TILA WALA SA HUWISYO si Owen habang nakaupo sa kaniyang inuupuan. Wala nga yata siyang motivation sa mga bagay-bagay dahil sa mga pangyayari buhat kahapon lang. Maliban sa umuwi siyang luhaan, sadyang nanghihinayang talaga siya sa pagkakataon.
Biglaan din ang pagputok ng balitang umamin na si Dimitri kay Annika na pinagdiwang pa ng buong section. Kulang na lang at magpamisa at magpa-pista na sa buong classroom dahil lumayag din sa wakas ang "ultimate ship?" nila. Sila-sila lang ang may magandang umaga na ipinagkait naman kay Owen.
Lumakas pa lalo ang tilian ng ibang mga kaklase nila nang magkasamang pumasok sa classroom sina Dimitri at Annika na dinaig pa ang KathNiel at JaDine. May iba pa ngang nagsaboy ng confetti na gawa sa ginupit-gupit na piraso ng bond paper.
Talagang kita ang sweetness nila sa isa't isa lalo pa noong inalalayan pa ni Dimitri ang ngayon ay kasintahan na maupo sa upuan niya. Talagang lumabas na ang pagiging gentleman nito.
Mala-Valentine's Day ang paligid nang dahil sa love birds, pero All Saint's Day ang ginugunita ngayon ni Owen para magluksa sa puso niyang patay na at nakahimlay sa libingan.
Naaasiwa lang si Owen habang tinitingnan ang magkasintahan at hindi man lang niya pinapansin magmula pa kahapon. Hindi pa rin talaga niya matanggap ang katotohanan at maski siya ay hindi alam kung hanggang kailan siya magiging ganito sa nararamdaman niya.
Sa mga oras na iyon, tuluyan nang pinutol ni Owen ang anumang ugnayan niya kina Annika at Dimitri.
---
Sina Owen at Toto lang ang nasa may palayan na nakatambay pagkatapos ng klase. Wala na rin namang pakialam itong si Owen kung wala pa 'yong isa nilang "kasama". Hindi rin naman kasi ito kawalan.
"Huwag mo nang hanapin 'yong wala, Toto. Mukhang masaya na siya sa bagong buhay niya, e," paliwanag ni Owen na gumuguhit ang sama ng loob sa bawat pananalita niya.
Pero mas nakaramdam si Toto ang lungkot sa mga pananalitang iyon ni Owen tungkol kay Dimitri. Kahit na ganoon ay kaibigan pa rin naman nila ito at ayaw niyang nang dahil lang sa pangyayaring iyon, matatapon lang ang samahan nila sa loob ng pitong taon.
Naiintindihan naman niya ang pinanggagalingan at pinaghuhugutan ng pinsan niya pero alam niyang biktima lang ang dalawa niyang kaibigan ng pagkakataon kaya naiipit siya sa pagitan nila.
Nag-aalala lang talaga si Toto para sa dalawa.
Pero sa gitna ng pagsasalita pa ni Owen, napalingon silang dalawa at nadatnan si Dimitri na kadarating lang gamit ang kaniyang bisikleta.
Sarkastikong napapalakpak si Owen sabay bati sa pagdating ni Dimitri. "Uy, dumating siya, o! Welcome. Mabuhay ang bagong kasal."
Tiningnan lang siya nang masama ni Dimitri na umupo lang sa ilalim ng puno. Mas hindi na rin mapakali si Toto.
"Saya-saya natin, brad, a?" Nagpatuloy pa sa pagsasalita si Owen—pero para bang may kamandag ang lumalabas sa bibig niya.
"Palibhasa kasi masaya na 'yong isa diyan. E 'di siya na masaya." Napatingin pa siya kay Toto nang pinariringgan din si Dimitri. "Congratulations kasi."
"May problema ka ba?" Tiningnan pa siya lalo ng masama ni Dimitri at saka napakuyom pa ang kamao.
"Bakit, masama bang magsabi ng 'congratulations'? Sana maging masaya kayo ni Annika."
