XXXVII

73 11 9
                                    

NAKASANDAL SA PUNO SI Owen at nakapa-Indian sit naman si Toto habang nakatambay sila sa may palayan. Sinabihan kasi sila ni Dimitri na mauna na silang dalawa roon pagkalabas nila ng paaralan at susunod na lang ito sa kanila. Bumili na rin 'yong dalawa ng kakainin nila na siyempre, ang walang-kamatayang tusok-tusok ni Manong.

"Bakit ba ang tagal ni Dimitri? Ano siya, VIP?" yamot na tanong ni Owen habang napatingin sa kaniyang cellphone. Magbe-beinte minutos na kasi at wala pa 'yong isa nilang kasama.

"Ano ka ba? Baka on the way na 'yon," pagpapaliwanag na lang ni Toto. Napakibit-balikat na lang siya kahit hindi rin niya alam kung saan na nagsususuot ang kaibigan nila.

"'Di ko talaga alam trip no'n. E 'di sana, hindi na lang tayo pinaghintay. Lumamig na 'yong binili natin, o." Pikon na pikon na tuloy si Owen at nagpatuloy pa sa pagtatatalak. Kanina pa kasi namumuro si Dimitri sa pagiging late noong umaga—kaya nga hindi sila kaagad nakapag-report sa Physics kahit grupo nila ang una dapat sa magre-report.

Si Dimitri kasi ang nagdala ng visual aids nila at dahil doon ay na-deduct ang overall points nila. Ang dahilan pa nitong si Dimitri, na-late na nga ng gising, nagawa pang mag-ayos ng buhok.

"Hi, guys!" Parang kabute namang sumulpot ang kaibigan nila pagkatirik ng bike na sinasakyan sa tabi ng daan katabi mismo ng puno.

"Sa wakas naman, dumating ka—" Natigilan si Owen sa pagbati nang sumagi sa mata niya ang isa pang dumating sa tambayan nila.

"Uy, hello!" Para bang naistatuwa si Owen nang makita si Annika na nagbibisikleta at kasunod lang pala ni Dimitri na pumunta rito sa tambayan nila. Hindi niya i-expect na darating si Annika.

"Hi...Annika. W...Welcome!" Si Toto naman ang nag-welcome pagkatapos ay naupo na ang dalawa sa palibot nila. Kahit siya ay nasa state of shock pa rin sa mga nangyari. Wala rin naman kasing pasabi si Dimitri na may isasama siya papunta rito.

"Naku, sorry, guys, a? 'Di talaga unexpected 'yong pagpunta ko dito. Ito naman kasing si Dimitri, siya talaga nagyaya sa 'kin," pagpapaliwanag ni Annika kina Owen at Toto.

"Oo nga," segunda naman ni Dimitri. "Nakasalubong ko kasi siya kanina sa labas ng school, kaya niyaya ko na din siya para siyempre ipakita 'yong magandang view ng palayan. Sinamahan ko pa nga si Annika pauwi sa kanila para kunin 'yong bike niya."

"Okay lang 'yon," nakangiting sagot naman ni Toto sabay tapik sa balikat ng kaibigan. "The more, the merrier nga, 'di ba?"

"Pero don't worry, nagdala pa 'ko ng maraming ulam." Ipinakita pa tuloy ni Dimitri 'yong dala niyang supot ng mga pagkaing binili nila sa may kariderya bago nagpunta rito.

"Naku, thank you! Kanina pa talaga kami gutom kahihintay," bulalas naman ni Owen nang mayroon siyang gustong sabihin.

"O, ito gamitin mo." Iniabot ni Dimitri ang kaniyang Tupperware kay Annika na may lamang kanin.

"Pa'no ka, saan ka kakain niyan?" tanong si Annika sa kaniya nang may pag-aalala.

"E 'di, dito." Pinakita naman ni Dimitri ang takip ng lalagyanan niya ng baunan.

Pailing-iling lang si Owen para iwasang tingnan ang dalawang magkatabi na abala sa pakikipagkuwentuhan habang kumakain ng tanghalian.

