"NASA'N NA KAYA 'YANG si Dimitri?" naiinip nang tanong ni Owen habang nakapameywang na at nakatayo sa may entrance ng sinehan habang kasama si Toto na nakapakrus naman ang braso. Ang kamalasan pa nga, saktong naubusan siya ng load sa cellphone kaya hindi niya matawagan o ma-text man lang ang kaibigan niya. Pusturang-pustura pa naman ang dalawa sa suot nila—dark gray na unzipped hoodie jacket na nasa ibabaw ng white t-shirt at moss green cargo pants kay Owen at blue polo shirt at maong pants naman ang suot ni Toto.
"Baka maraming nakapila sa counter, pero parating na siguro 'yon," sagot naman ni Toto habang hawak ang tatlong tickets. Nasa likuran pa naman niya 'yong standee na may poster ni Kathryn Bernardo at si Daniel Padilla na naka-bandana at mahaba ang buhok.
Napatingin pa si Owen sa wristwatch niya, five minutes na bago ang showing time ng pelikulang panonoorin nila sa loob. Nag-volunteer pa kasi itong si Dimitri na bumili sa supermarket ng snacks na kakainin nila sa sinehan. Kahit araw ng Linggo ay kakaunti pa ang mga nakapila sa ticket booth. Sumakto talaga silang tatlo para sa first showing.
Habang nagkakamot ng ulo si Owen, napatingin naman si Toto habang nakatingin sa lalaking paparating na lulan ng escalator sa tapat nila.
"Speaking of the devil," pambungad ni Toto pagkakita kay Dimitri na may karga na mga pinamili sa kanang kamay at saka rin siya may bitbit na maliit na box ng Red Ribbon sa kaliwang kamay. Nakasuot naman ito ng cream and dark brown-colored striped polo na naka-unbutton at naka-baston na pants.
"Hay naku, Dimitri, salamat at nakarating ka din! Tapos na namin 'yong movie." Nagawa pang magbiro ni Owen sabay hampas ng braso ng kaibigan. Napalingon pa siya sa bitbit na kulay pulang box na ipinasa at ibinitbit niya. "Naks! Bakit may pa-cake?"
"Siyempre, congratulatory gift for Toto, 'no?" napangising sagot naman ni Dimitri with pride pagkatapos ay napatingin kay Toto.
"Ang galing-galing mo talaga!" Kinurot pa ni Owen ang pisngi ng kaniyang pinsan na naging dahilan para bumusangot siya sabay ayos ng salamin.
"Deserving ka naman kasing manalo sa contest. Kaya congratulations ulit!" segunda naman ni Dimitri kasabay ng paghimas sa buhok ni Toto.
"Kikiligin na ba 'ko?" straight faced na satsat ni Toto kay Dimitri.
"Depende kung gaano ka kapatay sa 'kin." Ngumisi pa ulit si Dimitri sabay kindat.
"Wow, asa!" pambabasag ni Toto sa pagpapa-cute ng kaibigan.
Biglang napasingit si Owen, "O, ano na? Hindi pa tayo papasok? Magsisimula na 'yong movie." Kanina pa tuloy siyang aligaga at nangangati nang pumasok sa loob ng sinehan.
Pagkapasok sa sinehan ay dumiretso sila sa may itaas para doon maupo; for better viewing experience daw kasi at doon talaga magandang manood. Mabuti na lang at wala pang masiyadong tao kaya nakapili pa rin sila ng mauupuan.
Nasakto nga lang na napaupo sila sa tapat ng mag-jowang naglalampungan. Kaya napabulong pa si Owen sa pinsan niya sabay turo sa magjowa. "Hindi ba uso privacy sa dalawang 'to?"
Napahagikhik pa si Dimitri na kumakain na ng potato chips bago sumagot. "Parang mas tinalo pa nila panonoorin natin." Pinakahina talaga nila ang boses nila at baka masita sila.
Sa totoo lang ay nagdadalawang-isip pa sina Owen at Dimitri sa panonooring pelikula—"She's Dating the Gangster" lalo na at hindi talaga mahilig sa romance genre ang dalawa. Pero no choice kasi si Toto talaga ang may gusto noon at siya rin naman ang taya kaya siya ang masusunod. Sinet talaga ng magkakaibigan ang araw ng Linggo para i-treat si Toto na kapapanalo lang sa isang contest sa Science.
Iyon lang ay kung matitiis nina Owen at Dimitri ang panonood ng pelikula sa loob ng dalawang oras.
Seryoso pa nga itong si Toto habang nanonood sa malaking screen at kumakain ng tira-tirang corn kernels sa popcorn na hindi pumutok habang tinitingnan-tingnan pa ang mga kaibigang tahimik lang na nanonood at saka sumilay ang ngiti sa labi. Paano ay natutuwa siya sa simpleng ginawang ito ng mga kaibigan niya sa kaniya.

BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Teen FictionTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...