SINA DIMITRI, ANNIKA, TOTO at Sean na ang nagkasama noong pumunta sa may Wheel of Fate para sumakay bago bumalik sa bus. Hinuli na talaga nila ang pagsakay sa tsubibo dahil ang sabi ni Dimitri, maganda raw na sumakay rito kapag gabi.
Mabuti na lang at kaunti lang ang nakapila sa mga oras na iyon kaya madali lang sa kanila niyang makasasakay ng Ferris wheel.
"O, una na kami ni Toto, a?" pagpapaalam ni Sean bago sila pumasok sa may bumabang gondola ni Toto.
"Sige, enjoy kayong dalawa."
"Kayo din, yieee~" huli pang sabi ni Sean sabay sundot sa tagiliran ni Dimitri bago sila pinapasok ng ride attendant.
"Bye!" pagpapaalam ni Annika sa dalawa. Pagkatapos ay umangat na 'yong gondola ng ferris wheel at saka naman dumating 'yong isa pa na sasakyan naman nina Dimitri.
"Tara na," nakangiting pagyayaya ni Dimitri at saka rin gumanti ng ngiti si Annika bago sila pumasok sa loob.
Medyo tahimik nga lang ang dalawa na umupo nang magkaharapan sa loob dala na siguro ng pagod sa paglilibot at pagsakay sa iba't ibang rides dito sa EK.
Pero nang unamdar na 'yong ferris wheel ay nagkuwento bigla si Dimitri sa kaklase, "Nakaka-miss sumakay dito. Parang second year pa no'ng huli kong sakay dito."
"E 'di ikaw nang gala," natatawa namang komento ni Annika—'yong contagious na tawa niyang nakapagbibigay ng gaan ng loob kay Dimitri.
"Favorite ko din 'yong sa Disneyland no'ng nagpunta kami, grabe! Ang memorable noon para sa 'kin." Patuloy pa sa pagkukuwento ang binata habang matama lang na nakikinig si Annika sa kaniya habang tinatanaw nila ang nasa labas na view.
Kahit napuntahan na ni Dimitri ang "happiest place on earth", iba pa rin ang sayang dala kapag kasama niya si Annika.
Habang papaangat pa nga sila ay kitang-kita nila ang night view ng buong amusement park mula sa ibabaw na talagang napakaganda.
Mas lalo pa ngang gumanda ang tanawin noong nasa tuktok na sila at biglang may nagpa-fireworks display at nagsilabasan ang mga makukulay at matitingkad na paputok sa kalangitan. Kitang-kita talaga ang pagkamangha ni Annika sa mga oras na iyon. Sadyang ang magical nga ng mga sandaling iyon—na bagay na bagay sa lugar kung nasaan sila.
"Akala ko, sa mga napapanood ko lang na movies at saka series lang ako makakakita ng ganito," komento pa niya na para bang hindi makapaniwala sa nakikita. Kumbaga, parang cherry on top na ang karanasang ito sa kaniya.
Cliché mang pakinggan pero hindi na nga ito pelikula dahil totoo na lahat ng ito na nasasaksigan nila katulad ng feelings ni Dimitri sa dalaga na patuloy na nakatingin sa kaniya.
"O, ano'ng tinitingin-tingin mo diyan?" may pagtataka pang tanong ni Annika kay Dimitri sabay hampas nang marahan.
"Wala, ang ganda kasi ng view," nakangising sagot naman ni Dimitri sabay sapo ng palad ang baba niya.
Napailing naman si Annika habang tiningnan na lang ang tanawin sa labas. "Ewan ko sa 'yo," iyon na lang ang sinabi niya kaya mas natawa na lang si Dimitri sa pinanggagagawa nito.
"Alam mo, mag-picture na lang tayo. Dali!" Kaagad na kinuha ni Annika ang cellphone niya at nag-selfie silang dalawa ng kasama niya habang background nila ang fireworks sa kalangitan.
Para kay Dimitri, hindi mahirap na magkagusto kay Annika. Napakasimpleng tao lang kasi nito at palaging game sa anumang trip. Napakagaan ding kasama nito kaya madaling makahulugan ng loob. Hindi rin maikakailang iyon din ang dahilan kung bakit may gusto rin dito si Owen.
Pursigido na talaga si Dimitri sa nararamdaman niya at ayaw na niyang magpaligoy-ligoy pa. Wala na talaga itong atrasan kaya gagawin na niya ang lahat para makuha ang puso ng taong gusto niya.
Pero sa mga kumikislap na mga mata ni Annika, nakikita ni Dimitri ang pag-asa.
---
Kinusot ni Owen ang kaniyang mga mata at tiningnan ang oras sa kaniyang cellphone: alas-diyes na ng umaga. Sobrang late na rin kasi silang umuwi galing field trip at inabot na yata ng hatinggabi bago siya nakauwi sa kanila. Nandoon pa rin 'yong aftershock mula sa mga pangyayari buhat kahapon kaya nangangalay pa rin ang buong katawan niya at ayaw pa nga niyang bumangon sa hinihigaan.
Nagbukas muna siya ng kaniyang Facebook account para tingnan kung may nag-post na ba sa mga kaklase at kaeskuwela niya sa field trip nila.
Siyempre, unang-una si Sean na mukhang lagpas 50 photos ang in-upload.
Pero ang agaw-pansin kay Owen ang in-upload na pictures ni Annika habang nakasakay sa may Ferris wheel. E, sino pa ba ang kasama niya?
Dahil may pagka-masokista ay tiningnan pa rin niya ang pictures at nakita sila ni Dimitri na magkasama. Kitang-kita ang lawak ng ngiti sa kanilang dalawa na mukhang inaasar itong si Owen.
Mukhang ayaw talagang ipagsama ng pagkakataon sina Owen at Annika. Kung hindi katorpehan ni Owen, sakit naman ng ulo ang umepal sa pagkakataong iyon.
"Buwiset na sakit ng ulong 'yan! Panira talaga ng moment kahit kailan," naiinis na bulong tuloy ni Owen sa larawang nakita niya.
Kung hindi lang siguro sumakit ang kaniyang ulo, mukhang magiging iba ang takbo ng lahat.
Napabitiw na lang ng buntong-hininga si Owen sabay kalmot ng ulo at saka marahang tumayo sa hinihigaan para lumabas ng kanilang kuwarto.
Hanggang saan kaya siya dadalhin ng katorpehan niya? Iyon angkatanungang hindi masasagot ni Owen.
-30-
BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Подростковая литератураTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...