NAPASINGHAP si Toto pagkarating sa lugar na may espesyal na bahagi sa buhay niya. Maaliwalas na asul na langit, maberdeng paligid, at pamilyar na ihip ng hangin ang tila ba nagsasabi sa kaniya na "Welcome back". Matagal-tagal na rin siyang hindi nakapaglibot dito gamit ang bisikleta lalo na at naging busy rin dahil graduating na siya at...wala na rin namang ibang dahilan para mamalagi pa rito.
Ngunit heto, katapos at katapos ng kanilang graduation ceremony at pagkauwi sa bahay ay kaagad na nagpunta rito si Toto kahit nakasuot pa siya ng school uniform. Iniwan na rin niya sa bahay ang nakasabit na medals at pati na 'yong garland na may kulay blue na ribbons. Gusto pa rin niyang bisitahin ang pinaka-espesyal na lugar sa buhay niya sa huling pagkakataon.
Natatanaw pa rin niya sa malapit ang matayog na puno ng acacia na nagsilbing silungan nila dati. Mabuti nga't matikas it pa rin ito at nakatayong matatag-hindi tulad ng pagkakaibigan nilang kay-daling nabuwal.
Napaupo siya sa may ilalim ng silong at nag-isip-isip. Mabuti na lang at kahit mainit dahil summer na, malakas pa rin ang ihip ng hangin. Kaya naging daan iyon para magmuni-muni.
Napabuntonghininga siya habang inaalala na naman ang lahat. Ang akala ba naman niya, magkasama silang tatanggap ng diploma. Ang akala niya, hanggang sa huling bahagi ng high school life niya ay kasama pa rin niya ang dalawa. Pero parang pangako lang pala iyon ng tumatakbong politiko—napako lang; naglaho lang na parang bula.
Mukhang kailangan na niyang tanggapin ang reyalidad na mag-isa na lang niyang tatahakin ang panibagong landas na ito.
Pero habang nakatanaw sa malawak na lupain ng palayan ay may narinig siyang kaluskos na galing sa pinaandar na bike. Napatigil ito at nakita niyang dumating si Owen na kaagad na umupo malayo sa kaniya.
Walang imikan ang nangyari at hanggang ngayon ay wala pa ring lakas ng loob na kausapin ni Toto ang pinsan.
Pero sumunod ding dumating si Dimitri at para bang nagkaroon muli ng tensiyon sa may tambay place. Wala—wala pa ring imikang nangyayari.
Nag-reunion pa nga sila nang watak-watak at may itinatagong tampo sa isa't isa.
Nakabibinging katahimikan ang nangibabaw sa buong palayan. Wala pa ring gustong gumawa ng first move para magsalita. Mukhang naging contest pa ito ng pataasan ng pride.
Tumagal ang pag-ikot ng oras na walang nangyayari. Parang mga naging bato lang sila dahil iniputan ng Ibong Adarna.
Pero hindi na nakapagpigil pa si Toto at unti nang naubos ang pisi ng pasensiya niya, "O, ano? 'Di ba tayo mag-uusap diyan?" Napakrus na lang siya ng braso sa pagkainip.
Iyon nga lang ay nakaramdam siya ng kalabit sa tagiliran niya at nanlaki ang mga mata ni Toto nang makitang may iniabot na box si Dimitri sa kaniya.
"Congratulations, Toto," masayang sabi ni Owen at maski si Toto ay hindi maintindihan ang mga pangyayari.
Kaagad namang kinusot ni Dimitri ang buhok ni Toto sabay ngiti rin sa kaibigan. "Yes, may valedictorian na sa magtotropa!" Tapos ay nakipag-apir pa siya kay Owen na mas ikinagulat pa ni Toto.
"Mga bugok kayo! Kailan pa kayo nagkabati?" Pinaghahampas pa ni Toto ang mga kaibigan niya sa inis. Pinagkaisahan ba naman siya ng mga ito.
Si Dimitri ang sumagot at saka na sila nagkalapit na umupo. "Mga last week lang. Pero siyempre, gusto ka naming i-surprise ni Owen."
Pinaghandaan talaga nila ang pagkakataong ito para kay Toto.
Pero nagtanong pa si Toto habang inaalog ang gift box na binigay sa kaniya, "Wait, ano ba 'tong binigay n'yo? Baka pala bomba ito."
BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Teen FictionTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...