Sa totoo lang, sa tinagal-tagal ng panahon, wala pang naisasamang ibang tao ang tatlo sa kanilang tambay place. Para na ngang sanctuary at ikalawang tahanan na ang lugar na ito sa kanila (hindi pa counted ang bahay nina Dimitri). Espesiyal ang lugar na ito sa magkakaibigan at kung mayroong ibang taong maisama sa tambay place nila, ang ibig sabihin lang noon ay mahalaga ang taong iyon.

Ang ikinaiinis talaga ni Owen ay kung gaano ka-espesyal si Annika kay Dimitri kaya siya naisama rito at kasama nila ngayong kumakain. Dobleng pang-aasar pa dahil si Owen dapat ang nasa posisyong iyon ng kaibigan niya.

Naglasa tuloy ampalaya ang kinakain niyang chicken skin at nawalan tuloy siya ng gana sa pagkain kaya binitiwan niya ang kaniyang Tupperware na may kanin.

"Gusto mo? Mukhang favorite mo, e." Nakita pa ni Owen kung paano inalukan ni Dimitri ng fried isaw si Annika at saka inilagay sa Tupperware na kinakainan ngayon ni Annika. Napangitngit pa ngipin ni Owen kapag nagkikita ang dalawa tuwing nag-uusap sila. Naaasiwa pa nga mata nito kapag nakikita rin kung gaano kasaya si Annika kapag kasama ang kaibigan.

Hindi na rin nagpatinag si Owen at saka siya naglagay ng tubig sa baso mula sa water jug niya at saka ibinigay sa kababata. "Annika, tubig, o. Pakakabsi ka ken." Pinaalalahanan pa ang kababata niyang magpakabusog. Napangiti pa ito nang kay tamis nang tinanggap ito ni Annika. Siyempre, hindi magpapatalo si Owen.

Bumawi naman si Dimitri at inalukan pa ng ulam si Annika at saka naman pasimpleng tumingin kay Owen. "Try mo 'tong bistek, masarap 'yan."

Natigilan pa tuloy sa pagkain si Annika at saka pa nagkomento. "Ano ba naman kayo? Hindi naman ako bata para i-baby n'yo. Kaya ko 'to, 'no?" Tiningnan pa niya pareho ang dalawang nakapalibot sa kaniya.

Nagpatuloy pa ang kuwentuhan nina Dimitri at Annika at halos hindi na rin makasabay ang dalawa nang kasama sa usapan nila. Talagang matatag na ang closeness ng dalawa lalo na at sila na rin ang laging magkakasama. Isang malaking torture nga kay Owen ang mga hirit ang mga titigan nila sa isa't isa.

Ang ganda talaga ng view dito, 'no? Tapos ang sarap pang kumain kapag ganito pa 'yong nakikita ko. Iba pa rin kapag malapit sa nature." Napatingin pa si Annika sa mga kasama niya habang binibigyan talaga ng oras ang pag-appreciate sa paligid niya.

"Oo nga, maganda 'yong view ng katabi ko." Napatingin pa si Dimitri kay Annika at nagbigay pa ng mga makahulugang ngiti. Pero mga ilang saglit lang, nagawi naman ang tingin niya kina Owen. "Ng mga puno, tapos 'yong mga palayan."

Nagpatuloy pa sa pangangasim ang mukha ni Owen na kulang na lang ay sasabog na dahil kanina pa nakakuyom ang kamao niya habang pinagmamasdan pa si Dimitri na nakangisi pa sa kaniya na para bang nanghahamon.

Hindi na lang din nagsasalita si Toto na malamang ay naiipit na sa drama sa pagitan ng dalawa niyang kaibigan.

Napasinghal na si Owen at hindi na napigilan ang bugso ng nararamdaman. "Guys, pahangin muna 'ko saglit," anunsiyo niya bago tumayo sa inuupuan niya.

"Uy, 'di mo pa nauubos pagkain mo, a?" sabi naman ni Toto sa kaniya pero seryoso naman siyang tiningnan ng kaniyang pinsan.

"Maya na lang, busog na pala ako." Nagbigay pa ng makahulugang ngiti si Owen bago naglakad palayo sa may tambayan nila.

Mukhang kailangan nang gawin ni Owen ang susunod niyang hakbang; kailangan na talaga niyang gumalaw ora mismo.

-30-

Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon