XXIX

79 11 20
                                    

SERYOSONG NAGBABASA NG KULAY pulang textbook si Toto sa Araling Panlipunan habang nag-aaral sa mesa sa may terrace sa may second floor ng bahay nina Paulo, kaya tanaw na tanaw nila ang palibot na daan at mga bahay sa subdivision. Habang 'yong kasama naman niya ay busy sa pagsagot ng activity nila para sa Edukasyon sa Pagpapahalaga sa may notebook. Malapit na kasi 'yong exams kaya todo review na rin sila.

Napadadalas na rin ang pagpunta ni Toto sa bahay nina Paulo para doon mag-aral pagkatapos ng klase. Oo, maganda rin 'yong mag-aral at mag-review nang mag-isa. Pero nito lang na-realize ni Toto na ayos na rin ang pagkakaroon ng study buddy. Masarap din pala ang pakiramdam na may kasamang pareho ang gustong gawin.

Medyo naiinis pa rin si Toto sa kaklase lalo na at permanente na talaga ang pagiging asungot nito. Kung sa bagay, sanay na sanay siyang napalilibutan ng dalawang asungot sa loob ng maraming taon. Mas asungot nga lang ang kasama niya ngayon. Ibang level lang ang kaasungutang taglay ng isang Allan Paulo Del Monte.

Biglang nagbasa nang malakas si Paulo na para bang tinatanong si Toto, "Kung nakita mo ang kaklase mong baldado na nahihirapan sa pagdadala ng gamit, ano ang gagawin mo?" Galing sa sinasagutan niya 'yong tanong.

Kasunod na sinabi niya ang choices, "Letter A, pagtatawanan siya? Letter B, hindi siya papansinin at hahayaang mahirapan? Or Letter C, tutulungan siya sa pagdadala ng gamit?"

Mas straight pa sa ruler ang mukha ni Toto sa sagot niya habang natigilan sa pagbabasa, "Letter B. Manigas siya."

"Wow, a? Ang ganda naman ng sagot mo. Nakulangan ka ba sa GMRC?" panumbat pa ni Paulo sa kaklase sabay lapit ang mukha sa kaniya.

"Depende naman kasi kung deserve no'ng tao 'yong GMRC ko," pangangatuwiran naman ni Toto at saka siya nagtaas ng kilay. "Baka kasi asungot pala 'yong taong 'yon," pagpapaliwanag pa niya sabay bigay emphasize pa nga sa mga salitang "asungot" at "taong" na para bang pinatatamaan si Paulo.

Pinanliitan pa ni Paulo ang mga mata niya sabay tingin sa study buddy. "Alam mo, ikaw? Ang cute mo talaga!" Pagkatapos noon ay kinurot niya ito sa pisngi gamit ang kaliwang kamay na nagpabusangot pa kay Toto. "Sarap mong isako." Iyon na lang ang satsat ni Paulo sabay hagikhik. Madalas talaga (hindi minsan), hindi kinakaya ni Paulo ang pagiging hyper nito; para ngang cartoon character itong si Paulo.

"Wait, may tanong bang ganiyan?" Bigla pa ngang hinablot ni Toto ang papel na sinasagutan ni Paulo at saka tiningnan iyon. "Niloloko mo lang yata ako, e!" pagre-react pa niya habang tiningnan nang masama ang asungot. At saka pa nga ngumiti at nag-peace sign si Paulo.

Hindi change ang constant sa mundo kung hindi ang pagiging loko-loko ni Paulo. Pero kahit ganoon, hindi na naging constant ang pakikitungo noon ni Toto sa kaklase. "Tolerable" naman pala itong kasama kahit papaano; kaya namang pagtiyagaan. Marami pang baong trivia and facts na para bang si Kuya Kim.

Buwisit mang kasama itong si Paulo pero napagagaan naman niya ang atmosphere ni Toto.

"O, mga anak. Mag-merienda muna kayo." Habang patuloy sa pagre-review ay biglang dumating si Tita Milay at may dala-dalang tray ng mga biskuwit at saka bote ng Royal.

"Naks, may pa-snacks!" masigla pang bulalas ni Paulo pagkakuha ng chocolate cookie sandwich.

"Behave lang kayo diyan, a?" paalala pa ni Tita Milay sa dalawa at saka naman hinimas ang ulo ni Toto. Kung gaano ka-hyper ang anak ay ganoon din ang nanay sa katauhan ng nanay ni Paulo.

"Yes po, Tita. Thank you po," sagot na lang ni Toto bago nagpatuloy sa pagbabasa at saka na siya patuloy na nagbasa. Kaunti na lang at masasanay na siya sa kaingayan ng pamamahay na ito.

Habang nakapokus pa nga sa pagbabasa, kumuha siya sa pinggan ng biskuwit pero naramdaman niyang may dumampi sa kamay niya. Pagkatingala ay napansin pa nga niyang nagkatinginan sila ni Paulo. Sa una, bakas sa mukha ng kaklase niya ang gulat pero sumilay rin ang ngiti sa labi nito na mas ikinagulat pa ni Toto.

Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon