XXX

70 11 5
                                    

SA SOBRANG EXCITEMENT NI Owen para sa kanilang field trip, alas-dose na ng hatinggabi siya nagising at hindi na nakabalik sa higaan niya para matulog ulit. Nakaayos na rin 'yong bag na dadalhin niya buhat pa kahapon na para bang hiking ang pupuntahan sa dami ng mga dadalhing gamit.

Nanood na lang siya sa sala ng pelikula, cartoons sa Cartoon Network at Disney Channel at music videos sa Myx para patayin ang oras. Wala, e. Ito talaga ang pinakahihintay niyang araw.

Mga bandang alas-tres nang madaling araw noong nagluto siya ng babaunin niya sa field trip para kainin sa lunch—fried chicken ang kaniyang lulutuin at siyempre, dinamihan niya ang luto para bigyan at ipatikim si Annika ng "specialty" niya.

Hindi man forte ni Owen ang pagluluto at kahit mas marunong pa si Dimitri sa kaniya, tiniyak pa rin niyang mula sa puso ang ihahanda at talagang bubuhusan niya ng effort itong ginagawa niya. Ilang cooking videos pa nga sa YouTube ang pinanood niya para matutunan ang pagluluto. At least, ito na ang oras na magpakitang-gilas si Owen sa kababata niya.

Kahit ilang tilamsik ng mantika ang natamo siya sa pakikipag-away sa kawali, pursigido pa rin talaga siya sa ginagawa niya. "No pain, no gain", ang sabi pa ni Owen sa sarili niya sa kabila ng pagkakapaltos-paltos ng kaniyang mga kamay.

Nilanghap muna ni Owen ang inilutong fried chicken pagkalagay sa food container bago takpan. Simple lang at hindi man ito ganoon ka-espesyal katulad ng iniluluto ni Dimitri pero sinisuguro niyang ibinuhos niya ang buong puso rito.

---

Pagkapasok sa isa sa mga bus na nakaparada sa tapat ng school ay kaagad na umupo itong si Owen sa may tabi ng bintana para makita ang view. Saktong nakasuot pa siya ng kulay blue na hoodie jacket dahil nga inasahan na niyang malamig sa loob ng sasakyan. Nasa likod naman niyang upuan si Toto. Tapos si Dimitri naman ay nakaupo sa kahanay na upuan.

Dalawang section kasi ng 4th year ang nagsama sa iisang bus at kasama nina Owen ang Diamond section.

Habang hindi pa umaarangkada ang mga bus sa biyahe ay abala ang mga tao sa pakikipagkuwentuhan sa mga katabi nila. May iba namang nagse-cellphone, kumukuha ng pictures, at mayroon ding nagsisikainan na ng kanilang almusal. Habang inaalmusal na ni Dimitri ang dalang Lay's habang naka-headphones at nakikinig sa music.

"O, kuha kayo, guys," pag-aalok niya kay Owen at saka ito inabot sa kaniya. Dumakot naman itong si Owen at kumain din at ipinasa kay Toto ang bag ng potato chips.

Pero pagbalik kay Dimitri ng potato chips, "Pambihira, nagtira pa kayo," komento nga niya sabay kamot ng ulo pagkakita sa Lay's na para bang dinaanan ito ng mga balang.

"Sorry na," hirit na lang ni Owen. "Marami ka namang dala, e."

Pero sa gitna ng pag-uusap nila ay pumasok si Annika sa loob ng bus at lumapit sa kanila. Napansin ni Owen na nakapa-tirintas ang kulot niyang buhok na para bang si Shan Cai ng Meteor Garden na bagay na bagay rin para sa mata niya.

Dahil bakante pa ang katabing upuan niya, balak niya sanang alukin na tumabi ang kababata niya sa kaniya.

Buo na sana ang lakas ng loob niya nang biglang nagsalita si Dimitri, "Annika, dito ka." Nakita pa ni Owen ang ngiti ni Annika habang papalapit sa kaibigan niya.

"Uy, dito ka na lang, Bes." Paupo na sana si Annika nang tinawag siya nina Lovely sa may likuran ng upuan ni Dimitri.

"Tabi na lang pala ako kina Lovely," pagpapaalam pa ni Annika kay Dimitri.

"Sige, doon ka na lang," pagbibigay permiso naman ni Dimitri.

"Hi, Owen!" Binati pa nga ni Annika si Owen at napangiti pa ito sa kaniya bago nagpunta kina Lovely.

Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon