mo na yata 'yan," medyo yamot na bulalas ni Toto habang kasama niyang nanonood ng pelikula sa laptop niya ang nakababatang kapatid habang nasa loob sila ng kuwarto. Kasisimula pa lang kasi ng pinanonood nila pero nakakalahati na ni Lillie 'yong potato chips na kinakain niya.
"O, para ka namang capitalist diyan." Medyo nakabusangot tuloy na ibinigay ni Lilie 'yong bag ng potato chips sa kuya niya. "'Di ba nga, From each according to his ability, to each according to his needs."
"Wow, excuse me?" Napahagikhik naman si Toto sabay kagat ng piraso ng potato chip. "'Di uubra 'yang Karl Marx quote mo sa 'kin. Pera ko pinambili ko diyan, remember?" In-emphsize pa niya ang salitang "ko" at tinaasan pa ng kilay ang kapatid niya. Kaya natiklop si Lillie at hindi na nakaisip ng ire-rebutt.
"Oo na, oo na. Puwede, tuloy na panonood natin?" Kumuha na lang siya ulit ng limang piraso at inilagay sa gitna ng legs niya habang nakaupo silang dalawa sa kama. Saka naman ipinagpatuloy ng dalawa ang panonood.
Barbie: The Princess and the Popstar ang pinanonood nila ngayon. Special request ni Toto dahil iyon ang favorite Barbie film niya. Ang alam ni Toto, wala namang masama kung manood siya ng ganoon. Para din sa kaniya, may karapatang mag-enjoy ang lahat sa mga ganoong klaseng pelikula nang hindi alintana que babae o lalaki man ang manonood. Iyon nga lang, si Lillie lang ang nakakasundo niya kapag nanonood ng Barbie films. Panigurado kasi, wala naman siyang makakasundo sa dalawa niyang kaibigan at baka asarin lang siya ng mga 'yon.
Maliban kina Owen at Dimitri, si Lillie lang ang nakakasundo ni Toto sa lahat ng bagay...kahit na may iba-iba rin silang preferences at pinag-aawayan din minsan kung sino ang mas sikat sa KathNiel at JaDine.
Natural na hindi social animal si Toto kaya bilang lang sa daliri ang mga pinakikisamahan niya, Halos magkapareho rin kasi ng hobbies itong dalawa--lalo na ang pagbabasa ng Wattpad novels. Si Lillie talaga ang nag-impluwensiya sa kuya niya noong hiniram ni Toto ang kopya niya ng Diary ng Panget noong nakaraang taon at doon na rin nagsimula ang obsession ni Toto sa pangongolekta ng Wattpad books at saka pagbabasa ng iba pang novels sa cellphone gamit ang ebook reader. Kaya paunti-unti, nadadagdagan ang mga librong naka-display ngayon sa kanilang shelf galing sa pamimili sa mga bookstore.
In-impluwensiyahan din ni Toto ang dalawa niyang kaibigan na magbasa ng novels sa Wattpad pero mukhang hindi talaga nila hilig ang pagbabasa.
---
Katatapos lang nilang kumain ng hapunan at saka abala naman sa pagbabasa itong si Toto sa laptop niya sa loob ng kuwarto habang nakatalukbong ng kumot. Seryoso pa naman siya sa pagbabasa kahit na patingin-tingin siya sa paligid at baka may pumasok. Parang nagkaka-anxiety tuloy siya sa bawat segundong lumilipas, pero tuloy-tuloy pa rin siya sa pagbabasa sa website ng Wattpad sabay lunok ng laway.
Last year lang din noong nagawi siya sa rainbow side ng Wattpad lalo na at kinaaadikan din niya ang pagbabasa ng One Direction fan fics. Hanggang sa magawi siya sa isang story na ang main couple ay sina Zayn Malik at Harry Styles. Doon niya na-realize na bagay rin pala ang dalawang bias niya. Magmula noon ay dumami pa ang mga binabasa niyang mga ganoong kuwento sa website.
"Boo!"
"Ay, kabayong tinapa ka!" Nagulantang si Toto nang may biglang umalog sa kaniya, kaya inalis niya tuloy ang kumot na nakatalukbong sa kaniya. "Buwiset ka, Lillie. Kita mong nagbabasa ako dito." Yamot tuloy ang mukha niya kasabay ng pagkakamot ng ulo pagkakita sa kapatid niya pagkatapos ay tumabi ito sa kaniya.
"Oh, my God! Zayn x Harry fan fic ba 'yan?" medyo nabiglang sabi ni Lillie habang tinitingnan ang binabasa ni Toto. "Hala, tapos ko na 'yan, e."
"Shh. Puwede, huwag kang spoiler?"
Napatili namang itong si Lillie kasabay ng pagkapit sa braso sa kuya niya. "Tapusin mo na! In fairness, maganda 'yong story."
"Nakakalahati ko na nga, e," paliwanag pa ni Toto kahit medyo naiirita siya. Ayaw rin kasi niyang ginugulo sa pagbabasa.
Pero kahit ganoon, masaya si Toto na kahit papaano, may sumusuporta at nakaiintindi sa mga gusto niya sa buhay. Mabuti na lang talaga at nandiyan si Lillie na hindi man lang siya hinusgahan at sa halip ay nasa tabi lang niya.
-30-

BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Novela JuvenilTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...