Hindi na nakapagtimpi pa si Dimitri at saka na siya tumayo at biglang hinigit ang kuwelyo ni Owen.
"Ano bang ikinapuputok ng butsi mo, a?" Tumaas ang boses ni Dimitri sabay ngitngit ng ngipin kay Owen.
"Ano ba, tumigil na kayo!" pag-aawat ni Toto sa dalawa.
"Pagsabihan mo 'yang pinsan mo, Toto," may galit na saad pa ni Dimitri sa kaibigan habang tinitingnan su Owen na napatayo at inayos ang kaniyang uniporme. "Akala niya kung sino siyang makaasta. Hindi ko kasalanan kung sa akin nahulog si Annika."
"Wow, so, hindi pala kasalanan ang manulot?" Nilapitan pa ni Owen si Dimitri at saka binunggo-bunggo ito.
Hindi na rin nakatiis si Toto at napatayo na rin nang dahil sa dalawa.
"G*go ka ba? Sino bang kukupad-kupad sa 'tin?"
"Kapal din ng mukha mong an*mal ka!" Hanggang dito ay mayroon pa ring sapawan—pataasan ng boses—walang nagpapatalo at patuloy lang na umaalingawngaw ang mga ito na siyang ikinaririndi ni Toto.
Patuloy pang rumagasa ang sama ng loob ni Owen kay Dimitri. Hindi na nga ito 'yong dati niyang itinuring na kaibigan.
"Ikaw na kasi! Sa 'yo na 'yong lahat. Ikaw nang guwapo! Ikaw nang mayaman! Ang dali lang kasi para sa 'yong makuha lahat. E, ano'ng panama ko sa 'yo? Wala!"
"WOW!" Napasigaw pa si Dimitri na hinarap si Owen, "So, sa 'yo pa nanggaling 'yong mga salitang 'yan, a? Naririnig mo ba sarili mo, Owen?" Talagang ayaw rin niyang magpatalo rito.
"P*cha naman, Owen! 'Di ko kasalanang nahulog sa 'kin si Annika. Huwag kang nag-iinarte diyan na parang inagaw ko ang lahat na hindi naman sa 'yo in the first place."
Sa sinabing iyon ni Dimitri ay mas bumulusok sa galit si Owen at akmang susuntukin na niya ito pero hindi na rin napigilan ni Toto na pumagitna at tinulak ang dalawa. Gusto na niyang tapusin ang ginawang kaguluhan ng mga kaibigan niya.
"TAMA NA! SABI NANG TUMIGIL NA KAYO!" Hindi na nagawang matiis ni Toto na makitang halos makipagpatayan na ang dalawa niyang kaibigan. Hindi niya aakalaing mangyayari ito sa kanila at hindi niya inasahang magiging ganito ang kahihinatnan ng lahat. Napasinghal pa si Toto bago nangilid ang luha sa mga mata niya habang parehas na tiningnan pa ang dalawa. "Ang lalaki n'yo na, kahit simpleng gulo, pinalalaki n'yo pa!"
Bihira lang na magpakita ng anumang kahinaan si Toto pero ibang usapan na kung mga kaibigan niya ang sangkot dito. Siya rin mismo ang nakasaksi kung paano tuluyang nasira ang pagkakaibigan nila.
Mapuwersa pa ang mga sumunod niyang sinabi sa gitna ng mga paghikbi nito, "Alam n'yo, kung balak n'yo lang sirain 'yong l*cheng pagkakaibigan nating 'to, bahala na kayo sa buhay n'yo!" At saka na siya tumakbo paalis at lulan ang bike ay kumaripas ito ng pagpedal sa daan habang patuloy sa pag-iyak.
Ito na ba ang katapusan sa pagkakaibigan ng tatlo? Tuluyan na bang naging bahay na dayami ang samahan nila na tuluyang winasiwas na ng malakas na hangin?
-30-
BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Novela JuvenilTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...