MABIGAT PA SA BAG na dala ni Toto ang pakiramdam niya ngayong araw. Hindi niya alam kung ano ang nararamdaman niya at tila upos siya ng motivation sa anumang gawain ngayong araw. Pero may klase pa rin kaya kailangan niyang pumasok.
Patuloy lang ang pananamlay ng katawan niya habang nakaupo sa may desk. Para tuloy siyang lantang gulay na hindi gaanong makagalaw sa kinauupuan niya.
Bakas pa rin ang pamumugto ng mga mata niya buhat ng pag-iiiyak pa buhat kagabi. Sa buong buhay niya, ngayon lang talaga bumuhos ang kaniyang luha nang ganito kalala. Durog na durog na talaga ang puso niya—matindi pa sa pagkakapulbos dahil sa kaguluhang nangyari sa dalawa niyang kaibigan.
Nakaloloko mang isipin, pero ngayon lang talaga naramdaman ni Toto ang feeling na ma-heart broken—hindi nga lang dahil may nakipaghiwalay sa kaniya pero dahil sa pagkakawatak-watak ng pagkakaibigan nila. E, ang sabi pa nga, mas masakit ang mawalan ng kaibigan kaysa sa makipag-break ang jowa. Pero hindi na lang sabi-sabi ito dahil totoo na niya itong nararamdaman.
Hanggang ngayon ay hindi na niya alam ang nangyari sa kanila, maliban na lang kay Dimitri na nakasalubong niya kasama si Annika na papasok sa classroom nila. Ni hindi nga sila binati ni Toto at dire-diretso lang siya sa paglalakad. Pero nagdesisyon muna si Toto na huwag munang kausapin ang dalawa lalo na at hindi pa rin humuhupa ang tensiyon sa kanilang dalawa.
"Uy, Toto, okay ka lang ba diyan?" tanong ni Angeline sa kaklase niya na kanina pa napapansing nakamukmok ito. At saka naman niya hinimas ang balikat nito.
Tumango lang si Toto bilang sagot at binigyan siya ng isang straight na mukha. Wala talaga siyang ganang makipag-usap sa kahit sino ngayon.
Anytime ay gusto nang sumabog ni Toto pero tamang pigil pa rin siya dito. Ang katuwiran niya kasi, hindi sa paaralan ang tamang lugar para mag-breakdown at mag-emote.
Napabitiw na lang ng buntong-hininga si Toto at saka binuksan ang textbook nila sa AP at nagbasa na lang para kahit papaano, ma-distract siya sa mga nangyari ngayon. At isa pa, may quiz pa sila sa nasabing subject.
Pero wala pa man sa kalahati ang buong araw ay matamlay pa rin si Toto. Napagalitan pa nga siya ni Ma'am Baluyut dahil nawala pa siya sa focus noong nag-a-announce ng scores sa quiz nila. Ang akala niya, kaya niyang mapaghiwalay ang academics at ang totoong buhay pero nahihirapan siya ngayon. Ibang sakit talaga ang dinulot sa kaniya ng mga pangyayari.
Oras na ng recess at wala pa rin sa huwisyo si Toto sabay salo ng baba gamit ang palad. Sariwa pa rin sa isipan niya 'yong mga senaryo ng sagutan sa may palayan kaya hindi niya mapigilan ang maging emosyonal.
Lumapit naman si Paulo na bakas ang pag-aalala sa kaibigan. "Tara, bili tayo sa canteen," pagyayaya nito kay Toto sabay hila sa braso nito.
"Ayaw ko," malamig na sagot ni Toto na napayuko at hindi makatingin kay Paulo.
Inilapit pa ni Paulo ang mukha niya kay Paulo at binigyan siya ng masiglang, "Libre ko."
"Ayaw ko. Wala akong ganang kumain ngayon." Kung gaano ka-energetic ang tono ni Paulo ay ganoon naman kalamlam ang kay Toto. Hindi effective ang convincing powers ni Paulo ngayon.
"Hay, naku! Kita mo, kaya ka nangangayayat, kulang ka sa kain," komento tuloy ni Paulo, pero hindi siya sinagot ni Toto.
"Paulo naman, kita mong wala sa mood 'yang bespren mo." Nanermon pa itong seatmate nilang si Angeline. "Ako na lang kaya ilibre mo?" bigla pa niyang hirit sabay nagpaawa effect kay Paulo.
"Suwelo mo. Ikaw ba 'yong may masamang pakiramdam?" birada pa ni Paulo.
"T*naydamo! Oo kaya, masama pakiramdam ko...sa 'yo!" Tinarayan na lang siya ni Angeline sabay irap at napa-hair flip pa siya. Habang si Toto, wala pa ring paramdam sa dalawang nagbabangayan na.
BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Teen FictionTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...