ARAW NA NG CHRISTMAS Party at siyempre, hindi mawawala ang magandang set-up ng classroom na collaborative effort ng IVPearl at ng Grade 9–Bonifacio sa pag-aayos. Paanong hindi maganda, e, sinulit talaga ang class funds na kinolekta ng Treasurer mula sa buong klase at isama pa 'yong mga namumulta kapag may nalilista sa noisy.
Nakaayos naman sa bawat corner ang mga upuan para magkaroon ng space sa gitna. 'Yong teacher's desk naman, doon inilagay 'yong mga regalo para sa exchange gift. Nakalagay na rin 'yong mga dalang bilao ng mga pagkain sa may upuan sa harap ng classroom bulletin board.
Nagkaroon din ng mini-program kung saan may performance ang ibang mga estudyante ng IV–Pearl. May ibang mga may "pasabog" na dance number na para bang pang-"ASAP" o kaya "Sunday All Stars" ang performance. Siyempre, mayroon ding mga naghanda ng kanilang musical number.
"Ready na ba kayo, guys?" tanong ni Owen sa buong klase noong turn na niya. Nakaupo na siya ngayon sa monobloc chair na nakalagay sa gitna habang nakakandong na sa kaniya ang kaniyang gitara.
"Go, Baby Owen!" pasigaw pang pag-cheer nina Sean at Dimitri bago nagsimulang kumanta at saka naman sila pinagngitngitan ng ngipin ni Owen.
"Okay, please welcome Owen," pag-announce pa ni Sir Sevilla sabay nagpalakpakan ang lahat.
Pero siyempre, sandang sumulyap muna siya kay Annika na nakangiti sa kaniya ngayon sabay thumbs up. Naubo muna siya bago sinimulan ang pag-strum ng gitara at pagkanta ng "Thinking Out Loud" ni Ed Sheeran na panibago niyang paboritong kanta.
Madamdamin talaga itong pag-awit ni Owen habang pinapalakpakan ng mga nanonood sa kaniya. Talagang hugot na hugot sa banga 'yong bawat bigkas niya habang pinagmamasdan si Annika na kasama sa audience at nakisabay sa sing-along ng mga kaklase niya.
Mas na-motivate pa nga si Owen sa pagkanta habang nakikita ang maaliwalas na mukha ng kaniyang kababata na hindi siya magsasawang pagmasdan.
"Grabe, tangkad mo na, a?"
"Ano ka ba, Owen...huwag kang kabahan."
Hindi tuloy maiwasan ang pag-flashback ng mga pangyayari buhat ng lumipat si Annika sa Telacsan National High School. Walang kaalam-alam si Owen na magbabago ang ikot ng mundo niya sa huling taon niya sa high school.
Kung alam lang sana ng kababata niya na sa kaniya iniaalay ang kantang ito. Kung alam lang nito ang isinisigaw ng puso ni Owen. Pero hanggang tanaw lang talaga itong si Owen kay Annika. Para itong notes ni Mariah Carey o kaya ni Celine Dion—mahirap abutin.
---
Mga bandang 11 AM na natapos ang party pero nagpaiwan muna ang officers at 'yong ibang mga estudyante para ayusin ang classroom para sa susunod na section na gagamit sa mga bandang hapon.
Pero siyempre, inilabas na rin ni Owen ang kaniyang alas mula sa paper bag na kani-kanina pa niya bitbit—ang ipanreregalo niya kay Annika. Oo, hindi man siya ang nabunot niya sa exchange gift pero gusto pa rin niyang magbigay ng regalo sa isa sa mga espesyal na tao sa buhay niya.
Alam ni Owen na gusto ni Annika ng teddy bears kaya siguradong magugustuhan nito ang ireregalo nito para sa kaniya. Gumastos pa nga si Owen na bumili ng teddy bear sa may Blue Magic sa SM.
Iyon nga lang ay kaagad na lumabas si Annika ng classroom kaya hinanap ito ni Owen kung saan-saan. Napakamot pa nga siya ng ulo at saka kinabahan na baka hindi niya maibigay ang regalo.
Pero habang kasama si Toto na naglalakad, masuwerteng nadatnan ni Owen si Annika sa tapat ng students' restroom malapit sa kanilang classroom.
Napatingin muna si Owen kay Toto at saka ito tinanguan bago tuluyang lumapit sa kababata.

BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Dla nastolatkówTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...